Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kusang-loob Nilang Inihandog ang Kanilang Sarili

Kusang-loob Nilang Inihandog ang Kanilang Sarili

KABILANG sa masisigasig na Saksing naglilingkod sa mga lupaing may mas malaking pangangailangan para sa higit pang mángangarál ng Kaharian ang maraming sister na single. Ang ilan sa kanila ay maraming dekada nang naglilingkod sa ibang bansa. Ano ang nakatulong sa kanila na magpasiyang lumipat sa ibang bansa? Ano ang natutuhan nila sa paglilingkod doon? Ano ang naging buhay nila roon? Ininterbyu namin ang ilan sa kanila. Kung isa kang sister na single at talagang gusto mong maging kasiya-siya ang iyong ministeryo, tiyak na makikinabang ka sa mga sinabi nila. Sa katunayan, lahat ng lingkod ng Diyos ay makikinabang sa kanilang halimbawa.

PAGTAGUMPAYAN ANG MGA PAG-AALINLANGAN

Si Anita

Iniisip mo ba kung talagang kaya mong maglingkod sa ibang bansa bilang isang sister na single? Si Anita, 75 anyos na ngayon, ay nagduda kung kaya niya. Lumaki siya sa England at doon siya nagsimulang magpayunir sa edad na 18. “Nasisiyahan akong magturo sa mga tao tungkol kay Jehova,” ang sabi niya, “pero hindi ko iniisip na makapaglilingkod ako sa ibang bansa. Hindi ko pa nasubukang mag-aral ng ibang wika at kumbinsido ako na hindi ako matututo. Kaya nang tumanggap ako ng paanyaya para sa Paaralang Gilead, nagulat ako. Hindi ako makapaniwala na ang isang gaya ko ay tatanggap ng gayong paanyaya. Pero naisip ko, ‘Kung iniisip ni Jehova na kaya ko, susubukan ko.’ Mahigit 50 taon na ang nakalipas. Mula noon hanggang ngayon, naglilingkod ako bilang isang misyonera sa Japan.” Sinabi pa ni Anita: “Kung minsan, masaya kong sinasabi sa mga nakababatang sister, ‘Dalhin ninyo ang inyong backpack at sumama kayo sa akin sa pinakakapana-panabik na paglalakbay!’ Natutuwa akong sabihin na marami ang tumugon.”

MAG-IPON NG LAKAS NG LOOB

Maraming sister na naglingkod sa ibang bansa ang nag-alinlangan noong una. Paano sila nag-ipon ng lakas ng loob?

Si Maureen

“Mula’t sapol, gusto kong maging makabuluhan ang buhay ko at makatulong sa iba,” ang sabi ni Maureen, ngayon ay 64 anyos na. Nang tumuntong siya sa edad na 20, lumipat siya sa Quebec, Canada, kung saan kailangan ang mas maraming payunir. “Nang maglaon, tumanggap ako ng paanyaya para sa Paaralang Gilead, pero natatakot akong magpunta sa lugar na hindi pamilyar sa akin at wala roon ang mga kaibigan ko.” Sinabi pa niya: “Nag-aalala rin akong iwan ang nanay ko na nag-aalaga sa tatay kong may-sakit. Madalas, umiiyak ako sa gabi at nagsusumamo kay Jehova tungkol dito. Nang sabihin ko sa aking mga magulang ang mga ikinababahala ko, hinimok nila akong tanggapin ang paanyaya. Nakita ko rin ang maibiging suporta ng kongregasyon sa aking mga magulang. Ang ganitong pangangalaga ni Jehova ay nakatulong sa akin na magtiwalang hindi rin niya ako pababayaan. Kaya naman handa na akong umalis!” Mula 1979, si Maureen ay naglingkod nang mahigit 30 taon bilang misyonera sa West Africa. Ngayon, habang inaalagaan ni Maureen ang kaniyang nanay sa Canada, naglilingkod pa rin siya bilang special pioneer. Tungkol sa mga taon na naglingkod siya sa ibang bansa, sinabi niya: “Laging inilalaan ni Jehova ang kailangan ko at kung kailan ko iyon kailangan.”

