Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TULARAN ANG KANILANG PANANAMPALATAYA | MARIA

Nakayanan Niya ang Matinding Pamimighati

Nakayanan Niya ang Matinding Pamimighati

NAPALUHOD si Maria sa labis na pamimighati. Parang naririnig pa rin niya ang pagdaing ng kaniyang anak bago ito mamatay matapos ang maraming oras na paghihirap. Nagdilim ang kalangitan sa katanghaliang tapat. Niyanig ng lindol ang lupa. (Mateo 27:45, 51) Inisip marahil ni Maria na gustong ipakita ni Jehova sa mga tao kung gaano kasakit sa Kaniya, higit kaninuman, ang pagkamatay ni Jesu-Kristo.

Kinahapunan, nahawi ang kadilimang bumalot sa Golgota, o Pook ng Bungo. Nagdadalamhati si Maria dahil sa kaniyang anak. (Juan 19:17, 25) Malamang na punong-puno ang kaniyang isip ng mga alaala ni Jesus. Isa na marahil ang nangyari 33 taon na ang nakararaan. Katatapos lang nilang iharap ni Jose ang kanilang munting sanggol sa templo sa Jerusalem. Isang may-edad nang lalaki, si Simeon, ang humula ng dakilang mga bagay tungkol kay Jesus. Pero idinagdag din niya na darating ang araw na parang may mahabang tabak na tatagos, o sasaksak, kay Maria. (Lucas 2:25-35) Ngayon lang, sa malagim na oras na ito, naintindihan ni Maria ang kahulugan ng mga salitang iyon.

Parang sinaksak ng tabak ang puso ni Maria dahil sa pamimighati

Sinasabi na ang kamatayan ng isang anak ang pinakamasakit sa lahat. Isang malupit na kaaway ang kamatayan at lahat tayo ay sinasaktan nito. (Roma 5:12; 1 Corinto 15:26) Posible bang makayanan ang ganitong kirot? Talakayin natin ang kuwento ng buhay ni Maria mula sa panahon ng ministeryo ni Jesus hanggang sa kamatayan nito at ilang panahon pagkatapos. Marami tayong matututuhan tungkol sa pananampalataya ni Maria na nakatulong para makayanan niya ang matinding pamimighati.

“ANUMAN ANG SABIHIN NIYA SA INYO, GAWIN NINYO”

Bumalik tayo nang tatlo’t kalahating taon. May kutob si Maria na magkakaroon ng pagbabago. Kahit sa maliit na bayan ng Nazaret, pinag-uusapan ng mga tao si Juan Bautista at ang mensahe nito tungkol sa pagsisisi. Nakita ni Maria na para sa kaniyang panganay, ang balita ay hudyat para magsimula ito sa kaniyang ministeryo. (Mateo 3:1, 13) Para kay Maria at sa kaniyang pamilya, ang pag-alis ni Jesus ay isang malaking kawalan. Bakit?

Lumilitaw na patay na ang asawa ni Maria na si Jose. Kung gayon, hindi na bago kay Maria ang kawalan. * Si Jesus ngayon ay hindi lang tinatawag na “ang anak ng karpintero” kundi tinatawag ding “ang karpintero.” Malamang na si Jesus na ang nagpatuloy ng trabaho ng kaniyang ama at sumuporta sa pangangailangan ng pamilya, kasama na ang hindi bababa sa anim na kapatid na mas bata sa kaniya. (Mateo 13:55, 56; Marcos 6:3) Kung sinanay man ni Jesus si Santiago​—malamang na ang sumunod na anak na lalaki—​para ipagpatuloy ang kanilang kabuhayan, hindi pa rin madali para sa pamilya ang pag-alis ng panganay. Mabigat na ang pasanin ni Maria; nangamba kaya siya sa darating na pagbabagong ito? Hindi natin alam. Pero may mas mahalagang tanong: Ano kaya ang magiging reaksiyon niya kapag si Jesus ng Nazaret ay maging Jesu-Kristo, ang matagal nang ipinangakong Mesiyas? May makikita tayo sa isang ulat ng Bibliya tungkol dito.​—Juan 2:1-12.

