Pumunta sa nilalaman

Si Maria Ba ang Ina ng Diyos?

Si Maria Ba ang Ina ng Diyos?

Ang sagot ng Bibliya

 Hindi. Hindi itinuturo ng Bibliya na si Maria ang ina ng Diyos, ni sinasabi man nito na dapat sambahin o bigyang-pakundangan ng mga Kristiyano si Maria. a Pag-isipan ito:

  •   Hindi kailanman inangkin ni Maria na siya ang ina ng Diyos. Ipinaliwanag ng Bibliya na ipinanganak niya ang “Anak ng Kataas-taasan” o ang “Anak ng Diyos,” hindi ang Diyos mismo.—Lucas 1:32, 35.

  •   Hindi kailanman sinabi ni Jesu-Kristo na si Maria ang ina ng Diyos o na dapat pag-ukulan si Maria ng debosyon. Sa katunayan, itinuwid ni Jesus ang isang babae na nagbigay ng espesyal na atensiyon sa papel ni Maria bilang ina ni Jesus. Sinabi niya: “Hindi, sa halip, Maligaya yaong mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito!”—Lucas 11:27, 28.

  •   Ang pananalitang “Ina ng Diyos” at “Theotokos” (Nagsilang sa Diyos) ay hindi makikita sa Bibliya.

  •   Sa Bibliya, ang pananalitang “reyna ng langit” ay tumutukoy, hindi kay Maria, kundi sa isang diyos-diyosang sinasamba ng mga apostatang Israelita. (Jeremias 44:15-19) Posibleng ang “reyna ng langit” ay tumutukoy kay Ishtar (Astarte), isang diyosa ng mga Babilonyo.

  •   Hindi sinamba ng unang mga Kristiyano si Maria, ni binigyan siya ng espesyal na karangalan. Sinabi ng isang istoryador na ang unang mga Kristiyano ay “malamang na tumanggi sa mga kulto at natakot na baka ang di-nararapat na atensiyon kay Maria ay magmukhang pagsamba sa diyosa.”—In Quest of the Jewish Mary.

  •   Sinasabi ng Bibliya na mula’t sapol, umiiral na ang Diyos. (Awit 90:1, 2; Isaias 40:28) Dahil wala siyang pasimula, hindi siya puwedeng magkaroon ng ina. Karagdagan pa, hindi puwedeng ipagbuntis ni Maria ang Diyos sa kaniyang sinapupunan; malinaw na sinasabi ng Bibliya na kahit sa mga langit ay hindi magkakasya ang Diyos.—1 Hari 8:27.

Maria—Ina ni Jesus, hindi “Ina ng Diyos”

 Si Maria ay ipinanganak na Judio, at inapo siya ni Haring David. (Lucas 3:23-31) Siya ay lubhang kinalulugdan ng Diyos dahil sa kaniyang pananampalataya at debosyon. (Lucas 1:28) Pinili siya ng Diyos para maging ina ni Jesus. (Lucas 1:31, 35) Nagkaroon pa ng ibang mga anak si Maria at ang asawa niyang si Jose.—Marcos 6:3.

 Kahit ipinakita ng Bibliya na si Maria ay naging alagad ni Jesus, wala nang gaanong impormasyon na ibinigay tungkol sa kaniya.—Gawa 1:14.

a Maraming relihiyon ang nagtuturo na si Maria ang ina ng Diyos. Tinatawag nila siya na “Reyna ng Langit” o bilang Theotokos, isang salitang Griego na nangangahulugang “Nagsilang sa Diyos.”