Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Susi sa Maligayang Pamilya

Pagdidisiplina sa mga Anak

Pagdidisiplina sa mga Anak

John: * Bago ako disiplinahin ng aking mga magulang dahil sa ginawa kong mali, sisikapin muna nilang unawain kung bakit ko nagawa iyon. Sinisikap ko silang tularan kapag dinidisiplina ko ang aking mga anak na babae. Iba naman ang kinalakhang pamilya ng asawa kong si Alison. Padalus-dalos ang kaniyang mga magulang. Dinidisiplina nila ang kanilang mga anak nang hindi man lamang inaalam kung bakit nila nagawa iyon. Kung minsan, nadarama kong gayundin kahigpit ang pagdidisiplina ng asawa ko sa mga anak namin.

Carol: Limang taóng gulang pa lamang ako nang iwan kami ni Itay. Wala siyang pakialam sa aming apat na magkakapatid. Nagtrabaho nang husto si Inay para ilaan ang mga pangangailangan namin, at ako naman ang nag-alaga sa aking nakababatang mga kapatid na babae. Hindi ko naranasang maging bata dahil kailangan kong gawin ang karaniwang ginagawa ng isang magulang. Dahil dito, naging seryosong tao ako. Kapag nagkakamali ang mga anak ko at kailangan silang disiplinahin, masyado akong nababahala. Gusto kong malaman kung bakit nangyari iyon. Iba naman ang asawa kong si Mark. Hindi siya masyadong nababahala sa nangyari. Pinalaki siya ng isang istrikto pero maibiging ama, na tapat na nagmamahal sa kaniyang ina. Madali niyang naaayos ang nagiging problema ng mga anak namin. Aalamin muna niya ang kalagayan, itutuwid ito, at kalilimutan na.

GAYA ng ipinakikita ng mga sinabi nina John at Carol, ang pagpapalaki sa iyo ay maaaring may malaking epekto sa pagpapalaki mo sa iyong mga anak. Kapag magkaiba ang kinalakhang pamilya ng mag-asawa, malamang na magkaiba rin ang kanilang saloobin pagdating sa pagsasanay sa kanilang mga anak. Kung minsan, ang mga pagkakaibang ito ay nagdudulot ng problema sa mag-asawa.

Maaari pang lumala ang problema kapag pagod ang mag-asawa. Agad na natututuhan ng bagong mga magulang na ang pagdidisiplina sa mga anak ay nakapapagod at umuubos ng panahon. Ganito ang sabi ni Joan na kasama ang kaniyang asawang si Darren sa pagpapalaki sa kanilang dalawang anak na babae: “Mahal ko ang aking mga anak, kaya lang madalas na ayaw pa nilang matulog kapag pinatutulog ko na sila. Gumigising sila nang wala sa oras. Sumasabad sila kapag gusto kong magsalita. Iniiwan nila kung saan-saan ang kanilang mga sapatos, damit, at mga laruan, at hinahayaan lang nilang nakatiwangwang ang pagkain.”

Ganito naman ang sabi ni Jack, na ang asawa ay nagkaroon ng matinding depresyon matapos isilang ang pangalawa nilang anak: “Madalas na umuuwi akong pagód mula sa trabaho. Pagkatapos, napupuyat pa ako sa pag-aalaga sa aming bagong-silang na sanggol. Kaya kung minsan, nagiging maluwag ako sa pagdidisiplina sa panganay namin, pero may pagkakataong sobrang higpit ko naman. Nagseselos siya sa ibinibigay naming atensiyon sa nakababata niyang kapatid.”

Kapag pagód ang mga magulang, kahit ang maliit na di-pagkakasundo hinggil sa kung paano sasanayin ang mga anak ay nauuwi sa pagtatalo. Kapag hindi nalutas ang di-pagkakaunawaan, maaaring lumayo ang loob ng mag-asawa sa isa’t isa at samantalahin ito ng bata para makuha ang gusto niya. Anong mga simulain sa Bibliya ang makatutulong sa mag-asawa para manatiling malapít sa isa’t isa habang mabisang sinasanay ang kanilang mga anak?