Pumunta si Jesus kay Juan para magpabautismo, at naging ang Pinahiran ng Diyos, o Mesiyas. (Lucas 3:21, 22) Tapos ay pumili siya ng kaniyang mga alagad. Kahit apurahan ang kaniyang gawain, may panahon pa rin siya para sa masasayang okasyon kasama ng pamilya at mga kaibigan. Nagpunta siya sa isang kasalan sa Cana, isang bayan sa taas ng burol na mga 13 kilometro mula sa Nazaret. Kasama niya ang kaniyang ina, mga kapatid, at mga alagad. Habang nasa handaan, may napansing problema si Maria. Marahil ay nakita niya na natataranta at nagbubulungan ang ilang kapamilya ng ikinasal. Naubusan sila ng alak! Sa kanilang kultura, ang ganitong kakulangan ay magdadala ng kahihiyan sa pamilya at sisira sa masayang okasyon. Naawa si Maria sa kanila kaya kinausap niya si Jesus.

“Wala silang alak,” ang sabi ni Maria sa kaniyang anak. Ano kaya ang inaasahan niyang gagawin ni Jesus? Hindi natin sigurado, pero alam niya na ang kaniyang anak ay isang dakilang tao na gagawa ng dakilang mga bagay. Baka umaasa siyang sisimulan na iyon ni Jesus ngayon. Para bang sinasabi niya, “Anak, pakigawan mo ito ng paraan.” Hindi niya siguro inaasahan ang sagot ni Jesus: “Ano ang kinalaman ko sa iyo, babae?” Ang sagot ni Jesus ay hindi kawalang-galang, bagaman ganito ang naging interpretasyon ng ilan. Pero makikita sa kaniyang sagot ang malumanay na pagsaway. Ipinaaalaala nito kay Maria na hindi niya dapat diktahan si Jesus tungkol sa ministeryo nito; tanging ang kaniyang Ama, si Jehova, ang puwedeng gumawa nito.

Maunawain at mapagpakumbaba si Maria kaya tinanggap niya ang pagtutuwid ni Jesus. Sinabihan niya ang mga nag-aasikaso sa piging: “Anuman ang sabihin niya sa inyo, gawin ninyo.” Natanto ni Maria na hindi na siya ang dapat magturo sa kaniyang anak; sa halip, siya at ang iba pa ang dapat sumunod sa sasabihin ni Jesus. Pero gaya ng kaniyang ina, nagpakita ng awa si Jesus sa bagong kasal. Ginawa niya ang una niyang himala​—ginawa niyang masarap na alak ang tubig. Ang resulta? “Nanampalataya sa kaniya ang kaniyang mga alagad.” Nanampalataya rin si Maria kay Jesus. Itinuring niya si Jesus hindi lang bilang kaniyang anak kundi bilang Panginoon at Tagapagligtas.

May matututuhan ang mga magulang ngayon kay Maria. Totoo, walang ibang magulang na nakapagpalaki ng anak na gaya ni Jesus. Pero sakdal man o hindi ang isang anak, hamon pa rin sa mga magulang kapag nagiging adulto na ito. Baka tratuhin pa rin na parang bata ng isang magulang ang kaniyang anak kahit malaki na ito. (1 Corinto 13:11) Paano matutulungan ng isang magulang ang anak niyang adulto na? Maaari niyang ipakita na talagang nagtitiwala siya na ang kaniyang tapat na anak ay patuloy na susunod sa turo ng Bibliya at tatanggap ng pagpapala ni Jehova. Kapag may gayong pagtitiwala ang mapagpakumbabang mga magulang, malaki ang maitutulong nito sa kanilang mga anak. Tiyak na pinahalagahan ni Jesus ang suporta ni Maria sa kaniya sa sumunod na mga taon.

“ANG KANIYANG MGA KAPATID . . . AY HINDI NANANAMPALATAYA SA KANIYA”

Kaunti lang ang sinasabi ng mga Ebanghelyo tungkol kay Maria sa loob ng tatlo at kalahating taon ng ministeryo ni Jesus. Pero tandaan na maaaring isa nang balo si Maria​—isang nagsosolong magulang na marahil ay may maliliit pang anak. Kaya mauunawaan natin kung hindi siya nakasama kay Jesus habang nangangaral ito sa kanilang lugar. (1 Timoteo 5:8) Pero patuloy niyang binulay-bulay ang espirituwal na mga bagay na natutuhan niya tungkol sa Mesiyas. Dumadalo rin siya sa mga pulong sa sinagoga sa kanilang lugar gaya ng kinaugalian ng pamilya nila.​—Lucas 2:19, 51; 4:16.

Posibleng kasama si Maria sa mga nakikinig nang magsalita si Jesus sa sinagoga sa Nazaret. Siguradong tuwang-tuwa si Maria nang marinig nitong ipahayag ni Jesus na ang daan-daang taóng hula tungkol sa Mesiyas ay natupad sa kaniya! Pero tiyak na nangamba siya nang makita niyang ayaw tanggapin ng mga kapuwa niya Nazareno ang kaniyang anak. Tinangka pa nga nilang patayin ito!​—Lucas 4:17-30.

