Pumunta sa nilalaman

Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Paghihiganti?

Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Paghihiganti?

Ang sagot ng Bibliya

 Kahit iniisip ng isang tao na may katuwiran siyang maghiganti, labag pa rin iyon sa sinasabi ng Bibliya: “Huwag mong sabihin: ‘Gagawin ko sa kaniya ang ginawa niya sa akin; gaganti ako.’” (Kawikaan 24:29, talababa) May mga payo sa Bibliya na nakatulong sa marami para malabanan ang kagustuhang maghiganti.

Sa artikulong ito

 Ano’ng masama sa paghihiganti?

 Kapag ginawan ka ng masama ng isang tao, natural lang na magalit ka at gusto mong maparusahan siya dahil sa ginawa niya. Pero kung tayo mismo ang maghihiganti, labag iyon sa sinasabi ng Bibliya. Bakit?

 Hindi natutuwa ang Diyos kapag naghihiganti tayo. Sa Bibliya, sinabi ng Diyos na Jehova: a “Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti.” (Roma 12:19) Ipinapayo ng Bibliya na kapag ginawan tayo ng masama ng iba, dapat nating ayusin iyon sa mapayapang paraan kung posible imbes na maghiganti. (Roma 12:18) Pero paano kung hindi iyon posible o ginawa mo na ang lahat para makipag-ayos? Pinapayuhan tayo ng Bibliya na magtiwalang itatama ni Jehova ang mga bagay-bagay.—Awit 42:10, 11.

 Paano naglalapat ng parusa ang Diyos?

 Sa ngayon, hinahayaan ng Diyos ang mga gobyerno na magparusa sa mga gumagawa ng masama. (Roma 13:1-4) Darating ang panahon, paparusahan niya ang lahat ng gumagawa ng masama at titiyakin niyang wala nang magdurusa kahit kailan.—Isaias 11:4.

 Paano ko malalabanan ang kagustuhang maghiganti?

  •   Huwag magpadalos-dalos. (Kawikaan 17:27) Karaniwan nang nagsisisi sa bandang huli ang mga taong nagpapadala sa galit. Pero mas malamang na makagawa ng tamang desisyon ang mga nag-iisip muna.—Kawikaan 29:11.

  •   Alamin ang mga detalye. (Kawikaan 18:13) Kung nagawan ng mali ang isang tao, makakabuting itanong muna niya sa sarili niya, ‘May mga hindi ba ako alam na posibleng dahilan kung bakit niya iyon nagawa sa ’kin? Stressed lang ba siya? O baka hindi lang niya alam ang ginagawa niya?’ Kung minsan, iniisip nating sinadya tayong saktan ng isang tao pero hindi naman pala.

 Mga maling akala tungkol sa paghihiganti

 Maling akala: Dahil sinasabi ng Bibliya na “mata para sa mata,” puwede tayong maghiganti.—Levitico 24:20.

 Ang totoo: Ginamit ang utos na “mata para sa mata” sa sinaunang Israel para maiwasan ang paghihiganti. Nakatulong ito sa mga hukom noon na magbigay ng tamang parusa. bDeuteronomio 19:15-21.

 Maling akala: Dahil sinasabi ng Bibliya na hindi puwedeng maghiganti, hindi natin puwedeng ipagtanggol ang sarili natin.

 Ang totoo: Kapag may nananakit sa isang tao, may karapatan siyang ipagtanggol ang sarili niya o humingi ng tulong sa mga awtoridad. Pero sinasabi ng Bibliya na dapat nating iwasan ang karahasan hangga’t maaari.—Kawikaan 17:14.

a Jehova ang pangalan ng Diyos gaya ng sinasabi sa Bibliya.

b Para sa higit pang impormasyon tungkol sa utos na ito, tingnan ang artikulong “Ano ang Ibig Sabihin ng ‘Mata Para sa Mata’?