Pumunta sa nilalaman

TULARAN ANG KANILANG PANANAMPALATAYA | MIRIAM

“Umawit kay Jehova”!

“Umawit kay Jehova”!

 Isang batang babae ang nagtatago sa di-kalayuan habang nakatitig sa gitna ng mga tambo na nasa pampang ng Ilog Nilo. Hindi siya kumikilos habang nararamdaman niya ang pagdaloy ng ilog. Lumipas ang maraming oras, pero patuloy pa rin siyang nagmamasid kahit napakaraming insekto sa paligid niya. Tinitingnan niya ang isang nakatagong basket; nasa loob n’on ang sanggol niyang kapatid. Parang dinudurog ang puso niya kapag iniisip niyang mag-isa lang ang kapatid niya at walang kalaban-laban. Pero alam niyang tama ang mga magulang niya; ito lang ang tanging paraan para maligtas ang kapatid niya.

 Ang batang babaeng ito ay nagpakita ng lakas ng loob, pero kailangan pa niyang magpakatatag. Kahit bata pa siya, unti-unti na siyang nagkakaroon ng pananampalataya. Ang mga susunod na mangyayari ay nagpapakitang mayroon siyang pananampalataya, at nakaapekto ito sa buong buhay niya. Sa pagtanda niya, nakatulong sa kaniya ang pananampalataya niya para maharap ang napakalaking pagbabago sa bayan niya. At nang makagawa siya ng malubhang pagkakamali, nakatulong din sa kaniya ang pananampalatayang ito. Sino siya? At ano ang matututuhan natin sa pananampalataya niya?

Isang Anak ng mga Alipin

 Hindi pinangalanan ng Bibliya ang batang ito, pero alam natin kung sino siya. Siya si Miriam, ang panganay na anak nina Amram at Jokebed, mga aliping Hebreo sa Ehipto. (Bilang 26:59) Ang kapatid niyang sanggol ay tatawaging Moises. Si Aaron, ang kuya ng sanggol, ay mga tatlong taon na nang panahong iyon. Hindi natin alam kung ilang taon na si Miriam noon, pero malamang na wala pa siyang 10 taóng gulang.

 Mahirap ang kalagayan noon. Inaalipin at pinapahirapan ang mga Hebreo kasi natatakot ang mga Ehipsiyo sa kanila. Pero dumadami pa rin ang mga Hebreo kaya iniutos ng Paraon na patayin ang lahat ng lalaking Hebreo na ipapanganak. Siguradong nalaman ni Miriam ang pananampalatayang ipinakita ng dalawang komadrona na sina Sipra at Pua nang hindi nila sundin ang utos ng Paraon.​—Exodo 1:8-22.

 Nakita rin ni Miriam ang pananampalataya ng kaniyang mga magulang na sina Amram at Jokebed. Pagkatapos isilang ang ikatlo nilang anak, itinago nila ito nang tatlong buwan. Hindi sila nagpadala sa takot, kaya gumawa sila ng paraan para mabuhay ang bata. (Hebreo 11:23) Pero hindi madaling magtago ng isang sanggol, kaya kailangan nilang magpasiya. Alam ni Jokebed na kailangan niyang iwan ang anak niya kung saan makikita ito ng isang tao na kayang mag-alaga at magbigay ng proteksiyon sa bata. Isip-isipin si Jokebed na taimtim na nananalangin habang ginagawa ang basket na gawa sa tambo at pinapahiran ito ng bitumen at alkitran para hindi pasukan ng tubig. Pagkatapos, iniwan niya ang anak niya sa Ilog Nilo. Malamang na sinabi niya kay Miriam na tingnan kung ano ang mangyayari.​—Exodo 2:1-4.

Isang Tagapagligtas

 Naghintay si Miriam. Pagkalipas ng ilang oras, may nakita siyang dumarating—isang grupo ng mga babae. At hindi sila mga ordinaryong Ehipsiyo. Iyon ang anak na babae ng Paraon na maliligo sa Ilog Nilo kasama ng mga tagapaglingkod niyang babae. Nalungkot kaya si Miriam? Para kasing imposible na suwayin ng prinsesa ang utos ng kaniyang ama para lang protektahan ang isang Hebreong sanggol. Tiyak na marubdob ang panalangin ni Miriam nang panahong iyon.

 Ang anak na babae ng Paraon ang nakakita sa basket na nasa gitna ng mga tambo. Ipinakuha niya ito sa alipin niya. Sinasabi ng ulat kung ano ang ginawa ng prinsesa: “Nang buksan niya iyon, nakita niya ang sanggol na lalaki, at umiiyak ito.” Naisip agad ng prinsesa na ang batang ito ay anak ng isang Hebreo at gusto itong iligtas ng kaniyang ina. Naawa ang anak ng Paraon sa sanggol. (Exodo 2:5, 6) Siguradong napansin ni Miriam ang reaksiyon ng prinsesa. Alam ni Miriam na ito na ang pagkakataon para ipakita ang pananampalataya niya kay Jehova. Naglakas-loob siyang lapitan ang anak ng Paraon at ang mga kasama nito.