Nagpabigat din sa kalooban niya ang reaksiyon ng iba pa niyang anak. Sa Juan 7:5 nalaman natin na hindi nanampalataya gaya ni Maria ang apat niyang anak na lalaki. Mababasa natin: “Ang kaniyang mga kapatid . . . ay hindi nananampalataya sa kaniya.” Kung tungkol sa kaniyang mga kapatid na babae​—na di-bababa sa dalawa—​walang sinasabi ang Bibliya. * Sa paanuman, naranasan ni Maria ang hirap ng kalooban na mamuhay sa sambahayang may magkakaibang paniniwala. Kailangan niyang ibalanse ang pagiging tapat sa mga turo ng Bibliya at ang pagsisikap na maakay ang kaniyang mga anak nang hindi nakikipagtalo o nagiging diktador.

Sa isang pagkakataon, dumating ang mga kamag-anak ni Jesus​—malamang na kasama ang kaniyang mga kapatid na lalaki—​para “pigilan siya.” Sa katunayan, sinasabi nila: “Nasisiraan na siya ng kaniyang isip.” (Marcos 3:21, 31) Siyempre hindi ito inisip ni Maria, pero sumama siya sa kaniyang mga anak na lalaki marahil sa pag-asang may matututuhan sila para manampalataya kay Jesus. Iyon ba ang nangyari? Kahit marami nang ginawang himala si Jesus at itinurong mahahalagang katotohanan, hindi pa rin nanampalataya ang ibang anak na lalaki ni Maria. Nawalan kaya siya ng pag-asang maging mananampalataya ang iba niyang mga anak?

May magkakaibang paniniwala ba ang inyong pamilya? Marami kang matututuhan sa pananampalataya ni Maria. Hindi siya nawalan ng pag-asa. Sa halip, ipinakita niya sa kaniyang pamilya na ang pananampalataya niya ay nagdulot sa kaniya ng kaligayahan at kapayapaan ng isip. Pero patuloy niyang sinuportahan ang kaniyang tapat na anak. Hinanap-hanap ba niya si Jesus? Inisip ba niyang sana ay kasama pa nila si Jesus sa bahay? Kung totoo man ito, sinikap niyang kontrolin ang kaniyang damdamin. Itinuring niyang isang pribilehiyo na suportahan at patibayin si Jesus. Matutulungan mo rin ba ang iyong mga anak na unahin ang Diyos sa kanilang buhay?

“ISANG MAHABANG TABAK ANG PATATAGUSIN SA IYO”

Ginantimpalaan ba ang pananampalataya ni Maria kay Jesus? Hindi kailanman kinalilimutan ni Jehova na gantimpalaan ang pananampalataya ng isa, at tiyak na ginawa niya iyon kay Maria. (Hebreo 11:6) Gunigunihin kung gaano kasaya si Maria na marinig ang sermon ng kaniyang anak o makabalita mula sa mga nakapakinig kay Jesus.

Makikita sa karamihan sa mga ilustrasyon ni Jesus ang mga itinuro sa kaniya nina Jose at Maria

Napansin ba ni Maria na ginamit ni Jesus sa kaniyang mga ilustrasyon ang mga naranasan nito habang lumalaki sa Nazaret? Nang bumanggit si Jesus tungkol sa pagwawalis ng isang babae sa kaniyang bahay para hanapin ang nawawalang barya, paggiling ng harina para sa tinapay, o pagsisindi ng lampara at paglalagay nito sa patungan, nagunita ba ni Maria ang panahong kasa-kasama niya ang maliit na batang ito sa kaniyang gawain sa araw-araw? (Lucas 11:33; 15:8, 9; 17:35) Nang sabihin ni Jesus na ang kaniyang pamatok ay mabait at ang kaniyang pasan ay magaan, naalaala kaya ni Maria ang masasayang araw noong pinapanood niya si Jose habang tinuturuan nito ang batang si Jesus sa paggawa ng pamatok na lapat at hindi makasasakit sa hayop? (Mateo 11:30) Tiyak na tuwang-tuwa si Maria na isip-isipin ang pribilehiyong ibinigay sa kaniya ni Jehova​—ang makatulong sa pagpapalaki at pagsasanay sa batang magiging Mesiyas. Malamang na napakasaya niya habang pinakikinggan si Jesus, ang pinakadakilang guro sa lupa, na gumamit ng mga bagay at eksenang nakikita sa paligid para magturo ng mahahalagang aral!

