Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA PAKSA | KAPAG NAMATAY ANG ISANG MINAMAHAL

Tulong sa mga Nagdadalamhati

Tulong sa mga Nagdadalamhati

Nadama mo na ba na parang wala kang maitulong nang mamatayan ang isang malapít sa iyo? Minsan, hindi natin alam kung ano ang sasabihin o gagawin, kaya nananahimik na lang tayo. Pero may magagawa tayo para makatulong.

Kadalasan, sapat na sa namatayan ang dalawin mo siya at sabihin, “Nalulungkot ako sa nangyari.” Sa ibang kultura, ang pagyakap o ang pagpisil sa braso ay pagpapakita ng malasakit o simpatiya. Kapag gustong magkuwento ng namatayan, makinig na mabuti sa kaniya. Tulungan din ang naulilang pamilya sa mga bagay na hindi na nila magawa, gaya ng pagluluto, pag-aalaga sa mga bata, o pag-aasikaso sa burol at libing, kung gusto nila. Maaaring higit pa ang maitutulong nito kaysa sa anumang magiliw na pananalita.

Sa paglipas ng panahon, baka puwede mo nang ipakipag-usap ang tungkol sa namatay, marahil ang magagandang katangian niya o masasayang karanasan. Ang gayong mga kuwentuhan ay maaaring magpangiti sa namatayan. Halimbawa, ganito ang sinabi ni Pam, na namatayan ng asawa anim na taon na ang nakaraan: “Minsan ikinukuwento sa akin ng iba ang mabubuting bagay na ginawa ni Ian na hindi ko alam, at nagpapasaya ito sa akin.”

Sinasabi ng mga mananaliksik na sa umpisa, maraming tulong ang natatanggap ng mga namatayan, pero kapag naging abala na muli ang kanilang mga kaibigan sa kanilang mga gawain, nakakalimutan na sila. Kaya sikaping regular na makausap ang namatayang kaibigan. * Lubhang pinahahalagahan ng maraming namatayan ang pagkakataong ito para maibsan ang matagal na nilang tinitiis na kalungkutan.

Tingnan ang halimbawa ni Kaori, isang dalagang Haponesa na lungkot na lungkot sa pagkamatay ng kaniyang ina, na sinundan pa ng pagkamatay ng ate niya pagkaraan ng 15 buwan. Nakatulong nang malaki sa kaniya ang patuloy na pagsuporta ng kaniyang tapat na mga kaibigan. Ang isa sa kanila, si Ritsuko, na mas matanda kay Kaori ay naging matalik na kaibigan niya. “Sa totoo lang,” ang sabi ni Kaori, “hindi ko ikinatuwa iyon. Walang sinuman ang puwedeng pumalit sa nanay ko. Pero dahil sa pakikitungo sa akin ni Mama Ritsuko, naging malapít ako sa kaniya. Linggo-linggo, magkasama kaming nangangaral at dumadalo sa mga Kristiyanong pagpupulong. Inaanyayahan niya akong magmeryenda, dinadalhan ako ng pagkain, at madalas akong sinusulatan at pinadadalhan ng card. Malaking impluwensiya sa akin ang pagiging positibo ni Mama Ritsuko.”

Lumipas na ang 12 taon mula nang mamatay ang ina ni Kaori. Sila ng mister niya ay buong-panahong mga ebanghelisador ngayon. “Nag-aalala pa rin sa akin si Mama Ritsuko,” ang sabi ni Kaori. “Kapag umuuwi ako sa amin, lagi ko siyang dinadalaw at tuwang-tuwa ako sa aming nakapagpapatibay na samahan.”

Isa pa sa nakinabang sa patuloy na pagsuporta ay si Poli, isang Saksi ni Jehova sa Cyprus. Mabait ang mister ni Poli na si Sozos, isang huwarang Kristiyanong pastol na madalas nag-iimbita ng mga ulila at balo sa kanilang tahanan para sa nakapagpapatibay na samahan at salusalo. (Santiago 1:27) Nakalulungkot, sa edad na 53, namatay si Sozos dahil sa tumor sa utak. “Namatay ang aking tapat na asawa na nakasama ko sa loob ng 33 taon,” ang sabi ni Poli.

Mag-isip ng praktikal na mga paraan para makatulong sa namatayan

Matapos mailibing si Sozos, lumipat sa Canada si Poli at ang bunsong anak niyang si Daniel, na 15 anyos. Umugnay sila roon sa isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. “Hindi alam ng mga kapatid sa kongregasyon kung ano ang pinagdaraanan namin,” ang sabi ni Poli. “Pero tinanggap nila kami at inaliw sa pamamagitan ng magiliw na pananalita at praktikal na tulong. Kay laking tulong niyan sa amin, lalo na noong kailangan ng anak ko ang kaniyang ama! Ang mga elder sa kongregasyon ay nagpakita ng personal na interes kay Daniel. Tinitiyak ng isa sa kanila na kasama si Daniel kapag nagsasama-sama o naglalaro ang mga kapatid.” Maayos ang kalagayan nilang mag-ina ngayon.

Sabihin pa, maraming paraan para makapagbigay ng tulong at kaaliwan sa mga nagdadalamhati. Inaaliw rin tayo ng Bibliya sa pamamagitan ng kapana-panabik na pag-asa sa hinaharap.

^ par. 6 Minamarkahan pa nga ng ilan sa kanilang kalendaryo ang petsa ng kamatayan para maalaala nila kung kailan pinakamagandang kumustahin at aliwin ang namatayan—sa petsa o malapit sa petsa ng pagkamatay.