Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

BINAGO NG BIBLIYA ANG KANILANG BUHAY

Nadarama Ko Na Ngayon na Nakatutulong Ako sa Iba

Nadarama Ko Na Ngayon na Nakatutulong Ako sa Iba
  • ISINILANG: 1981

  • BANSANG PINAGMULAN: GUATEMALA

  • MAY MASAKLAP NA NAKARAAN

ANG AKING NAKARAAN:

Ipinanganak ako sa Acul, isang liblib na bayan sa kanlurang bulubundukin ng Guatemala. Ang pamilya ko ay kabilang sa mga Ixil, isang etnikong grupo mula sa angkan ng mga Maya. Bukod sa wikang Kastila, nakapagsasalita rin ako ng aming katutubong wika. Noong bata ako, kasalukuyang nagaganap sa Guatemala ang madugong yugto ng gera sibil na tumagal nang 36 na taon. Maraming Ixil ang namatay noon.

Noong apat na taon ako, ang kuya ko na pitong taon noon ay naglalaro ng granada nang bigla itong sumabog. Dahil sa aksidenteng iyon, nabulag ako; pero ang malungkot, namatay si Kuya. Pagkatapos, tumira na ako sa isang institusyon para sa mga batang bulag sa Guatemala City, at doon ako natutong magbasa ng Braille. Hindi ko gaanong maintindihan kung bakit pinagbabawalan ako ng mga empleado roon na makipag-usap sa ibang bata; iniiwasan din ako ng mga kaklase ko. Lagi akong malungkot at nananabik sa dalawang-buwang bakasyon taon-taon para makasama ang mabait at maawain kong nanay. Nakalulungkot, namatay siya nang 10 taon ako. Lumong-lumo ako nang mamatay ang kaisa-isang tao sa mundo na nagmamahal sa akin.

Noong 11 anyos ako, bumalik ako sa bayan namin at nakitira sa aking kapatid sa ama, kasama ng kaniyang pamilya. Sila ang naglaan ng mga pangangailangan ko sa araw-araw, pero pagdating sa emosyon, walang makatulong sa akin. May mga panahong dumadaing ako nang malakas sa Diyos: “Bakit namatay si Nanay? Bakit ako nabulag?” Sinasabi sa akin ng mga tao na kalooban ng Diyos ang ganitong mga trahedya. Naisip ko tuloy na walang pakialam at di-makatarungan ang Diyos. Kaya lang naman hindi ko magawang magpakamatay kasi hindi ko alam kung paano gagawin iyon.

Palibhasa’y bulag, wala akong kalaban-laban. Noong bata ako, ilang beses akong ni-rape. Hindi ako nagsumbong—iniisip ko kasi na wala namang magmamalasakit sa akin. Bihira akong kausapin ng mga tao, at hindi rin ako nakikipag-usap kahit kanino. Lagi akong mag-isa at depres, at wala akong tiwala sa mga tao.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO:

Noong 13 anyos ako, isang mag-asawang Saksi ni Jehova ang lumapit sa akin sa paaralan noong recess namin. Sinabihan pala sila ng isang guro, na may simpatiya sa kalagayan ko, na dalawin ako. Binanggit nila sa akin ang pangako ng Bibliya na bubuhaying muli ang mga patay at na balang araw, makakakitang muli ang mga bulag. (Isaias 35:5; Juan 5:28, 29) Nagustuhan ko ang itinuturo nila, pero nahirapan akong makipag-usap sa kanila, kasi hindi ako sanay makipag-usap. Sa kabila nito, mabait at matiyaga pa rin silang dumalaw para turuan ako sa Bibliya. Naglalakad sila nang mahigit 10 kilometro at umaakyat pa ng bundok para lang makarating sa bayan namin.

Ang kuwento sa akin ng kapatid ko sa ama, maayos silang manamit kahit hindi naman sila mayaman. Pero lagi nila akong dinadalhan ng pasalubong, kaya dama kong may malasakit sila sa akin. Naisip ko na mga tunay na Kristiyano lang ang magpapakita ng gayong pagsasakripisyo.