Magkaroon ng Panahon sa Isa’t Isa

Nilayon ng Diyos na ang mag-asawa ay makasal muna bago sila magkaanak at patuloy na magsama bilang mag-asawa kahit bumukod na ang mga anak. Hinggil sa pag-aasawa, ganito ang sinasabi ng Bibliya: “Ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.” (Mateo 19:6) Ipinakikita rin ng talatang ito na nilayon ng Diyos na darating ang panahong “iiwan ng [anak] ang kaniyang ama at ang kaniyang ina.” (Mateo 19:5) Oo, ang pagpapalaki sa mga anak ay isang bahagi lamang ng pag-aasawa, hindi ang mismong dahilan nito. Tiyak na kailangan ng mga magulang ng panahon para sanayin ang kanilang mga anak, pero dapat nilang tandaan na ang matibay na pag-aasawa ang pinakamainam na pundasyon upang magawa iyon.

Paano mapananatiling matibay ng mag-asawa ang kanilang pagsasama habang nagpapalaki ng mga anak? Kung posible, regular na maglaan ng panahon sa isa’t isa na kayo lamang dalawa. Sa paggawa nito, mapag-uusapan ninyo ang mahahalagang bagay na may kinalaman sa inyong pamilya. Pagkakataon din ninyo ito para masiyahan sa piling ng isa’t isa. Totoo, hindi madaling magkaroon ng panahon sa isa’t isa. Ganito ang sabi ni Alison, ang ina na nabanggit sa pasimula, “Kung kailan may panahon na kaming mag-asawa sa isa’t isa, saka naman magpapapansin ang bunso namin o kaya’y magkakaroon ng ‘problema’ ang aming anim na taóng gulang na anak, gaya ng hindi niya makita ang krayola niya.”

Para naman magkaroon ng panahon sa isa’t isa sina Joan at Darren, na binanggit sa pasimula, nagtatakda sila ng oras ng pagtulog ng mga bata. “Laging may takdang oras ng pagtulog ang mga bata at pagdating ng oras na iyon, dapat tulog na sila,” ang sabi ni Joan. “Nagbibigay iyan sa amin ni Darren ng panahon na makapagrelaks at makapag-usap.”

Sa pamamagitan ng pagtatakda ng oras ng pagtulog para sa kanilang mga anak, hindi lamang nagkakaroon ng panahon ang mag-asawa para sa isa’t isa kundi natutulungan din nila ang kanilang mga anak na “huwag mag-isip nang higit tungkol sa kaniyang sarili kaysa sa nararapat isipin.” (Roma 12:3) Sa kalaunan, ang mga batang nasanay na sumunod sa itinakdang oras ng pagtulog ay natututo na hindi lamang sila ang mahalagang bahagi ng pamilya​—dapat nilang sundin ang rutin ng pamilya sa halip na asahang ang pamilya ang susunod sa gusto nila.

SUBUKIN ITO: Magtakda ng regular na oras ng pagtulog at lagi itong sundin. Kapag nagbigay ng dahilan ang iyong anak kung bakit hindi muna siya matutulog, gaya ng gusto niyang uminom, maaaring pagbigyan mo siya nang minsan. Pero huwag mong hayaan na lagi na lamang niyang ipinagpapaliban ang pagtulog sa itinakdang oras dahil sa dami ng kaniyang hinihiling. Kung nakiusap ang bata na bigyan siya ng limang minuto bago matulog at gusto mo siyang pagbigyan, gumamit ng alarm clock at i-set ito. Kapag tumunog ang alarm makalipas ang limang minuto, patulugin na ang bata nang hindi na pinagbibigyan pa ang iba niyang hiling. Hayaang ang iyong “Oo ay mangahulugang Oo, ang [iyong] Hindi, Hindi.”​—Mateo 5:37.

Magkaisa sa Pagdidisiplina

“Makinig ka, anak ko, sa disiplina ng iyong ama, at huwag mong iiwan ang kautusan ng iyong ina,” ang matalinong payo ng isang kawikaan. (Kawikaan 1:8) Ang talatang ito ng Bibliya ay nagpapahiwatig na kapuwa ang ama at ina ang may awtoridad sa kanilang mga anak. Pero kahit na pareho pa ang kinalakhan ng mag-asawa, baka hindi sila magkasundo kung paano didisiplinahin ang bata at kung anong tuntunin ng pamilya ang angkop sa isang partikular na situwasyon. Paano mahaharap ng mga magulang ang hamong iyan?

