Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kusang-Loob Nilang Inihandog ang Kanilang Sarili—Sa Myanmar

Kusang-Loob Nilang Inihandog ang Kanilang Sarili—Sa Myanmar

“ANG aanihin ay marami, ngunit ang mga manggagawa ay kakaunti. Kaya nga magsumamo kayo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala ng mga manggagawa sa kaniyang pag-aani.” (Luc. 10:2) Ang sinabing iyan ni Jesus, mga 2,000 taon na ang nakararaan, ay tamang-tamang paglalarawan sa kalagayan ngayon ng Myanmar. Bakit? Sa Myanmar, mga 4,200 mamamahayag lang ang nangangaral ng mabuting balita sa 55 milyong tao.

Pero pinakilos ng “Panginoon ng pag-aani,” si Jehova, ang daan-daang kapatid mula sa iba’t ibang lupain na pumunta sa bansang ito sa Timog-Silangang Asia para tumulong sa espirituwal na pag-aani. Bakit kaya nila iniwan ang kanilang sariling bansa? Paano sila natulungang lumipat? At ano ang kanilang mga pagpapala? Tingnan natin.

“HALIKAYO, KAILANGAN PA NAMIN NG MGA PAYUNIR!”

Ilang taon na ang nakararaan, sinumpong ng epilepsi si Kazuhiro, isang payunir sa Japan. Nawalan siya ng malay at isinugod sa ospital. Pinagbawalan siya ng doktor na mag-drive nang dalawang taon. Na-shock si Kazuhiro. ‘Paano na ang pagpapayunir ko, na gustong-gusto kong gawin?’ ang tanong niya sa sarili. Taimtim siyang nanalangin na buksan sana ni Jehova ang daan para maipagpatuloy niya ang pagpapayunir.

Sina Kazuhiro at Mari

Ikinuwento ni Kazuhiro: “Pagkaraan ng isang buwan, nabalitaan ng kaibigan kong naglilingkod sa Myanmar ang problema ko. Tinawagan niya ako at sinabi: ‘Dito sa Myanmar, nagbu-bus lang ang mga tao. Kung lilipat ka dito, maipagpapatuloy mo ang paglilingkod sa larangan kahit wala kang sasakyan!’ Tinanong ko ang doktor ko kung kakayanin ng katawan ko ang pagpunta sa Myanmar. Nagulat ako nang sabihin niya: ‘Nandito ngayon sa Japan ang isang espesyalista sa utak na taga-Myanmar. Ipakikilala kita sa kaniya. Kapag sinumpong ka ulit, siya ang bahala sa iyo.’ Inisip kong ito na ang sagot ni Jehova.”

Agad nag-email si Kazuhiro sa tanggapang pansangay sa Myanmar at sinabing gusto nilang mag-asawa na maglingkod sa Myanmar bilang mga payunir. Pagkaraan lang ng limang araw, sumagot ang sangay, “Halikayo, kailangan pa namin ng mga payunir!” Ipinagbili ng mag-asawang Kazuhiro at Mari ang kotse nila, kumuha ng visa, at bumili ng tiket ng eroplano. Sa ngayon, masaya silang naglilingkod sa sign-language group sa Mandalay. Sinabi ni Kazuhiro: “Dahil sa karanasang ito, tumibay ang pananampalataya namin sa pangako ng Diyos sa Awit 37:5: ‘Igulong mo kay Jehova ang iyong lakad, at manalig ka sa kaniya, at siya mismo ang kikilos.’”

BINUKSAN NI JEHOVA ANG DAAN

Noong 2014, nagkapribilehiyo ang mga Saksi ni Jehova sa Myanmar na mag-host ng special convention. May mga tagaibang bansa na dumalo. Isa na rito si Monique, 34-anyos na sister mula sa United States. Sinabi niya: “Pagkauwi ko mula sa kombensiyon, nanalangin ako kay Jehova kung ano ang susunod kong gagawin sa buhay ko. Kinausap ko rin ang mga magulang ko tungkol sa aking espirituwal na mga tunguhin. Naisip naming dapat akong bumalik sa Myanmar, pero natagalan pa at nangailangan ng maraming panalangin bago ako nakapagdesisyon.” Ipinaliwanag ni Monique kung bakit.

Sina Monique at Li

“Pinayuhan ni Jesus ang mga tagasunod niya na ‘tuusin ang gastusin.’ Kaya inisip ko: ‘Kung lilipat ako, kaya ba ito ng bulsa ko? Kaya ko bang suportahan ang sarili ko sa bansang iyon nang hindi gugugol ng malaking panahon sa pagtatrabaho?’” Inamin niya: “Naisip ko agad na wala akong sapat na pera para lumipat sa ibang bansa.” Paano kaya siya nakalipat?—Luc. 14:28.

