Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA PAKSA | MAY NAITUTULONG BA ANG PANALANGIN?

Bakit Tayo Inaanyayahan ng Diyos na Manalangin?

Bakit Tayo Inaanyayahan ng Diyos na Manalangin?

Nakikipagkaibigan sa atin ang Diyos.

Nag-uusap ang magkaibigan para lumalim ang samahan. Inaanyayahan din tayo ng Diyos na makipag-usap sa kaniya para maging matalik na kaibigan natin siya. Sinabi niya: “Kayo ay tiyak na tatawag sa akin at paririto at mananalangin sa akin, at pakikinggan ko kayo.” (Jeremias 29:12) Habang nakikipag-usap ka sa Diyos, magiging malapít ka sa kaniya, “at lalapit siya” sa iyo. (Santiago 4:8) Tinitiyak ng Bibliya: “Si Jehova ay malapit sa lahat ng tumatawag sa kaniya.” (Awit 145:18) Habang madalas tayong nananalangin, lalong lalalim ang kaugnayan natin sa Diyos.

“Si Jehova ay malapit sa lahat ng tumatawag sa kaniya.”—Awit 145:18

Gusto ng Diyos na tulungan ka.

Sinabi ni Jesus: “Sinong tao sa gitna ninyo ang hinihingan ng kaniyang anak ng tinapay—hindi niya siya bibigyan ng bato, hindi ba? O, kaya, hihingi siya ng isda—hindi niya siya bibigyan ng serpiyente, hindi ba? Samakatuwid, kung kayo . . . ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, lalo pa ngang higit na ang inyong Ama na nasa langit ay magbibigay ng mabubuting bagay sa mga humihingi sa kaniya!” (Mateo 7:9-11) Oo, inaanyayahan ka ng Diyos na manalangin dahil “siya ay nagmamalasakit sa [iyo]” at gusto niyang tulungan ka. (1 Pedro 5:7) Hinihimok ka pa nga niyang lumapit sa kaniya kapag may problema ka. Sinasabi ng Bibliya: “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos.”—Filipos 4:6.

May espirituwal na pangangailangan ang tao.

Ayon sa mga eksperto tungkol sa kalikasan ng tao, daan-daang milyon ang nakadaramang kailangan nilang manalangin. Kabilang dito maging ang ilang ateista at agnostiko. * Patunay ito na nilalang nga ang tao na may espirituwal na pangangailangan. Sinabi ni Jesus: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” (Mateo 5:3) Para matugunan ang pangangailangang iyan, mahalagang regular na makipag-usap sa Diyos.

Kung tatanggapin natin ang paanyaya ng Diyos na manalangin sa kaniya, ano ang maitutulong nito sa atin?

^ par. 8 Sa surbey na isinagawa ng Pew Research Center noong 2012, ipinakikitang 11 porsiyento ng mga ateista/agnostiko sa Estados Unidos ang nananalangin kahit man lang minsan sa isang buwan.