Ganito ang sabi ni John na nabanggit sa pasimula, “Sa tingin ko, mahalagang huwag magtalo sa harap ng mga bata.” Pero inamin niya na mas madali iyang sabihin kaysa gawin. “Mapagmasid ang mga bata,” ang sabi ni John. “Kahit hindi namin ipinaririnig ang pagtatalo, nahahalata iyon ng aming anak.”

Paano hinarap nina John at Alison ang hamong ito? Ganito ang sabi ni Alison: “Kapag hindi ako sang-ayon sa paraan ng pagdidisiplina ng asawa ko sa aming anak, hinihintay ko munang makaalis ang anak namin bago ko ipaliwanag ang naiisip ko. Ayokong isipin ng anak namin na masasamantala niya ang aming magkaibang pangmalas. Kung napansin niya na hindi kami magkasundo, sinasabi ko sa kaniya na bawat miyembro ng pamilya ay dapat na sumunod sa kaayusan ni Jehova at na handa akong magpasakop sa pangunguna ng kaniyang ama kung paanong dapat siyang sumunod sa awtoridad namin bilang mga magulang niya.” (1 Corinto 11:3; Efeso 6:1-3) Sinabi ni John: “Kapag magkakasama kaming pamilya, madalas na ako ang nagdidisiplina sa aming mga anak. Pero kung mas alam ni Alison ang nangyari, hinahayaan ko siyang magdisiplina at sinusuportahan ko siya. Kung hindi ako sang-ayon, sinasabi ko iyon sa kaniya pagkatapos.”

Paano maiiwasang magkasamaan kayo ng loob ng iyong asawa dahil magkaiba ang paraan ninyo ng pagdidisiplina sa inyong mga anak​—at, bilang resulta ay mabawasan ang paggalang sa inyo ng mga bata?

SUBUKIN ITO: Pumili ng regular na oras linggu-linggo para pag-usapan ang tungkol sa pagsasanay sa mga anak, pati na rin ang anumang di-pagkakasundo, kung mayroon man. Sikaping unawain ang pangmalas ng iyong asawa, at igalang ang ideya na magulang din siya ng iyong mga anak.

Maging Malapít sa Isa’t Isa Bilang mga Magulang

Walang alinlangan na hindi madaling magpalaki ng mga anak. Kung minsan, parang nakapapagod ito. Pero sa malao’t madali, bubukod din ang inyong mga anak, at minsan pa, kayo na lamang mag-asawa ang maiiwan sa bahay. Ang pagpapalaki ba ng mga anak ay magpapatibay sa inyong pagsasama o hindi? Ang sagot ay nakadepende sa pagsunod ninyo sa simulain sa Eclesiastes 4:9, 10: “Ang dalawa ay mas mabuti kaysa sa isa, sapagkat sila ay may mabuting gantimpala dahil sa kanilang pagpapagal. Sapagkat kung mabuwal ang isa sa kanila, maibabangon ng isa pa ang kaniyang kasama.”

Kung magtutulungan ang mag-asawa, kasiya-siya ang magiging resulta. Ganito ang nadama ni Carol, na binanggit sa pasimula: “Alam kong maraming magagandang katangian ang asawa ko, pero nang magkasama naming pinalaki ang aming mga anak, marami pa akong nakitang magagandang katangian niya. Lalo ko siyang iginalang at minahal nang makita ko ang maibigin niyang pangangalaga sa aming mga anak.” Ganito ang sinabi ni John tungkol kay Alison: “Lalo kong minahal at hinangaan ang aking asawa dahil siya ay naging isang maibiging ina.”

Kapag may panahon ka sa iyong asawa at magkatulong kayo sa pagpapalaki sa inyong mga anak, lalong tumitibay ang inyong pagsasama habang lumalaki ang mga bata. Magiging magandang halimbawa nga kayo sa inyong mga anak!

^ par. 3 Binago ang mga pangalan.

TANUNGIN ANG IYONG SARILI . . .

  • Gaano kalaking panahon bawat linggo ang ginugugol ko kasama ng aking asawa nang kami lamang dalawa?

  • Paano ko ipinapakita ang aking suporta sa aking asawa kapag dinidisiplina niya ang aming mga anak?