Ikinuwento ni Monique: “Isang araw, sinabi ng boss ko na gusto niya akong makausap. Ninerbiyos ako. Inisip kong baka sesesantehin na ako sa trabaho, pero hindi pala. Pinasalamatan niya ang mahusay kong pagtatrabaho. ’Tapos, sinabi niyang bibigyan niya ako ng bonus, na nagkataong ang eksaktong halaga na kailangan ko!”

Si Monique ay naglilingkod sa Myanmar mula pa noong Disyembre 2014. Ano ang masasabi niya sa kaniyang paglilingkod bilang need-greater? “Masayang-masaya ako dito,” ang sabi niya. “May tatlong Bible study ako. Ang isa rito ay 67-anyos na babae. Lagi niya akong sinasalubong ng ngiti at mahigpit na yakap. Nang malaman niyang Jehova ang pangalan ng Diyos, napaiyak siya. Ang sabi niya: ‘Sa buong buhay ko, ngayon ko lang nalaman na Jehova pala ang pangalan ng Diyos. Di-hamak na mas bata ka kaysa sa akin, pero naituro mo sa akin ang pinakamahalagang bagay na dapat kong malaman.’ Siyempre, napaiyak din ako. Isa ito sa mga dahilan kung bakit napakasayang maglingkod sa lugar na may higit na pangangailangan.” Kamakailan, nagkapribilehiyo si Monique na mag-aral sa School for Kingdom Evangelizers.

Ang isa pang nagpasigla sa ilan na lumipat sa Myanmar ay ang ulat ng 2013 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova tungkol sa bansang ito. Si Li, mahigit 30 anyos na sister, ay nakatira na sa Timog-Silangang Asia. May full-time siyang trabaho, pero dahil sa ulat ng Taunang Aklat, naisip niyang maglingkod sa Myanmar. “Noong 2014, nang dumalo ako sa special convention sa Yangon, nakilala ko ang isang mag-asawang naglilingkod bilang mga need-greater sa Chinese field sa Myanmar. Dahil Chinese ang wika ko, ipinasiya kong lumipat sa Myanmar para tumulong sa Chinese group doon. Nag-partner kami ni Monique, at pumunta kami sa Mandalay. Sa tulong ni Jehova, nakapagturo kami nang part-time sa isang paaralan at nakahanap ng isang apartment malapit doon. Mainit ang panahon dito at di-gaanong maalwan ang buhay, pero nag-e-enjoy ako sa paglilingkod. Simple lang ang buhay ng mga taga-Myanmar, pero magalang sila at handang makinig sa mabuting balita. Talagang nakakatuwang makita kung paano pinabibilis ni Jehova ang gawain. Kumbinsido ako na talagang kalooban ni Jehova na mapunta ako dito sa Mandalay.”

NAKIKINIG SI JEHOVA SA MGA PANALANGIN

Nakita ng maraming need-greater ang nagagawa ng panalangin. Kuning halimbawa ang mag-asawang Jumpei at Nao, na parehong mahigit 30 anyos. Nakaugnay na sila sa kongregasyon ng sign language sa Japan. Bakit kaya sila lumipat sa Myanmar? Ikinuwento ni Jumpei: “Tunguhin namin ng misis ko na maglingkod sa ibang bansa bilang mga need-greater. Isang brother sa kongregasyon namin ng sign language sa Japan ang lumipat sa Myanmar. Kahit kakaunti lang ang ipon namin, lumipat din kami doon noong Mayo 2010. Malugod kaming tinanggap ng mga kapatid sa Myanmar!” Ano kaya ang masasabi niya sa sign-language field sa Myanmar? “Napakaraming interesado. Namamangha ang mga deaf kapag ipinapapanood namin ang mga video sa sign language. Masayang-masaya kami dahil lumipat kami dito para maglingkod kay Jehova!”

Sina Nao at Jumpei

Kumusta naman ang pinansiyal nina Jumpei at Nao? “Pagkalipas ng tatlong taon, halos maubos na ang ipon namin at wala na kaming sapat na pambayad sa renta sa susunod na taon. Maraming beses kaming nanalangin nang taimtim. Sa di-inaasahan, nakatanggap kami ng sulat mula sa tanggapang pansangay—inaanyayahan kaming maging temporary special pioneer! Nagtiwala kami kay Jehova, at hindi niya kami pinabayaan. Inaalagaan niya kami sa lahat ng paraan.” Kamakailan lang, sina Jumpei at Nao ay nag-aral din sa School for Kingdom Evangelizers.

PINASISIGLA NI JEHOVA ANG MARAMI

Ano ang nag-udyok kay Simone, 43 anyos na tubong Italy, at sa kaniyang asawang si Anna, 37 anyos na tubong New Zealand, na lumipat sa Myanmar? “Ang ulat ng 2013 Taunang Aklat tungkol sa Myanmar!” ang sagot ni Anna. Sinabi naman ni Simone: “Isang malaking pribilehiyo na mapunta kami sa Myanmar. Napakasimple ng buhay dito, at mas marami akong panahon sa gawain ni Jehova. Nakakatuwang maranasan ang pangangalaga ni Jehova kapag naglilingkod tayo sa isang lugar na mas malaki ang pangangailangan.” (Awit 121:5) Sinabi pa ni Anna: “Ngayon lang ako sumaya nang ganito. Simple lang ang buhay namin. Mas marami akong panahon sa asawa ko, at lalo kaming napalapít sa isa’t isa. Nagkaroon kami ng mga bagong kaibigan. Maganda ang pakikitungo ng mga tao sa mga Saksi, at nakakagulat, ang daming interesado!” Sa anong paraan?

