Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TULARAN ANG KANILANG PANANAMPALATAYA | REBEKA

“Handa Akong Sumama”

“Handa Akong Sumama”

NAKATINGIN si Rebeka sa bulubunduking tanawin habang kumakagat ang dilim. Pagkaraan ng ilang linggong paglalakbay, nasanay na siya sa imbay ng kamelyo habang nakaupo rito. Daan-daang kilometro na sa hilagang-silangan ang layo ng kaniyang kinalakhang tahanan sa Haran. Maaaring hindi na niya makita pang muli ang kaniyang pamilya. Tiyak na maraming tanong ang naglalaro sa isip niya tungkol sa mangyayari sa kaniya—lalo na ngayong malapit na siya sa kaniyang pupuntahan.

Nadaanan na ng kanilang caravan ang malaking bahagi ng Canaan at binabagtas nila ngayon ang bulubundukin ng Negeb. (Genesis 24:62) Malamang na nakakita si Rebeka ng mga tupa. Ang lupain marahil ay tigang at hindi maganda para sa pagsasaka, ngunit may sapat itong pastulan para sa mga tupa. Pamilyar dito ang matandang lalaking kasama niya. Tiyak na marami itong magandang bagay na ibabalita sa kaniyang panginoon—mapapangasawa ni Isaac si Rebeka! Gayunman, marahil nag-iisip si Rebeka kung ano ang magiging buhay niya sa lupaing ito. Ano kaya ang hitsura ng mapapangasawa niya, si Isaac? Hindi pa sila kailanman nagkita! Magugustuhan kaya siya ni Isaac? At ano naman kaya ang madarama niya para kay Isaac?

Sa maraming lugar sa daigdig ngayon, hindi pangkaraniwan ang ipinagkasundong pag-aasawa. Gayunman, karaniwan ito sa ibang lugar. Anuman ang kinalakhan mo, baka sumang-ayon ka na mahirap nga ang kalagayan ni Rebeka. Pero ang totoo, hahangaan mo ang kaniyang lakas ng loob at pananampalataya. Kailangan natin ang mga katangiang iyan kapag may mga pagbabago sa ating buhay. Pero may iba pang maganda at pambihirang mga katangian si Rebeka.

“ANG IYONG MGA KAMELYO RIN AY ISASALOK KO NG TUBIG”

Dumating ang malaking pagbabago sa buhay ni Rebeka sa isang araw na parang pangkaraniwan lang sa kaniya. Marahil, lumaki siya sa Haran, isang lunsod sa Mesopotamia. Di-gaya ng karamihan sa mga taga-Haran, ang mga magulang niya ay hindi sumasamba sa diyos ng buwan na si Sin. Ang Diyos nila ay si Jehova.—Genesis 24:50.

Si Rebeka ay lumaki na napakagandang dalaga. Pero hindi lang iyan, masipag din siya at masayahin, at malinis sa moral. Mayaman ang pamilya niya at may mga tagapaglingkod sila, pero hindi pinalaki sa layaw o itinuring na parang prinsesa si Rebeka. Sanay siyang magtrabaho. Gaya ng maraming babae noon, may mabibigat na trabaho si Rebeka, kasali na ang pagsalok ng tubig para sa pamilya. Bago gumabi, magpapasan na siya ng banga at pupunta sa bukal.—Genesis 24:11, 15, 16.

Isang gabi, pagkatapos mapunô ni Rebeka ang kaniyang banga, isang matandang lalaki ang tumatakbo upang salubungin siya. Sinabi nito sa kaniya: “Pakisuyo, pahigupin mo ako ng kaunting tubig mula sa iyong banga.” Napakaliit na kahilingan nito at napakagalang nang pagkakasabi! Napansin ni Rebeka na malayo ang nilakbay ng lalaki. Kaya agad niyang ibinaba ang banga, hindi lang niya basta pinahigop ang lalaki, kundi talagang pinainom ng sariwa at malamig na tubig. Napansin niya na ang caravan nito ay may 10 kamelyo na nakaluhod sa labangan pero wala itong tubig. Nakita niyang pinagmamasdan siyang mabuti ng matandang lalaki, at gusto ni Rebeka na maging bukas-palad. Kaya sinabi niya: “Ang iyong mga kamelyo rin ay isasalok ko ng tubig hanggang sa matapos silang uminom.”—Genesis 24:17-19.