Nag-aral ako ng Bibliya gamit ang mga publikasyon sa Braille. Bagaman naiintindihan ko ang pinag-aaralan namin, may mga bagay na hindi ko matanggap. Halimbawa, nahihirapan akong maniwala na talagang nagmamalasakit sa akin ang Diyos, at na nagmamalasakit din sa akin ang iba gaya Niya. Naunawaan ko na kung bakit pansamantalang pinahihintulutan ni Jehova ang kasamaan, pero hindi ko pa rin matanggap na isa siyang maibiging Ama. *

Pero unti-unti, natulungan ako ng natututuhan ko mula sa Kasulatan na baguhin ang aking pananaw. Halimbawa, natutuhan ko na may matinding empatiya ang Diyos sa mga nagdurusa. Tungkol sa kaniyang mga mananamba na pinagmamalupitan, sinabi ng Diyos: “Walang pagsalang nakita ko ang kapighatian ng aking bayan . . . sapagkat nalalaman kong lubos ang kirot na kanilang tinitiis.” (Exodo 3:7) Nang mapahalagahan ko ang magiliw na mga katangian ni Jehova, napakilos ako na ialay ang aking buhay sa kaniya. Noong 1998, nabautismuhan ako bilang Saksi ni Jehova.

Kasama ang brother na ang pamilya’y kumupkop sa akin

Mga isang taon matapos akong mabautismuhan, kumuha ako ng isang kurso para sa mga bulag malapit sa lunsod ng Escuintla. Nalaman ng isang elder sa kongregasyon doon ang mga hirap na dinaranas ko para makadalo sa mga pulong. Ang pinakamalapit na kongregasyon kasi ay nasa mismong kabundukan din na nilalakad ng mag-asawang Saksi na nagtuturo sa akin, at naging hamon sa akin ang paglalakbay. Para tulungan ako, humanap ang elder ng isang pamilyang Saksi sa Escuintla na magpapatira sa akin at tutulungan akong makadalo sa mga pulong. Hanggang ngayon, inaalagaan pa rin nila ako na parang miyembro ng kanilang pamilya.

Marami pa akong maikukuwento kung paano ipinadama sa akin ng mga kapatid sa kongregasyon ang tunay na pag-ibig. Ang mga karanasang ito ang nakakumbinsi sa akin na bilang Saksi ni Jehova, kabilang ako sa mga tunay na Kristiyano.—Juan 13:34, 35.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG:

Sa ngayon, hindi ko na nadarama na ako’y walang halaga at walang pag-asa. May layunin na ang buhay ko. Bilang isang buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova, nakapokus ako sa pagtuturo sa iba ng mahahalagang katotohanan sa Bibliya at hindi sa aking kapansanan. Naglilingkod din ako bilang elder sa kongregasyon at nagbibigay ng mga pahayag na salig sa Bibliya sa mga kongregasyon sa lugar namin. Nagkapribilehiyo pa nga ako na magpahayag sa mga panrehiyong kombensiyon, kung saan libo-libo ang dumadalo.

Nagpapahayag gamit ang aking Bibliyang Braille

Noong 2010, nagtapos ako sa Ministerial Training School (tinatawag ngayong School for Kingdom Evangelizers) na idinaos sa El Salvador. Natulungan ako ng paaralang ito na magampanan nang mas mahusay ang aking mga pananagutan sa kongregasyon. Dahil sa pagsasanay na ito, nadama ko ang pagpapahalaga at pag-ibig ng Diyos na Jehova, na kayang pangyarihing maging kuwalipikado ang sinuman para sa kaniyang gawain.

Sinabi ni Jesus: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Masasabi ko talaga na masaya ako ngayon. At bagaman dati’y hindi ko inisip na magagawa ko ito, nadarama ko na ngayon na nakatutulong ako sa iba.

^ par. 13 Para sa impormasyon kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang kasamaan, tingnan ang kabanata 11 ng aklat na Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.