Pero nanatiling mapagpakumbaba si Maria. Hindi siya inilagay ni Jesus sa pedestal para labis na hangaan o sambahin pa nga. Noong nagtuturo si Jesus, isang babae ang nagsabi na tiyak na napakaligaya ng ina na nagsilang kay Jesus. Sumagot si Jesus: “Hindi, sa halip, maligaya yaong mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito!” (Lucas 11:27, 28) At nang may magsabi kay Jesus na nandoon ang kaniyang ina at mga kapatid, sinabi ni Jesus na ang mga nananampalataya ang talagang mga ina at kapatid niya. Imbes na magdamdam, tiyak na naintindihan ni Maria ang punto ni Jesus​—mas mahalaga ang kaugnayan sa mga kapananampalataya kaysa sa kaugnayan sa mga kapatid sa laman.​—Marcos 3:32-35.

Kulang ang salita para ilarawan ang kirot na nadama ni Maria nang makita niyang nagdurusa sa pahirapang tulos ang kaniyang anak. Iniulat nang maglaon ni apostol Juan, na nakasaksi sa pagpatay kay Jesus, ang detalyeng ito: Sa panahong iyon ng paghihirap ni Jesus, si Maria ay nasa “tabi ng pahirapang tulos ni Jesus.” Walang nakahadlang sa tapat at mapagmahal na inang iyon na manatili sa tabi ng kaniyang anak hanggang sa huli. Pagkakita ni Jesus sa kaniyang ina, kahit hirap na hirap nang huminga at magsalita, nagbilin siya. Ipinagkatiwala niya ang kaniyang ina sa kaniyang mahal na apostol na si Juan. Dahil hindi pa rin nananampalataya ang kaniyang mga kapatid na lalaki, hindi sa kanila ibinilin ni Jesus si Maria kundi sa kaniyang tapat na tagasunod. Sa gayon, ipinakita ni Jesus kung gaano kahalagang pangalagaan ng isang mananampalataya ang kaniyang pamilya, lalo na pagdating sa espirituwal na pangangailangan nila.​—Juan 19:25-27.

Nang mamatay si Jesus, natupad ang matagal nang inihulang kirot na madarama ni Maria​—ang pagtagos ng mahabang tabak ng pamimighati. Hindi natin maubos maisip kung gaano kasakit para kay Maria na mamatayan ng anak. Pero tiyak na hindi natin mailalarawan kung gaano siya kasaya makalipas ang tatlong araw! Nabalitaan ni Maria ang nangyaring pinakadakilang himala kailanman​—binuhay-muli si Jesus! At lalo pa siyang lumigaya dahil nagpakita si Jesus nang sarilinan sa kapatid nitong si Santiago. (1 Corinto 15:7) Naantig si Santiago sa tagpong iyon, pati na ang iba pang kapatid na lalaki ni Jesus. Nalaman natin na nanampalataya sila na si Jesus ang Kristo. Di-nagtagal, kasama na sila ng kanilang ina sa mga Kristiyanong pagpupulong, na “nagpapatuloy sa pananalangin.” (Gawa 1:14) Dalawa sa kanila, sina Santiago at Judas, ang sumulat ng mga aklat ng Bibliya nang maglaon.

Tuwang-tuwa si Maria nang maging mga tapat na Kristiyano ang iba pa niyang anak na lalaki

Ang huling pagbanggit kay Maria ay nang kasama niya ang kaniyang mga anak sa mga pagpupulong, na patuloy na nananalangin. Napakaganda ngang pagtatapos sa ulat tungkol kay Maria. Isa siyang huwaran para sa atin! Dahil sa kaniyang pananampalataya, nakayanan niya ang matinding pamimighati, at sa wakas ay tumanggap ng maluwalhating gantimpala. Kung tutularan natin ang kaniyang pananampalataya, makakayanan din natin ang anumang kirot na dulot ng sanlibutang ito at gagantimpalaan tayo nang higit sa maguguniguni natin.

^ par. 8 Matapos lumitaw si Jose sa ulat tungkol sa nangyari noong 12 anyos si Jesus, wala na siya sa ulat ng Ebanghelyo; tanging ang ina at iba pang kapatid ni Jesus ang nababanggit. Si Jesus ay minsang tinawag na “anak ni Maria” nang walang pagbanggit kay Jose.​—Marcos 6:3.

^ par. 16 Hindi si Jose ang tunay na ama ni Jesus, kaya ang mga kapatid niyang ito ay mga kapatid niya sa ina.​—Mateo 1:20.