Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kusang-Loob Nilang Inihandog ang Kanilang Sarili—Sa Norway

Kusang-Loob Nilang Inihandog ang Kanilang Sarili—Sa Norway

ILANG taon na ang nakalilipas, sina Roald at Elsebeth, mag-asawang malapit nang mag-50 anyos, ay namumuhay nang maalwan sa Bergen, ang ikalawang pinakamalaking lunsod sa Norway. Masigasig silang nakikibahagi sa mga gawain ng kongregasyon kasama ang kanilang mga anak na sina Isabel at Fabian. Si Roald ay isang elder at payunir naman si Elsebeth, samantalang sina Isabel at Fabian ay mahuhusay na mamamahayag.

Noong Setyembre 2009, ipinasiya ng pamilya na sumubok ng isang bagong bagay—mangaral sa isang liblib na teritoryo sa loob ng isang linggo. Kaya naglakbay sina Roald at Elsebeth kasama si Fabian, na noon ay edad 18, patungong Nordkyn, isang peninsula sa lalawigan ng Finnmark sa itaas ng Arctic Circle. Nangaral sila sa nayon ng Kjøllefjord kasama ng mga kapatid na dumayo rin sa liblib na rehiyong iyon para mangaral. “Nang magsimula ang linggong iyon,” ang sabi ni Roald, “tuwang-tuwa ako na naisaayos ko ang mga bagay-bagay para makabahagi sa espesyal na gawaing ito.” Pero nang linggo ring iyon, may nangyari na ikinabalisa ni Roald.

 ISANG DI-INAASAHANG TANONG

“Bigla kaming tinanong ni Mario, isang payunir sa Finnmark, kung gusto naming lumipat sa bayan ng Lakselv para tulungan ang kongregasyon doon na may 23 mamamahayag,” ang kuwento ni Roald. Nabigla si Roald sa di-inaasahang tanong na iyon. Ipinaliwanag niya: “Napag-isipan na namin ni Elsebeth ang paglilingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan—pero matagal pa iyon, kapag bumukod na ang mga anak namin.” Gayunman, habang nangangaral siya sa liblib na rehiyong ito, nakita ni Roald na gustong matuto ng mga tao tungkol kay Jehova. Kailangan na nila ng tulong ngayon—hindi bukas o sa makalawa. “Nakonsiyensiya ako sa tanong na iyon, at hindi ako nakatulog nang ilang gabi,” ang sabi pa niya. Ipinagmaneho ni Mario si Roald at ang pamilya nito papuntang Lakselv, mga 240 kilometro sa timog ng Kjøllefjord. Gustong ipakita ni Mario sa pamilya ang maliit na kongregasyon doon.

Sa Lakselv, ipinakita sa kanila ni Andreas, isa sa dalawang elder doon, ang lugar at ang Kingdom Hall. Mainit ang pagtanggap sa kanila ng kongregasyon at sinabi ng mga kapatid kina Roald at Elsebeth na matutuwa sila kung makalilipat doon ang pamilya para tumulong sa gawaing pang-Kaharian. Nakangiting sinabi ni Andreas na nagsaayos na siya ng interbyu sa trabaho para kina Roald at Fabian! Ano ang gagawin ng mag-anak?

ANO ANG GAGAWIN NILA?

“Ayokong lumipat dito,” ang unang reaksiyon ni Fabian. Hindi niya kayang iwan ang mga kababata niya sa kanilang kongregasyon at mamuhay sa isang maliit na bayan. Hindi pa rin tapos ang training niya sa pagiging elektrisyan. Nang tanungin naman si Isabel (na 21 anyos noon) tungkol sa paglipat, masigla siyang sumagot: “Matagal ko nang gustong gawin ’yan!” Pero idinagdag niya: “Habang pinag-iisipan ko ito, nag-aalala rin ako, ‘Magandang ideya kaya talaga ito? Mami-miss ko kaya ang mga kaibigan ko? Magpaiwan na lang kaya ako sa kongregasyon namin kasi komportable na ako at kabisado ko na ang mga bagay-bagay.’” Ano naman ang reaksiyon ni Elsebeth sa paanyaya? “Inisip kong atas ito ni Jehova sa pamilya namin,” ang sabi niya, “pero paano na ang bahay namin na kare-renovate lang at ang lahat ng naipundar namin sa nakalipas na 25 taon?”

