Pumunta sa nilalaman

Ano ang Pananaw ng mga Saksi ni Jehova sa Diborsiyo?

Ano ang Pananaw ng mga Saksi ni Jehova sa Diborsiyo?

 Sinusunod namin ang pananaw ng Bibliya tungkol sa pag-aasawa at diborsiyo. Para sa Diyos, ang pag-aasawa ay dapat na panghabambuhay na pagsasama ng isang lalaki at isang babae. Seksuwal na imoralidad lang ang tanging basehan para sa diborsiyo na sinasang-ayunan ng Bibliya.—Mateo 19:5, 6, 9.

Tinutulungan ba ng mga Saksi ang mga mag-asawang may problema sa pag-aasawa?

 Oo, sa maraming paraan:

  •   Mga publikasyon. Ang mga publikasyon namin ay regular na nagtatampok ng materyal na makapagpapatibay sa pagsasama, kahit tila wala nang pag-asa ang sitwasyon. Halimbawa, tingnan ang mga artikulong “Manatiling Tapat sa Inyong Sumpaan Bilang Mag-asawa,” “Kung Paano Magpapatawad,” at “Kung Paano Maibabalik ang Tiwala.”

  •   Mga pulong. Tinatalakay sa aming mga pulong ng kongregasyon, mga asamblea, at mga kombensiyon ang praktikal na mga payo ng Bibliya para sa mga mag-asawa.

  •   Mga elder. Personal na tinutulungan ng mga elder sa kongregasyon ang mga mag-asawa; maaari nilang itawag-pansin sa mag-asawa ang mga teksto gaya ng Efeso 5:22-25.

Kailangan bang aprobahan ng mga elder sa kongregasyon ang diborsiyo ng isang Saksi?

 Hindi. Kahit hilingin sa mga elder na tulungan ang isang mag-asawang may problema sa kanilang pagsasama, wala silang awtoridad na sabihin sa mag-asawa kung ano ang dapat gawin. (Galacia 6:5) Gayunman, kung pipiliin ng isang indibiduwal na makipagdiborsiyo nang walang makakasulatang basehan, hindi siya malayang muling mag-asawa ayon sa pamantayan ng Kasulatan.—1 Timoteo 3:1, 5, 12.

Ano ang pananaw ng mga Saksi sa paghihiwalay?

 Pinapayuhan ng Bibliya ang mag-asawa na huwag maghiwalay kahit hindi perpekto ang mga kalagayan. (1 Corinto 7:10-16) Maraming problema ang malulutas sa pamamagitan ng marubdob na pananalangin, pagsunod sa mga simulain ng Bibliya, at pagpapakita ng pag-ibig.—1 Corinto 13:4-8; Galacia 5:22.

 Gayunman, maaaring magpasiya ang isang Kristiyano na humiwalay sa kaniyang asawa sa ilalim ng malulubhang kalagayan gaya ng sumusunod:

  •   Sinasadyang di-pagbibigay ng suporta.—1 Timoteo 5:8.

  •   Labis na pisikal na pang-aabuso.—Awit 11:5.

  •   Lubos na pagsasapanganib ng espirituwalidad. Halimbawa, baka ang isang Saksi ay pilitin ng kaniyang asawa na labagin ang ilang utos ng Diyos, kung kaya maaari siyang magdesisyon na paghihiwalay lang ang tanging paraan para ‘masunod niya ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.’—Gawa 5:29.