Pansinin na hindi basta nag-alok si Rebeka na bigyan ng maiinom ang 10 kamelyo kundi painumin sila hanggang sa masiyahan ang mga ito. Kapag uhaw na uhaw ang isang kamelyo, kaya nitong uminom nang mahigit 95 litro ng tubig! Kung gayon kauhaw ang 10 kamelyo, tiyak na ilang oras ding sumalok ng tubig si Rebeka. Pero malamang na hindi naman uhaw na uhaw ang mga kamelyo. * Alam kaya iyon ni Rebeka nang alukin niyang painumin ang mga kamelyo? Hindi. Gustong-gusto niyang gawin ito kahit nakapapagod, makapagpakita lang ng pagiging mapagpatuloy sa matandang estrangherong ito. Tinanggap ng lalaki ang alok niya. Pagkatapos ay pinagmasdan siya ng lalaki habang tumatakbo siyang paroo’t parito, paulit-ulit na pinupuno ang banga at ibinubuhos ang laman sa labangan.—Genesis 24:20, 21.

Masipag at mapagpatuloy si Rebeka

Magandang halimbawa sa atin ngayon si Rebeka. Nabubuhay tayo sa panahong nangingibabaw ang pagiging makasarili. Gaya ng inihula, ang mga tao ay naging “maibigin sa kanilang sarili,” ayaw magsakripisyo para sa iba. (2 Timoteo 3:1-5) Para sa mga Kristiyanong gustong paglabanan ang gayong saloobin, makabubuting pag-isipan nila ang paglalarawan ng Bibliya kay Rebeka, na paroo’t paritong tumatakbo sa balon.

Tiyak na napansin ni Rebeka na pinagmamasdan siya ng matandang lalaki. Wala namang masama sa tingin nito; labis lang itong nagtataka, humahanga, at natutuwa. Nang matapos na si Rebeka, binigyan siya ng mga regalo—mamahaling alahas! Saka nagtanong ang lalaki: “Kanino kang anak? Sabihin mo sa akin, pakisuyo. Mayroon bang anumang dako sa bahay ng iyong ama upang pagpalipasan namin ng gabi?” Nang sabihin ni Rebeka ang tungkol sa kaniyang pamilya, lalong natuwa ang lalaki. Marahil dahil sa katuwaan, nasabi pa ni Rebeka: “Kapuwa may dayami at saganang kumpay sa amin, gayundin ang isang dako upang pagpalipasan ng gabi”—isang magandang alok, yamang may mga kasama pa ang matandang lalaki. Agad tumakbo si Rebeka para ikuwento sa kaniyang ina ang nangyari.—Genesis 24:22-28, 32.

Maliwanag, si Rebeka ay sinanay na maging mapagpatuloy. Isa rin ito sa mga katangian na waring naglalaho na ngayon—at isa pang dahilan para tularan ang pananampalataya ng mabait na dalagang ito. Kung may pananampalataya tayo sa Diyos, magiging mapagpatuloy tayo. Si Jehova ay mapagpatuloy at bukas-palad sa lahat, at nais niyang gayundin ang gawin ng mga mananamba niya. Kapag mapagpatuloy tayo kahit sa mga hindi makagaganti sa atin, natutuwa ang ating Ama sa langit.—Mateo 5:44-46; 1 Pedro 4:9.

“KUKUHA KA NG ASAWA PARA SA AKING ANAK”

Sino ang matandang lalaki sa may balon? Siya ay lingkod ni Abraham, ang kapatid ng lolo ni Rebeka. Kaya pinatuloy siya sa bahay ni Betuel, ang ama ni Rebeka. Malamang na siya si Eliezer. * Inalok siyang kumain, pero tumanggi siya hangga’t hindi niya nasasabi ang kaniyang sadya. (Genesis 24:31-33) Maiisip natin na tuwang-tuwa siya habang ikinukuwento kung paano siya pinagpala ng kaniyang Diyos na si Jehova sa napakahalagang misyong ito. Paano nga ba?

Isip-isipin na ikinukuwento ni Eliezer ang pangyayari habang matamang nakikinig ang tatay ni Rebeka na si Betuel at ang kuya nitong si Laban. Sinabi niya sa kanila na saganang pinagpala ni Jehova si Abraham sa Canaan at na sina Abraham at Sara ay may anak, si Isaac, na tanging tagapagmana. Binigyan ni Abraham ng napakahalagang atas ang lingkod na ito: Kumuha ng asawa para kay Isaac mula sa mga kamag-anak ni Abraham sa Haran.—Genesis 24:34-38.