Sina Elsebeth at Isabel

Pagkatapos ng espesyal na linggong iyon, bumalik si Roald at ang pamilya niya sa Bergen, pero hindi maalis sa isip nila ang mga kapatid sa Lakselv, na mga 2,100 kilometro ang layo. “Paulit-ulit akong nanalangin kay Jehova,” ang sabi ni Elsebeth, “at patuloy akong nakipag-ugnayan sa mga naging kaibigan ko roon sa pamamagitan ng pagpapalitan ng mga litrato at karanasan.” Sinabi naman ni Roald: “Kailangan ko ng panahon para pag-isipan ang tungkol sa paglipat. Kailangan ko ring isaalang-alang kung praktikal ito. Ano ang ikabubuhay namin doon? Maraming beses akong nanalangin kay Jehova at nakipag-usap sa aking pamilya at sa makaranasang mga kapatid.” Naalaala ni Fabian: “Habang pinag-iisipan ko ito, lalo kong nakikita na wala akong makatuwirang dahilan para tumanggi. Paulit-ulit akong nanalangin kay Jehova, at unti-unting sumidhi ang pagnanais kong lumipat.” Kumusta naman si Isabel? Bilang paghahanda, nagsimula siyang magpayunir sa kanilang bayan at nagpokus sa personal na pag-aaral ng Bibliya. Makalipas ang anim na buwan, handa na ang kalooban niya na lumipat.

MGA PAGHAHANDA PARA MAABOT ANG KANILANG TUNGUHIN

Habang sumisidhi ang pagnanais ng pamilya na maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan, gumawa sila ng mga paghahanda para maabot ang kanilang tunguhin. Malaki ang suweldo ni Roald at gustung-gusto niya ang trabaho niya. Pero humingi siya ng isang-taóng leave of absence. Hiniling ng kaniyang amo na magtrabaho na lang siya nang part-time—dalawang-linggong trabaho at anim-na-linggong off. “Malaki ang nabawas sa suweldo ko, pero ayos lang,” ang sabi ni Roald.

Nagkuwento si Elsebeth: “Sinabihan ako ng asawa ko na maghanap ng bahay sa Lakselv at paupahan ang bahay namin sa Bergen. Malaking panahon at pagsisikap ang kinailangan para magawa ito, pero nagtagumpay naman kami. Di-nagtagal, nakahanap ng part-time na trabaho ang mga bata,” dagdag pa niya, “at tumulong sila sa mga gastusin sa pagkain at transportasyon.”

Sinabi ni Isabel: “Dahil maliit lang ang bayang nilipatan namin, ang pinakamalaking hamon sa akin ay ang makahanap ng trabahong susuporta sa pagpapayunir ko. Kung minsan, parang nawawalan ako ng pag-asa.” Pero nakaraos si Isabel dahil tinatanggap  niya ang anumang maliit na part-time na trabaho. Sa katunayan, nakasiyam na trabaho siya noong unang taon. Kumusta naman si Fabian? “Para makumpleto ang kurso ko bilang elektrisyan, kailangan kong magtrabaho bilang aprentis. Ginawa ko ’yon sa Lakselv. Nakapasa ako sa exam at nakahanap ng part-time na trabaho bilang elektrisyan.”

KUNG PAANO PINALAWAK NG IBA ANG KANILANG PAGLILINGKOD

Sina Marelius at Kesia habang nagpapatotoo sa isang babaing Sami sa Norway

Gusto rin ni Marelius at ng asawa niyang si Kesia na maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan para sa mga mamamahayag. Sinabi ni Marelius, edad 29 na ngayon: “Dahil sa mga pahayag at interbyu sa kombensiyon tungkol sa pagpapayunir, nag-isip-isip ako kung paano ko mapalalawak ang aking paglilingkod.” Pero may pumipigil kay Kesia, edad 26 na ngayon. “Takót akong mapalayo sa mga mahal ko sa buhay,” ang sabi niya. Bukod diyan, nagtatrabaho nang full-time si Marelius para mabayaran ang kanilang bahay. Sinabi ni Marelius: “Sa tulong ni Jehova at ng maraming panalangin, nakagawa kami ng mga pagbabagong kailangan para makalipat.” Una, gumugol sila ng mas maraming panahon sa pag-aaral ng Bibliya. Pagkatapos, ipinagbili ng mag-asawa ang kanilang bahay, nagbitiw sa kanilang trabaho, at lumipat sa lunsod ng Alta, sa hilagang Norway, noong Agosto 2011. Para masuportahan ang kanilang pagpapayunir doon, nagtatrabaho si Marelius bilang accountant at namamasukan naman si Kesia sa isang tindahan.

Sina Knut at Lisbeth, isang mag-asawang mga 35 anyos, ay naantig sa mga karanasan sa Taunang Aklat tungkol sa mga kapatid na naglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan para sa mga mamamahayag ng Kaharian. “Dahil sa mga karanasang ito, naisip naming maglingkod sa ibang bansa,” ang sabi ni Lisbeth, “pero atubili ako dahil parang hindi ito magagawa ng ordinaryong taong tulad ko.” Sa kabila nito, naghanda sila para maabot ang kanilang tunguhin. Sinabi ni Knut: “Ipinagbili namin ang aming apartment at, para makaipon, nakitira kami sa nanay ko. Pagkatapos, para matikman namin kung paano maglingkod sa banyagang teritoryo, umugnay kami sa isang kongregasyong Ingles sa Bergen, kung saan nakitira kami sa nanay ni Lisbeth.” Di-nagtagal, handa nang lumipat sina Knut at Lisbeth—sa Uganda. Taun-taon, umuuwi sila sa Norway para magtrabaho nang dalawang buwan at makaipon nang sapat na perang magagamit nila sa buong-panahong pangangaral sa Uganda.