Si Wendy

Si Wendy, 65 anyos na ngayon, ay nagsimulang magpayunir sa Australia noong tin-edyer pa siya. Naalaala niya: “Masyado akong mahiyain at hiráp akong makipag-usap sa mga estranghero. Pero nang magpayunir ako, natuto akong makipag-usap sa lahat ng uri ng tao at unti-unti akong nagkaroon ng kumpiyansa. Nang bandang huli, hindi ko na problema iyon. Dahil sa pagpapayunir, natuto akong magtiwala kay Jehova, at hindi na ako nangangambang maglingkod sa ibang bansa. Niyaya rin ako ng isang sister na single, na mahigit 30 taon nang misyonera sa Japan, na magpunta roon para mangaral nang tatlong buwan. Dahil sa paglilingkod na kasama niya, sumidhi ang pagnanais kong lumipat sa ibang bansa.” Noong kalagitnaan ng dekada ’80, lumipat si Wendy sa Vanuatu, isang islang bansa na mga 1,770 kilometro sa silangan ng Australia.

Nasa Vanuatu pa rin si Wendy at naglilingkod ngayon sa isang remote translation office. “Tuwang-tuwa akong makita na may mga grupo at kongregasyong nabubuo sa malalayong lugar,” ang sabi niya. “Isang napakalaking pribilehiyo na magkaroon ng maliit na bahagi sa gawain ni Jehova sa mga islang ito.”

Si Kumiko (gitna)

Si Kumiko, isang sister na 65 anyos na ngayon, ay isang regular pioneer sa Japan nang imungkahi ng kapartner niyang payunir na lumipat sila sa Nepal. “Paulit-ulit niya akong niyayaya, pero lagi akong tumatanggi,” ang sabi ni Kumiko. “Iniisip kong mahirap mag-aral ng ibang wika at mag-adjust sa bagong kapaligiran. Problema ko rin ang perang kailangan sa paglipat sa ibang bansa. Nang panahong iyon, naaksidente ako sa motorsiklo at naospital. Naisip ko: ‘Ano pa kaya ang maaaring mangyari sa akin? Baka magkasakit ako nang malubha at hindi na ako makapagpayunir sa ibang bansa. Puwede kaya akong maglingkod sa ibang bansa kahit isang taon lang?’ Marubdob kong ipinanalangin ito kay Jehova.” Nang makalabas na si Kumiko ng ospital, dumalaw siya sa Nepal, at nang maglaon, lumipat sila roon ng kapartner niyang payunir.

Sa paggunita sa kaniyang halos 10-taóng-paglilingkod sa Nepal, sinabi ni Kumiko: “Ang mga pinoproblema ko noon ay nahawi na gaya ng Dagat na Pula. Natutuwa ako’t naglingkod ako kung saan malaki ang pangangailangan. Kadalasan, kapag ibinabahagi ko ang mensahe ng Bibliya sa tahanan ng isang pamilya, lima o anim na kapitbahay ang lalapit at makikinig. Kahit ang mga bata ay magalang na humihingi ng tract tungkol sa Bibliya. Isa ngang kagalakang mangaral sa teritoryong ito kung saan marami ang handang makinig.”

PAGHARAP SA MGA HAMON

Napaharap din sa mga hamon ang ininterbyung mga sister na single. Paano nila ito hinarap?

Si Diane

“Noong una, naging mahirap sa akin ang mapalayo sa pamilya ko,” ang sabi ni Diane, na mula sa Canada. Mahigit 60 anyos na siya ngayon at nakapaglingkod siya bilang misyonera sa Ivory Coast (ngayon ay Côte d’Ivoire) sa loob ng 20 taon. “Hiniling ko kay Jehova na tulungan akong mahalin ang mga tao sa aking teritoryo. Ipinaliwanag ng isa sa mga instruktor namin sa Gilead, si Brother Jack Redford, na sa simula, baka mabalisa kami, ma-shock pa nga, sa mga kalagayan sa aming atas, lalo na kapag nakikita namin ang matinding kahirapan. Pero sinabi niya: ‘Huwag ninyong tingnan ang kahirapan. Tingnan ninyo ang mga tao, ang kanilang mukha at mata. Masdan ninyo ang reaksiyon nila kapag narinig nila ang mga katotohanan sa Bibliya.’ Iyan ang ginawa ko, at kay laking pagpapala nito! Kapag ibinabahagi ko ang nakaaaliw na mensahe ng Kaharian, nakikita kong sumasaya ang mukha nila!” Ano pa ang nakatulong kay Diane para makapag-adjust? “Sinikap kong maging malapít sa mga estudyante ko sa Bibliya at tuwang-tuwa akong makita na naging tapat na mga lingkod sila ni Jehova. Itinuring ko nang tahanan ang aking atas. Nagkaroon ako ng espirituwal na mga ina at ama, kapatid na lalaki at babae, gaya ng ipinangako ni Jesus.”—Mar. 10:29, 30.

