Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KARUNUNGAN NOON NA MAGAGAMIT NGAYON

Lubusang Magpatawad

Lubusang Magpatawad

SIMULAIN SA BIBLIYA: “Patuloy ninyong . . . lubusang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba. Kung paanong si Jehova ay lubusang nagpatawad sa inyo, gayon din naman ang gawin ninyo.”—Colosas 3:13.

Ano ang ibig sabihin nito? Sa Bibliya, ang kasalanan ay itinulad sa utang at ang pagpapatawad, sa pagkansela sa utang. (Lucas 11:4) Sinasabi ng isang reperensiyang akda na sa Kasulatan, ang salitang Griego na isinaling “patawarin” ay nangangahulugang “kalimutan . . . ang pagkakautang at huwag na itong singilin.” Kaya kapag pinatatawad natin ang isang nagkamali sa atin, hindi na tayo umaasa ng anumang bagay na masisingil sa kaniya. Ang pagnanais nating magpatawad ay hindi naman nangangahulugang sang-ayon tayo sa maling ginawa ng isa o binabale-wala natin ang sakit na nagawa niya. Pinipili lang nating alisin ang hinanakit, kahit na ‘may dahilan tayo para magreklamo.’

Praktikal pa ba ito sa ngayon? Bilang di-sakdal na mga tao, lahat tayo ay nagkakasala. (Roma 3:23) Kaya isang katalinuhan na maging mapagpatawad, dahil anumang oras, puwede rin tayong magkamali at kailangang humingi ng tawad. At kapag nagpapatawad tayo, tayo rin mismo ang nakikinabang. Bakit?

Kapag nagkikimkim tayo ng galit at hinanakit—at hindi nagpapatawad—sinasaktan natin ang ating sarili. Dahil sa gayong negatibong damdamin, nawawala ang ating kaligayahan, nalilimitahan ang ating buhay, at ginagawa tayong miserable. Maaari din itong pagmulan ng malubhang sakit. Ayon sa report ni Dr. Yoichi Chida at ng Professor of Psychology na si Andrew Steptoe sa Journal of the American College of Cardiology: “Ipinahihiwatig ng mga bagong tuklas na ang galit at sama ng loob ay nakapagpapalubha sa CHD [coronary heart disease].”

Pero ano naman ang pakinabang kapag nagpapatawad? Kapag pinatatawad natin ang iba, napananatili natin ang pagkakaisa at kapayapaan, anupat naiingatan ang kaugnayan natin sa isa’t isa. Higit sa lahat, pinatutunayan nating tagatulad tayo ng Diyos, na lubusang nagpapatawad sa mga nagsisising makasalanan at na umaasang tutularan natin siya.—Marcos 11:25; Efeso 4:32; 5:1.