“TIKMAN NINYO AT TINGNAN NA SI JEHOVA AY MABUTI”

“Naging mas malapít kami sa isa’t isa.”—Roald

Paano pinagpala ang kusang-loob na mga manggagawang ito? Sinabi ni Roald: “Mas marami kaming panahong magkakasama bilang pamilya sa liblib na lugar na ito kaysa noong nasa Bergen kami. Naging mas malapít kami sa isa’t isa. Kaylaking pagpapala na makita ang espirituwal na pagsulong ng aming mga anak.” Idinagdag pa niya: “Nagbago na ang pangmalas namin sa materyal na mga bagay. Hindi na gano’n kaimportante sa amin ang mga ito.”

 Nakita ni Elsebeth na kailangan niyang mag-aral ng ibang wika. Bakit? Kasama sa teritoryo ng Lakselv Congregation ang nayon ng Karasjok, sa sentro ng lupain ng mga Sami—ang mga katutubo sa hilagang rehiyon ng Norway, Sweden, Finland, at Russia. Kaya para mas madaling mapaabutan ng mabuting balita ang mga katutubong ito, nag-aral si Elsebeth ng wikang Sami. Ngayon, kahit paano ay kaya na niyang makipag-usap sa wikang iyon. Masaya ba siya sa kaniyang bagong teritoryo? Masigla niyang sinabi: “Anim ang Bible study ko rito. Wala na akong hahanapin pa!”

Naglilingkod ngayon si Fabian bilang payunir at ministeryal na lingkod. Ikinuwento niya na sa kanilang bagong kongregasyon, tatlong tin-edyer ang napasigla nila ni Isabel na maging aktibo sa mga gawain ng kongregasyon. Masigasig na ngayon sa ministeryo ang tatlong ito. Sa katunayan, dalawa sa kanila ang nabautismuhan at nag-auxiliary pioneer noong Marso 2012. Isa sa mga tin-edyer na nanghina sa espirituwal ang nagpasalamat kina Fabian at Isabel dahil tinulungan nila siya na “muling sumigla.” Sinabi ni Fabian: “Naantig ako nang sabihin niya ’yon. Ang sarap makatulong!” Sinabi naman ni Isabel: “Sa atas na ito, talagang ‘natikman ko at nakita na si Jehova ay mabuti.’” (Awit 34:8) Idinagdag pa niya: “At napakasaya ring maglingkod dito!”

Mas simple na ang pamumuhay nina Marelius at Kesia ngayon, pero mas masaya sila. Ang kongregasyon sa Alta, na nilipatan nila, ay mayroon nang 41 mamamahayag. Sinabi ni Marelius: “Napapatibay kami dahil ang laki ng ipinagbago ng buhay namin. Nagpapasalamat kami kay Jehova na nakapagpapayunir kami rito. Wala nang mas sasaya pa sa ganitong buhay.” Idinagdag ni Kesia: “Natutuhan kong lubusang magtiwala kay Jehova, at pinangangalagaan niya kami. At dahil malayo na ako sa mga kamag-anak ko, mas napapahalagahan ko ang mga panahong magkakasama kami. Hindi ko pinagsisisihan ang desisyon namin.”

Sina Knut at Lisbeth habang nagtuturo sa isang pamilya sa Uganda

Kumusta naman sina Knut at Lisbeth sa Uganda? Ikinuwento ni Knut: “Matagal-tagal din bago kami nakapag-adjust sa lugar at kultura ng mga tagarito. Tubig, kuryente, pananakit ng tiyan—problema namin ang mga iyan sa pana-panahon, pero napakarami naman naming Bible study!” Sinabi ni Lisbeth: “Kalahating oras lang mula sa tinitirhan namin, may mga teritoryong hindi pa napapaabutan ng mabuting balita. Pero pagdating namin do’n, may mga taong nagbabasa ng Bibliya at gustong magpaturo sa amin. Napakasarap turuan ng mensahe ng Bibliya ang gayong mapagpakumbabang mga tao!”

Tiyak na napakaligaya ng ating Lider, si Kristo Jesus, kapag nakikita niya mula sa langit na ang pangangaral na pinasimulan niya ay isinasagawa na sa mas maraming lugar sa lupa! Oo, para sa bayan ng Diyos, isang kagalakan na kusang-loob na ihandog ang kanilang sarili para sundin ang utos ni Jesus na “gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.”—Mat. 28:19, 20.