Pumunta sa nilalaman

PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA

Jeremias 29:11—“Alam Ko ang Aking mga Plano Para sa Inyo”

Jeremias 29:11—“Alam Ko ang Aking mga Plano Para sa Inyo”

“‘Alam na alam ko ang gusto kong gawin para sa inyo,’ ang sabi ni Jehova. a ‘Bibigyan ko kayo ng kapayapaan, at hindi ng kapahamakan, para magkaroon kayo ng magandang kinabukasan at pag-asa.’”—Jeremias 29:11, Bagong Sanlibutang Salin.

“‘Alam ko ang aking mga plano para sa inyo,’ pahayag ng PANGINOON, ‘ang mga planong kayo’y paunlarin at hindi ipahamak, ang mga planong kayo’y bigyan ng pag-asa at kinabukasan.’”—Jeremias 29:11, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.

Ibig Sabihin ng Jeremias 29:11

Nangako ang Diyos na Jehova na bibigyan niya ng kapayapaan at magandang kinabukasan ang kaniyang mga mananamba. Sinabi ito ng Diyos sa mga Israelita noon, pero iyan pa rin ang gusto niya para sa mga tao ngayon. Siya ang ‘Diyos na nagbibigay ng pag-asa.’ (Roma 15:13) Ang totoo, tiniyak ng Diyos na mababasa ito sa Bibliya para magkaroon tayo ng pag-asa.—Roma 15:4.

Konteksto ng Jeremias 29:11

Ang mga salitang ito ay bahagi ng liham para sa mga Israelita na naging bihag sa Babilonya. b (Jeremias 29:1) Sinabi ng Diyos sa kanila na matagal silang magiging bihag at na dapat silang magtayo ng mga bahay, gumawa ng mga hardin, at magkaroon ng pamilya. (Jeremias 29:4-9) Pero idinagdag ng Diyos: “Kapag natupad ang 70 taon sa Babilonya, aalalahanin ko kayo, at tutuparin ko ang pangako kong ibalik kayo sa [Jerusalem].” (Jeremias 29:10) Kaya tiniyak ng Diyos na hindi niya sila kakalimutan at na makakauwi sila gaya ng matagal na nilang hinihintay.—Jeremias 31:16, 17.

Tinupad ng Diyos ang pangako niya sa mga Israelita. Gaya ng inihula niya, nasakop ni Haring Ciro ng Persia ang Babilonya. (Isaias 45:1, 2; Jeremias 51:30-32) Di-nagtagal, pinabalik ni Ciro ang mga Judio sa kanilang lupain. Pagkatapos ng 70-taóng pagkabihag, nakabalik na sila sa Jerusalem.—2 Cronica 36:20-23; Ezra 3:1.

Dahil natupad ang pangako sa Jeremias 29:11, makakaasa tayo sa mga pangako ng Diyos sa atin ngayon. Isa sa mga pangakong ito ay na magiging payapa ang buong mundo dahil sa Kaharian ng Diyos na pamamahalaan ni Kristo Jesus.—Awit 37:10, 11, 29; Isaias 55:11; Mateo 6:10.

Mga Maling Akala Tungkol sa Jeremias 29:11

Maling akala: May “plano” ang Diyos para sa bawat indibidwal.

Ang totoo: Hinahayaan ng Diyos na magdesisyon ang bawat indibidwal para sa buhay nila. Ang mga salitang ito sa Jeremias 29:11 ay para sa isang grupo—mga Israelita sa Babilonya. At isang mapayapang kinabukasan ang gusto niya para sa grupong iyon. (Jeremias 29:4) Pero hinayaan ng Diyos ang bawat isa sa kanila na pumili kung gusto nilang tanggapin ang pangako ng Diyos o hindi. (Deuteronomio 30:19, 20; Jeremias 29:32) Ang mga pumili na makinabang sa pangako niya ay nanalangin mula sa puso.—Jeremias 29:12, 13.

Maling akala: Papaunlarin ng Diyos ang buhay ng mga mananamba niya.

Ang totoo: Ang salitang “paunlarin” na mababasa sa ilang Bibliya sa Jeremias 29:11 ay mula sa salitang Hebreo na nangangahulugang “kapayapaan, kalusugan, at kaginhawahan.” Ayon sa konteksto, ang ipinangako ng Diyos sa mga Israelita ay isang payapa at magandang buhay, hindi kayamanan. Hindi mawawala ang bayang Israel at makakabalik sila sa Jerusalem.—Jeremias 29:4-10.

Basahin ang Jeremias kabanata 29, pati na ang mga talababa at cross-reference.

a Jehova ang personal na pangalan ng Diyos.—Awit 83:18.

b Tungkol sa Jeremias 29:11, sinabi ng The Expositor’s Bible Commentary: “Ito ang isa sa pinakamagandang pangako na mababasa natin sa Kasulatan na nagpapakita ng kabaitan at awa ni Yahweh [o, Jehova] para sa mga bihag. Dito, nagbigay siya sa kanila ng dahilan para umasa at maging positibo.”—Tomo 7, pahina 360.