Pumunta sa nilalaman

PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA

Eclesiastes 3:11—“Ginawa Niyang Maganda ang Lahat ng Bagay sa Tamang Panahon Nito”

Eclesiastes 3:11—“Ginawa Niyang Maganda ang Lahat ng Bagay sa Tamang Panahon Nito”

 “Ginawa niyang maganda ang lahat ng bagay sa tamang panahon nito. Inilagay pa nga niya sa puso nila ang magpakailanman; pero hinding-hindi mauunawaan ng sangkatauhan ang lahat ng gawa ng tunay na Diyos mula pasimula hanggang wakas.”​—Eclesiastes 3:11, Bagong Sanlibutang Salin.

 “Bawat isa’y ginawa niya ayon sa panahon nito, ngunit inilagay din niya ang kawalang-hanggan sa kanilang mga puso bagamat hindi mauunawaan ng tao ang gawa ng Diyos mula sa simula hanggang sa wakas.”​—Eclesiastes 3:11, Biblia ng Sambayanang Pilipino.

Ibig Sabihin ng Eclesiastes 3:11

 “Ginawa niyang maganda ang lahat ng bagay sa tamang panahon nito.” Ang Hebreong salita para sa “maganda” ay hindi lang basta tumutukoy sa pisikal na kagandahan. Puwede itong isalin na “maayos” o “angkop.” (Eclesiastes 3:11, talababa) Kasama sa magagandang ginawa ng Diyos ang mga nilikha niya, pero kasama rin doon ang lahat ng gagawin niya para matupad ang layunin niya.​—Daniel 2:21; 2 Pedro 3:8; Apocalipsis 4:11.

 “Inilagay pa nga niya sa puso nila ang magpakailanman.” Ginawa ng Diyos ang mga tao para mabuhay magpakailanman. (Awit 37:29) Kaya nang lalangin niya ang mga tao, kasama doon ang kagustuhan nilang mabuhay magpakailanman. Pero nang hindi sumunod sa Diyos ang unang mag-asawa, sina Adan at Eva, namatay sila at ganoon din ang mangyayari sa mga apo nila. (Genesis 3:17-19; Roma 5:12) Pero nangako ang Diyos na ‘ibibigay niya ang inaasam ng bawat bagay na may buhay,’ pati na ang kagustuhan ng mga tao na mabuhay magpakailanman. (Awit 145:16) Sinasabi ng Bibliya kung paano ginawang posible ni Jehova na mabuhay ulit ang mga tao magpakailanman.​—Roma 6:23.

 “Hinding-hindi mauunawaan ng sangkatauhan ang lahat ng gawa ng tunay na Diyos mula pasimula hanggang wakas.” Napakalalim at napakalawak ng karunungan ng Diyos. Sinasabi ng Bibliya na hindi ito matunton ng mga tao. (Roma 11:33) Pero gusto niyang sabihin ang layunin niya sa mga gustong sumunod sa kaniya.​—Amos 3:7.

Konteksto ng Eclesiastes 3:11

 Isinulat ang aklat ng Eclesiastes ni Haring Solomon ng Israel. Nakilala siya sa karunungan na ibinigay sa kaniya ng Diyos. May mga payo dito para makita natin ang mga bagay na talagang mahalaga sa buhay, pati na ang mga bagay na walang kabuluhan. (Eclesiastes 1:2, 3; 2:1, 17; 7:1; 12:1, 13) Sa kabanata 3, inilarawan ni Solomon ang mga normal na nangyayari sa buhay natin. Mababasa dito ang ilan sa mga ginagawa ng mga tao. (Eclesiastes 3:1-8, 10) Binigyan ng Diyos ang tao ng kalayaan na pumili ng mga bagay na gagawin nila at kung kailan nila ito gagawin. (Deuteronomio 30:19, 20; Josue 24:15) Sinabi ni Solomon na magiging tunay na masaya lang ang mga tao sa mga ginagawa nila kung ayon ito sa layunin ng Diyos at ayon din sa “takdang panahon,” o panahong nakikita niyang tama. Tinawag ito ni Solomon na ‘regalo ng Diyos.’—Eclesiastes 3:1, 12, 13.

 Panoorin ang maikling video na ito para makita ang nilalaman ng aklat ng Eclesiastes.