Pinasumpa ni Abraham si Eliezer na hindi siya kukuha ng asawa para kay Isaac mula sa mga anak na babae ng Canaan. Bakit? Sapagkat ang mga Canaanita ay hindi gumagalang ni sumasamba sa Diyos na Jehova. Alam ni Abraham na parurusahan ni Jehova sa takdang panahon ang mga taong iyon dahil sa kanilang masasamang gawa. Ayaw ni Abraham na ang minamahal niyang anak na si Isaac ay magkaroon ng kaugnayan sa mga taong iyon at sa kanilang imoral na pamumuhay. Alam din niya na may napakahalagang papel ang anak niya para matupad ang mga pangako ng Diyos.—Genesis 15:16; 17:19; 24:2-4.

Ikinuwento rin sa kanila ni Eliezer na nanalangin siya sa Diyos na Jehova pagdating niya sa balon malapit sa Haran. Sa katunayan, hiniling niya kay Jehova na piliin ang dalagang mapapangasawa ni Isaac. Paano? Hiniling ni Eliezer sa Diyos na tiyaking pupunta sa balon ang babaeng gusto Niyang mapangasawa ni Isaac. Kapag hiningan ito ng maiinom, kusa nitong paiinumin hindi lang si Eliezer kundi pati na ang mga kamelyo. (Genesis 24:12-14) At sino ang dumating at ginawa nga iyon? Si Rebeka! Isipin ang maaaring nadama ni Rebeka kung narinig niya ang ikinuwento ni Eliezer sa pamilya niya!

Naantig sina Betuel at Laban sa kuwento ni Eliezer. Sinabi nila: “Kay Jehova nagmula ang bagay na ito.” Gaya ng kaugalian noon, nakipagtipan sila sa pag-aasawa, anupat ipinagkasundong ipakasal si Rebeka kay Isaac. (Genesis 24:50-54) Gayunman, ibig bang sabihin, magiging sunod-sunuran na lang si Rebeka?

Ilang linggo bago nito, iyan mismo ang itinanong ni Eliezer kay Abraham: “Ano kung ang babae ay hindi sumama sa akin?” Sumagot si Abraham: “Makalalaya ka sa pananagutan sa akin sa pamamagitan ng sumpa.” (Genesis 24:39, 41) Sa sambahayan ni Betuel, maaari ding magdesisyon ang dalaga. Tuwang-tuwa si Eliezer sa tagumpay ng kaniyang misyon anupat kinaumagahan, hiniling niya kung puwede na siyang bumalik sa Canaan kasama si Rebeka. Subalit gusto ng pamilya na manatili sa kanila si Rebeka kahit 10 araw pa. Sa wakas, ganito nila ito nilutas: “Tawagin natin si [Rebeka] at itanong natin ang tungkol sa bagay na ito.”—Genesis 24:57, Ang Biblia, Bagong Salin sa Pilipino.

Napapaharap ngayon si Rebeka sa isang mabigat na desisyon. Ano ang sasabihin niya? Kukunin ba niya ang simpatiya ng kaniyang tatay at kuya at magmamakaawa na huwag siyang payagang sumama? O ituturing ba niyang isang pribilehiyo na magkaroon ng bahagi sa mga pangyayaring ito na pinapatnubayan ni Jehova? Nang sumagot siya, isiniwalat niya ang kaniyang nadarama tungkol sa biglaan at marahil ay nakanenerbiyos na pagbabagong ito sa kaniyang buhay. Sinabi niya: “Handa akong sumama.”—Genesis 24:58.

Kahanga-hanga ang kaniyang lakas ng loob! Sa ngayon, baka ibang-iba ang mga kaugalian natin tungkol sa pag-aasawa. Gayunman, marami pa rin tayong matututuhan mula kay Rebeka. Ang pinakamahalaga sa kaniya ay hindi ang kaniyang kagustuhan kundi ang sa Diyos na Jehova. Pagdating sa pag-aasawa, ang Salita ng Diyos pa rin ang pinakamabuting patnubay sa pagpili ng mapapangasawa at kung paano magiging mabuting asawang lalaki o babae. (2 Corinto 6:14, 15; Efeso 5:28-33) Makabubuting sundin natin ang halimbawa ni Rebeka at gawin ang mga bagay ayon sa paraan ng Diyos.

“SINO ANG LALAKING IYON?”