 Hindi natin alam kung ano ang puwedeng mangyari kapag lumapit ang isang batang alipin na Hebreo sa isang prinsesa. Pero tinanong ni Miriam ang prinsesa: “Gusto po ba ninyong maghanap ako ng babaeng Hebreo na magpapasuso at mag-aalaga sa sanggol para sa inyo?” Tama ang tanong niya. Alam ng anak ng Paraon na wala siya sa kalagayan para mag-alaga ng sanggol. Baka naisip niya na mas mabuti kung mga Hebreo ang mag-aalaga sa sanggol; at kapag malaki na ang bata, saka niya ito aampunin at pag-aaralin. Siguradong tuwang-tuwa si Miriam nang marinig niya ang sagot ng prinsesa: “Sige!”—Exodo 2:7, 8.

Lakas-loob na binantayan ni Miriam ang kaniyang sanggol na kapatid

 Nagmamadaling umuwi si Miriam. Excited na excited siya habang ibinabalita sa nanay niya ang nangyari. Alam ni Jokebed na dahil ito kay Jehova, kaya sumama siya kay Miriam pabalik sa anak ng Paraon. Siguradong hindi ipinahalata ni Jokebed kung gaano siya kasaya nang sabihin ng prinsesa: “Kunin mo ang sanggol na ito at alagaan mo siya para sa akin at babayaran kita.”​—Exodo 2:9.

 Maraming natutuhan si Miriam tungkol sa Diyos na Jehova nang araw na iyon. Natutuhan ni Miriam na nagmamalasakit si Jehova sa kaniyang bayan at nakikinig siya sa mga panalangin nila. Natutuhan din niyang hindi lang mga adulto o mga lalaki ang puwedeng magpakita ng lakas ng loob at pananampalataya. Nakikinig si Jehova sa lahat ng tapat na lingkod niya. (Awit 65:2) Kailangan nating tandaan ang aral na ito, dahil lahat tayo—bata man o matanda, lalaki o babae—ay napapaharap ngayon sa mahihirap na kalagayan.

Isang Mapaghintay na Kapatid

 Inalagaan ni Jokebed ang sanggol. At siguradong minahal ni Miriam ang kapatid na iniligtas niya. Malamang na siya rin ang nagturo sa kapatid niya na magsalita, at tuwang-tuwa siya nang unang sabihin ng kaniyang kapatid ang pangalan ng Diyos na Jehova. Nang lumaki na ang bata, kailangan na siyang dalhin sa anak ng Paraon. (Exodo 2:10) Talagang napakasakit nito para sa pamilya. Sabik na sabik si Miriam na makitang muli ang kapatid niya, na pinangalanang Moises ng anak ng Paraon. Mamahalin pa rin kaya ni Moises si Jehova kahit lumaki siya sa pamilya ng Paraon?

 Naging malinaw ang sagot sa paglipas ng panahon. Siguradong tuwang-tuwa si Miriam nang malaman niyang pinili ng kapatid niya na paglingkuran ang Diyos imbes na samantalahin ang mga oportunidad na iniaalok sa isang miyembro ng pamilya ng Paraon. Nang 40-taóng gulang na si Moises, ipinagtanggol niya ang bayan niya. Pinatay niya ang isang Ehipsiyo na nang-aapi sa isang Hebreong alipin. Dahil dito, nanganib ang buhay ni Moises, kaya tumakas siya sa Ehipto.​—Exodo 2:11-15; Gawa 7:23-29; Hebreo 11:24-26.

 Malamang na wala nang balita si Miriam tungkol sa kapatid niya sa sumunod na 40 taon habang nakatira si Moises sa Midian bilang isang pastol. (Exodo 3:1; Gawa 7:29, 30) Sa pagtanda ni Miriam, hinihintay pa rin niya si Moises habang nakikita niya na lalong naghihirap ang bayan niya.

