Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Dapat Ka Bang Maniwala sa Trinidad?

Dapat Ka Bang Maniwala sa Trinidad?

Mahigit dalawang bilyon katao ang nagsasabing Kristiyano sila. Ang karamihan ay kabilang sa mga relihiyong nagtuturo ng Trinidad—ang doktrina na ang Ama, ang Anak, at ang espiritu santo (o, banal na espiritu) ay bumubuo ng iisang Diyos. Paano naging opisyal na doktrina ang Trinidad? At ang mas mahalaga, nasa Bibliya ba ang turong ito?

ANG Bibliya ay nakumpleto noong unang siglo C.E. Makalipas ang mahigit dalawang siglo, ang mga turong umakay sa paglitaw ng Trinidad ay sinimulang buuin noong 325 C.E. sa isang konsilyo sa lunsod ng Nicaea sa Asia Minor, ngayo’y Iznik, Turkey. Ayon sa New Catholic Encyclopedia, ang kredo, o doktrina, na ginawa ng Konsilyo ng Nicaea ang nagbigay ng unang opisyal na depinisyon sa mga turo ng simbahan, pati na sa depinisyon ng Diyos at ng Kristo. Pero bakit pa kinailangang bigyang-kahulugan ang Diyos at ang Kristo ilang siglo matapos makumpleto ang Bibliya? Malabo ba ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa mahahalagang paksang iyan?

SI JESUS BA ANG DIYOS?

Nang maging tagapamahala ng Imperyo ng Roma si Constantino, nahati ang mga nag-aangking Kristiyano tungkol sa kaugnayan ng Diyos at ni Kristo. Si Jesus ba ang Diyos, o nilikha lang siya ng Diyos? Para malutas ito, ipinatawag ni Constantino ang mga lider ng simbahan sa Nicaea, hindi dahil gusto niyang alamin ang katotohanan, kundi dahil ayaw niyang mahati ng relihiyon ang imperyo.

“Sa ganang atin ay iisa lamang ang Diyos, ang Ama.”1 Corinto 8:6, Magandang Balita Biblia

Hiniling ni Constantino sa mga obispo, na marahil ay may bilang na ilang daan, na sila’y magkaisa, pero hindi sila nakinig. Pagkatapos, iminungkahi naman niya na kilalanin ng konsilyo ang malabong konsepto na si Jesus ay “kaisang-sangkap” (homoousios) ng Ama. Ang pilosopikal na terminong Griegong ito, na wala sa Bibliya, ang naging pundasyon ng doktrina ng Trinidad na nang maglaon ay nakasaad sa mga kredo ng simbahan. Sa katunayan, sa pagtatapos ng ikaapat na siglo, halos nabuo na ang doktrina ng Trinidad sa anyong gaya ng alam natin sa ngayon, pati na ang tinatawag na ikatlong bahagi ng tatluhang diyos, ang espiritu santo.

BAKIT DAPAT MO ITONG PAG-ISIPAN?

Sinasabi ni Jesus na “sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa . . . katotohanan.” (Juan 4:23) Ang katotohanang iyan ay nakaulat sa Bibliya. (Juan 17:17) Itinuturo ba ng Bibliya na ang Ama, ang Anak, at ang espiritu santo ay tatlong persona sa iisang Diyos?

 Una sa lahat, hindi binabanggit ng Bibliya ang salitang “Trinidad.” Ikalawa, hindi kailanman inangkin ni Jesus na kapantay siya ng Diyos. Sa halip, sumamba si Jesus sa Diyos. (Lucas 22:41-44) Ang ikatlo ay tungkol sa kaugnayan ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod. Kahit binuhay na siyang muli bilang espiritu, tinawag pa rin niyang “aking mga kapatid” ang kaniyang mga tagasunod. (Mateo 28:10) Sila ba’y mga kapatid ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat? Siyempre hindi! Pero dahil nananampalataya sila kay Kristo—ang pangunahing Anak ng Diyos—sila rin ay naging mga anak ng kaniyang Ama. (Galacia 3:26) Ihambing ang karagdagang mga teksto sa sumusunod na pananalitang nakasaad sa kredong ginawa ng Konsilyo ng Nicaea.

Ang sabi ng Kredo ng Nicaea:

“Kami ay sumasampalataya . . . sa iisang Panginoong Hesu-Kristo . . . na kaisang-sangkap ng Ama, Diyos ng Diyos, Liwanag ng Liwanag, napaka Diyos ng napaka Diyos.”

Ang sabi ng Bibliya:

  • “Dakila ang Ama kaysa akin [Jesus].”Juan 14:28. *

  • “Aakyat ako [Jesus] sa aking Ama at inyong Ama, sa aking Diyos at inyong Diyos.”Juan 20:17.

  • “Sa ganang atin ay iisa lamang ang Diyos, ang Ama.”1 Corinto 8:6.

  • “Purihin natin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo.”1 Pedro 1:3.

  • “Ito ang sinasabi niya na ang pangalan ay Amen [Jesus], ang . . . pinagmulan ng lahat ng nilalang ng Diyos.”—Pahayag [o, Apocalipsis] 3:14. *

^ par. 13 Amin ang italiko. Ang lahat ng pagsipi sa seksiyong ito ay mula sa Magandang Balita Biblia.

^ par. 17 Nasa aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? ang dalawang araling ito: “Ano ba ang Katotohanan Tungkol sa Diyos?” at “Sino si Jesu-Kristo?” Puwede kang kumuha ng isang kopya mula sa mga Saksi ni Jehova o basahin ito online sa www.pr418.com/tl.