Pinagpala ng pamilya ni Betuel ang kanilang minamahal na si Rebeka. Kaya siya, ang yaya niyang si Debora, at ang ilang tagapaglingkod na babae ay sumama kay Eliezer at sa mga tauhan nito. (Genesis 24:59-61; 35:8) Di-nagtagal, malayo na sila sa Haran. Malayo ang kanilang paglalakbay, mga 800 kilometro o higit pa, at tumagal ito ng marahil ay tatlong linggo. Malamang na hindi ito komportableng paglalakbay. Marami nang nakitang kamelyo si Rebeka, pero hindi natin masasabing mahusay siyang sumakay ng kamelyo. Inilalarawan ng Bibliya ang pamilya niya bilang mga pastol, hindi mga mangangalakal na gumagamit ng caravan ng mga kamelyo. (Genesis 29:10) Karaniwan nang inirereklamo ng mga baguhang sumasakay ng kamelyo na napakahirap nito—kahit sa maikling paglalakbay!

Gayunman, punong-puno ng pag-asa si Rebeka, anupat inaalam mula kay Eliezer ang lahat tungkol kay Isaac at sa pamilya nito. Isipin ang matandang lalaki habang nagkukuwento kay Rebeka sa harap ng sigâ sa gabi at sinasabi sa kaniya ang tungkol sa pangako ni Jehova sa kaibigan Niyang si Abraham. Ibabangon ng Diyos mula sa pamilya ni Abraham ang isang anak na magdadala ng mga pagpapala sa sangkatauhan. Isipin ang pagkamangha ni Rebeka nang malaman niyang ang pangako ni Jehova ay matutupad sa pamamagitan ng kaniyang magiging asawa, si Isaac—at sa pamamagitan din niya.—Genesis 22:15-18.

Si Rebeka ay nagpakita ng pambihirang kapakumbabaan

Sa wakas, dumating na ang araw na inilarawan sa simula ng artikulong ito. Habang binabagtas ng caravan ang Negeb at papalubog na ang araw, nakita ni Rebeka ang isang lalaki na naglalakad sa bukid. Mukhang malalim ang iniisip nito. Mababasa natin na “bumaba siya mula sa kamelyo”—marahil bago pa ito makaluhod—at nagtanong sa matandang lalaki: “Sino ang lalaking iyon na naroon at naglalakad sa parang upang sumalubong sa atin?” Nang malaman niyang si Isaac ito, kinuha niya ang kaniyang balabal at naglambong. (Genesis 24:62-65) Bakit? Tanda iyon ng paggalang sa kaniyang mapapangasawa. Baka isipin ng ilan sa ngayon na makaluma nang saloobin iyon. Gayunman, lahat tayo, lalaki man o babae, ay may matututuhan sa kapakumbabaan ni Rebeka. Sino ba sa atin ang hindi nangangailangan ng magandang katangiang iyan?

Si Isaac, mga edad 40, ay nagdadalamhati pa rin sa pagkamatay ng kaniyang inang si Sara na mga tatlong taon nang namatay. Masasabi natin na magiliw at mapagmahal si Isaac. Isa ngang pagpapala para sa gayong lalaki na mabigyan ng isang asawang napakasipag, mapagpatuloy, at mapagpakumbaba! Ano ang sumunod na nangyari? Ang sabi ng Bibliya: “Inibig niya ito.”—Genesis 24:67; 26:8.

Kahit mga 3,900 taon na ang nakalipas, talagang kaibig-ibig pa rin si Rebeka. Sino ba naman ang hindi hahanga sa kaniyang lakas ng loob, kasipagan, pagkamapagpatuloy, at kapakumbabaan? Makabubuting tularan nating lahat—bata’t matanda, lalaki’t babae, may-asawa o wala—ang kaniyang pananampalataya!

^ par. 10 Gabi na noon. Walang sinasabi ang ulat na nagtagal ng ilang oras si Rebeka sa balon. Hindi nito ipinahihiwatig na tulóg na ang pamilya niya nang matapos siya o na may pumunta sa balon para alamin kung bakit siya nagtatagal.

^ par. 15 Sa ulat na ito, hindi binanggit ang pangalan ni Eliezer, pero malamang na siya ang lingkod na ito. Minsan nang binalak ni Abraham na ipamana kay Eliezer ang lahat ng ari-arian niya sakaling walang maging tagapagmanang anak, kaya tiyak na ito ang pinakamatanda at lubhang pinagkakatiwalaang lingkod ni Abraham. Ganiyan din inilarawan ang lingkod sa ulat na ito.—Genesis 15:2; 24:2-4.