Si Anne, 46 anyos na ngayon, ay naglilingkod sa Asia sa isang lupain kung saan hinihigpitan ang ating gawain. Sinabi niya: “Sa nakalipas na mga taon habang naglilingkod ako sa iba’t ibang bansa, nakasama ko sa bahay ang mga sister na ibang-iba ang pinagmulan at personalidad kaysa sa akin. Kung minsan, nagiging dahilan iyon ng di-pagkakaunawaan at samaan ng loob. Kapag nangyari iyon, sinisikap kong maging mas malapít sa mga kasama ko at higit na maunawaan ang kanilang kultura. Pinagsikapan ko ring maging mas maibigin at makatuwiran sa kanila. Natutuwa ako na nagbunga ito ng maraming matalik at tunay na kaibigan na nakatulong sa akin na makapagbata sa atas ko.”

Si Ute

Noong 1993, si Ute, na mula sa Germany at ngayon ay 53 anyos na, ay naatasang maglingkod bilang misyonera sa Madagascar. Ikinuwento niya: “Sa simula, nahirapan akong matutuhan ang wika roon, mag-adjust sa maalinsangang klima, at harapin ang malarya at mga sakit na dulot ng amoeba at mga bulating parasitiko. Pero maraming tumulong sa akin. Matiyaga akong tinulungan ng mga sister, ng kanilang mga anak, at ng mga estudyante ko sa Bibliya na matutuhan ang wika. Inalagaan akong mabuti ng kapartner kong misyonera nang magkasakit ako. Pero higit sa lahat, tinulungan ako ni Jehova. Lagi kong ibinubuhos sa kaniya sa panalangin ang mga ikinababalisa ko. Saka ako matiyagang maghihintay—nang maraming araw o maraming buwan—para sa sagot sa panalangin ko. Walang problemang hindi nilutas ni Jehova.” Si Ute ngayon ay 23 taon nang naglilingkod sa Madagascar.

BUHAY NA SAGANANG PINAGPALA

Gaya ng ibang mga need-greater, madalas sabihin ng mga sister na single na naninirahan sa ibang bansa na sagana silang pinagpapala dahil sa paglilingkod doon. Ano ang ilan sa mga pagpapalang iyon?

Si Heidi

Si Heidi, na mula sa Germany at 73 anyos na, ay naglilingkod bilang misyonera sa Ivory Coast (ngayon ay Côte d’Ivoire) mula pa noong 1968. Sinabi niya: “Tuwang-tuwa akong makita ang aking espirituwal na mga anak na ‘patuloy na lumalakad sa katotohanan.’ Ang ilan sa dati kong mga estudyante sa Bibliya ay mga payunir na ngayon at mga elder sa kongregasyon. Mama o Lola ang tawag sa akin ng marami. Kapamilya ang turing sa akin ng isa sa mga elder at ng kaniyang asawa’t mga anak. Kaya binigyan ako ni Jehova ng anak na lalaki, manugang, at tatlong apo.”—3 Juan 4.

Si Karen (gitna)

Si Karen, na mula sa Canada at 72 anyos na, ay naglingkod nang mahigit 20 taon sa West Africa. Sinabi niya: “Bilang misyonera, natutuhan kong maging mas mapagsakripisyo, maibigin, at matiyaga. Mas lumawak din ang aking pananaw dahil galing sa iba’t ibang bansa ang mga kasama ko sa gawain. Natutuhan ko na may iba’t ibang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay. At isa ngang pagpapala na magkaroon ng mahal na mga kaibigan sa buong daigdig! Sa kabila ng mga pagbabago sa buhay at atas, magkakaibigan pa rin kami.”

Si Margaret, na mula sa England at malapit nang mag-80 anyos, ay naglingkod bilang misyonera sa Laos. Sinabi niya: “Dahil sa paglilingkod ko sa ibang bansa, nakita ko mismo kung paano tinitipon ni Jehova sa kaniyang organisasyon ang mga tao na may iba’t ibang lahi at pinagmulan. Naging malaking pampatibay iyan sa pananampalataya ko. Kaya naman lubos akong nagtitiwala na pinapatnubayan ni Jehova ang kaniyang organisasyon at na matutupad ang kaniyang mga layunin.”

Oo, namumukod-tangi ang rekord ng mga sister na single na naglilingkod sa ibang bansa sa ministeryong Kristiyano. Dapat silang taimtim na papurihan. (Huk. 11:40) At patuloy pa silang dumarami. (Awit 68:11) Puwede mo bang isaayos ang iyong kalagayan at sundan ang mga yapak ng masisigasig na sister na ininterbyu para sa artikulong ito? Kung gagawin mo ito, tiyak na magkakatotoo sa iyo ang pananalitang “tikman ninyo at tingnan na si Jehova ay mabuti.”—Awit 34:8.