Isang Propetisa

 Malamang na mahigit 80 anyos na si Miriam nang isugo si Moises ng Diyos para iligtas ang bayan. Si Aaron ang naging tagapagsalita ni Moises, at ang dalawang kapatid na ito ni Miriam ang humarap sa Paraon para hilingin na palayain ang bayan ng Diyos. Siguradong sinuportahan at pinatibay ni Miriam ang mga kapatid niya nang hindi sila pakinggan ng Paraon at nang paulit-ulit silang bumalik sa Paraon para sabihin ang tungkol sa 10 salot. Pagkatapos ng huling salot—nang patayin ang lahat ng panganay ng mga Ehipsiyo—pinalaya ang buong Israel. Naiisip ba ninyo si Miriam habang tinutulungan ang mga Israelita palabas sa Ehipto sa pangunguna ni Moises?​—Exodo 4:14-16, 27-31; 7:1–12:51.

 Di-nagtagal, nang masukol ng mga Ehipsiyo ang mga Israelita sa Dagat na Pula, nakita ni Miriam na tumayo si Moises sa harap ng dagat habang itinataas ang tungkod nito. Nahati ang dagat! Habang nakikita ni Miriam na tinatawid ng mga Israelita ang tuyong sahig ng dagat, siguradong tumibay pa ang pananampalataya niya kay Jehova. Sinasamba niya ang Diyos na kayang gawin ang lahat ng bagay at tumutupad sa lahat ng pangako!—Exodo 14:1-31.

 Nang makatawid nang ligtas ang bayan at malunod ang Paraon pati na ang hukbo niya, nakita ni Miriam na walang hukbo sa lupa na makakatalo kay Jehova. Kaya napakanta ang bayan. Pagkatapos, si Miriam ang nanguna sa pagkanta ng mga babae: “Umawit kay Jehova, dahil lubos siyang naluwalhati. Ang kabayo at ang sakay nito ay itinapon niya sa dagat.”​—Exodo 15:20, 21; Awit 136:15.

Napakilos si Miriam na manguna sa pagkanta ng mga babaeng Israelita dahil sa tagumpay nila sa Dagat na Pula

 Isa ito sa pinakamasayang pangyayari sa buhay ni Miriam na hindi niya makakalimutan. Sa ulat na ito, tinawag si Miriam na isang propetisa. Ito ang unang beses na ginamit ng Bibliya ang titulong ito. Iilan lang ang babaeng pinili para maglingkod kay Jehova sa ganitong paraan.​—Hukom 4:4; 2 Hari 22:14; Isaias 8:3; Lucas 2:36.

 Itinuturo ng Bibliya na nakikita tayo ni Jehova at na pinapahalagahan niya ang mga pagsisikap natin, ang ating pagtitiyaga, at ang kagustuhan natin na purihin siya. Bata man tayo o matanda, lalaki o babae, puwede tayong magpakita ng pananampalataya kay Jehova. Nagpapasaya iyon sa kaniya, hindi niya iyon kinakalimutan, at gusto niya tayong gantimpalaan. (Hebreo 6:10; 11:6) Kaya dapat nating tularan ang pananampalataya ni Miriam.

Naging Mayabang

 May pagpapala kapag nakatanggap ang isang tao ng pribilehiyo, pero mayroon din itong panganib. Nang makalaya na ang Israel, malamang na si Miriam ang pinakaprominenteng babae sa bayan. Magiging mayabang kaya siya o ambisyosa? (Kawikaan 16:18) Nakakalungkot, may panahong naging ganoon nga siya.

 Ilang buwan pagkaalis nila sa Ehipto, sinalubong ni Moises ang isang grupo—ito ang kaniyang biyenang lalaki na si Jetro, kasama ang asawa ni Moises na si Zipora, at ang dalawa nilang anak. Naging asawa ni Moises si Zipora nang manirahan siya nang 40 taon sa Midian. Bago nito, bumalik si Zipora sa pamilya niya sa Midian, malamang na para bisitahin sila. Ngayon, inihatid siya ng kaniyang ama papunta sa kampo ng Israel. (Exodo 18:1-5) Siguradong pinagkaguluhan ang pagdating ng grupo ni Zipora! Malamang na gustong makita ng marami ang asawa ng lalaking pinili ng Diyos na manguna sa bayan papalabas ng Ehipto.

 Natuwa kaya si Miriam? Baka noong una. Pero lumilitaw, naiwala ni Miriam ang kapakumbabaan niya. Baka natakot siya na si Zipora na ang magiging pinakaprominenteng babae sa Israel. Anuman ang dahilan, pinag-usapan nina Miriam at Aaron ang mga negatibong iniisip nila. Ang ganitong mga pag-uusap ay kadalasan nang nagiging mapaminsala. Noong una, si Zipora ang pinag-uusapan nila; nagrereklamo sila na hindi siya isang Israelita kundi isang Cusita. a Bandang huli, pinupuna na rin nila si Moises. Sinabi nina Miriam at Aaron: “Sa pamamagitan lang ba ni Moises nagsasalita si Jehova? Hindi ba nagsasalita rin siya sa pamamagitan natin?”—Bilang 12:1, 2.