Sina Simone at Anna

Ikinuwento ni Anna: “Isang araw habang nasa palengke, nagpatotoo ako sa isang estudyante sa unibersidad at napagpasiyahan naming magkita ulit. Nang magkita kami, may kasama siyang isang kaibigan. Nang magkita ulit kami, may mga kasama na naman siya. Pagkaraan, mas marami pa siyang kasama. Lima sa kanila ang Bible study ko ngayon.” Ang sabi ni Simone: “Palakaibigan at mausisa ang mga tagaroon. Maraming interesado. Kulang ang panahon namin para maasikaso silang lahat.”

Sina Sachio at Mizuho

Pero ano naman ang praktikal na mga hakbang na kailangang isaalang-alang ng mga nagpapasiyang lumipat sa Myanmar? Ikinuwento ni Mizuho, na mula sa Japan: “Pangarap namin ng mister kong si Sachio na maglingkod sa isang bansang mas malaki ang pangangailangan—pero saan kaya? Matapos basahin ang ulat ng 2013 Taunang Aklat tungkol sa Myanmar, napasigla kami ng mga karanasan nila. Kaya naman pinag-isipan namin kung posible kaming maglingkod doon.” Dagdag pa ni Sachio: “Nagpasiya kaming mag-tour muna nang isang linggo sa Yangon, ang pangunahing lunsod sa Myanmar, para tiktikan, wika nga, ang lupain. Sa maikling pagbisitang iyon, nakumbinsi kaming lumipat sa Myanmar.”

TUTUGON KA BA SA PANAWAGAN?

Sina Jane, Danica, Rodney, at Jordan

Ang mag-asawang Rodney at Jane, parehong mahigit 50 anyos mula sa Australia, at ang mga anak nilang sina Jordan at Danica, ay naglilingkod bilang mga need-greater sa Myanmar mula pa noong 2010. Sinabi ni Rodney: “Naantig kami nang makita ang pananabik ng mga tao na matuto tungkol sa Diyos. Talagang mairerekomenda ko sa ibang pamilya na subukan ding maglingkod sa isang lugar na gaya ng Myanmar.” Bakit? “Walang katumbas ang nagawa nito sa espirituwalidad ng aming pamilya! Nauubos ang panahon ng maraming kabataan sa kanilang cellphone, kotse, trabaho, at iba pa. Samantalang ang mga anak namin ay abala naman sa pag-aaral ng mga bagong salitang magagamit sa ministeryo. Pinag-aaralan nila kung paano mangangatuwiran sa mga taong di-pamilyar sa Bibliya at kung paano magkokomento sa mga pulong sa wikang ginagamit sa kongregasyon, at wiling-wili sila sa iba pang gawaing may kaugnayan sa ating pagsamba.”

Sina Oliver at Anna

Ipinaliwanag ni Oliver, 37 anyos na brother mula sa United States, kung bakit inirerekomenda niya ang ganitong uri ng paglilingkod: “Marami akong naging pakinabang sa paglilingkod kay Jehova sa isang lugar na hindi ko nakasanayan. Nakatulong ito sa akin para lalong magtiwala kay Jehova anuman ang maging kalagayan ko. Ang paglilingkod kasama ng mga taong noon ko lang nakilala pero kapareho ko ng paniniwala ay talagang nakatulong sa akin na mapatunayang sa mundong ito, wala nang hihigit pa sa Kaharian ng Diyos.” Sa kasalukuyan, ang mag-asawang Oliver at Anna ay masigasig pa ring naglilingkod sa Chinese field.

Trazel

Si Trazel, isang sister na 52 anyos mula sa Australia, ay naglilingkod sa Myanmar mula pa noong 2004. Sinabi niya: “Sa mga pinahihintulutan ng kanilang kalagayan, inirerekomenda kong maglingkod kayo kung saan mas malaki ang pangangailangan. Sa karanasan ko, kung handa kang maglingkod, pagpapalain ni Jehova ang pagsisikap mo. Hindi ko akalaing magiging ganito kasaya ang buhay ko. Ito na ang pinakamakabuluhan at pinakamasayang buhay na puwede kong pangarapin.”

Ang taos-sa-pusong mga pananalitang ito mula sa mga need-greater sa Myanmar ay magpakilos sana sa iyo na pag-isipang tumulong sa taimtim na mga taong nasa mga teritoryong hindi pa nagagawa. Oo, nananawagan ang mga need-greater: “Sige na, tumawid ka sa Myanmar at tulungan mo kami!”