Naging Ketongin

 Sa pananalitang iyan, kitang-kitang nagbago na sina Miriam at Aaron. Hindi sila natutuwa na ginagamit ni Jehova si Moises kasi gusto pa nila ng higit na awtoridad at kapangyarihan. Dahil kaya sa abusado at dominante si Moises? May mga kahinaan si Moises, pero hindi siya ambisyoso o mayabang. Sinasabi sa Bibliya: “Si Moises ang pinakamaamo sa lahat ng tao sa ibabaw ng lupa.” Kaya mali sina Miriam at Aaron, at delikado ang ginagawa nila dahil sinasabi ng ulat: “Naririnig sila ni Jehova.”​—Bilang 12:2, 3.

 Biglang ipinatawag ni Jehova sa tolda ng pagpupulong ang tatlong magkakapatid. Ang haliging ulap na kumakatawan sa presensiya ni Jehova ay bumaba at tumayo sa pasukan ng tolda. Pagkatapos, nagsalita si Jehova. Sinaway niya sina Miriam at Aaron, at ipinaalala niya sa kanila kung gaano kalapít ang kaugnayan niya kay Moises at kung gaano kalaki ang tiwala niya sa lingkod niyang iyon. Tinanong sila ni Jehova: “Bakit hindi kayo natakot na magsalita laban sa aking lingkod, laban kay Moises?” Siguradong natakot sina Miriam at Aaron. Para kay Jehova, ang hindi nila pagrespeto kay Moises ay hindi rin pagrespeto sa kaniya.​—Bilang 12:4-8.

 Lumilitaw na si Miriam ang pasimuno ng isyung ito, at kinampihan siya ng nakababata niyang kapatid laban sa hipag nila. Kaya maiintindihan natin kung bakit si Miriam ang pinarusahan. Ginawa siyang ketongin ni Jehova. Dahil dito, naging “kasimputi ng niyebe” ang balat niya. Agad na nagmakaawa si Aaron kay Moises na tulungan sila. Sinabi niya: “Maling-mali ang ginawa namin.” Dahil maamo si Moises, nagmakaawa siya kay Jehova: “O Diyos, pakiusap, pagalingin mo siya! Pakiusap!” (Bilang 12:9-13) Ang pagmamakaawang ito ng magkapatid ay nagpapakitang mahal na mahal nila ang kanilang ate sa kabila ng pagkakamali nito.

Pinatawad si Miriam

 Naawa si Jehova. Pinagaling niya ang nagsisising si Miriam. Pero iniutos niya na ibukod si Miriam nang pitong araw sa labas ng kampo ng Israel. Nakakahiya ito para kay Miriam kasi malalaman ng iba na dinisiplina siya. Pero sinunod niya ito dahil sa kaniyang pananampalataya. Siguradong alam ni Miriam na ang kaniyang Ama, si Jehova, ay makatarungan at na dinidisiplina siya dahil sa pag-ibig. Kaya ginawa niya ang iniutos sa kaniya. Pitong araw siyang nasa labas ng kampo habang hinihintay siya ng mga Israelita. Muling nagpakita ng pananampalataya si Miriam nang hayaan niyang ‘papasukin siyang muli’ sa kampo.​—Bilang 12:14, 15.

 Dinidisiplina ni Jehova ang mga mahal niya. (Hebreo 12:5, 6) Dahil mahal niya si Miriam, itinuwid niya ang hindi magandang ugali nito. Masakit ang disiplinang iyon para kay Miriam, pero iniligtas siya nito. Dahil mapagpakumbaba niyang tinanggap ang disiplina, naging kalugod-lugod ulit siya sa Diyos. Nabuhay siya hanggang sa malapit nang matapos ang pagpapagala-gala ng Israel sa ilang. Nang mamatay siya sa Kades sa ilang ng Zin, malamang na halos 130 taon na siya. b (Bilang 20:1) Pagkalipas ng maraming taon, naalala pa rin ni Jehova ang katapatan ni Miriam. Sa pamamagitan ni propeta Mikas, ipinaalala niya sa kaniyang bayan: “Sa pagkaalipin ay tinubos kita; isinugo ko sa iyo sina Moises, Aaron, at Miriam.”​—Mikas 6:4.

Nakatulong ang pananampalataya ni Miriam para mapagpakumbabang tanggapin ang disiplina ni Jehova

 Marami tayong matututuhan kay Miriam. Kailangan nating protektahan ang mga walang kalaban-laban at lakas-loob na ipagtanggol kung ano ang tama, gaya ng ginawa ni Miriam noong bata siya. (Santiago 1:27) Gaya niya, dapat nating sabihin sa iba ang mabuting balita ng Diyos. (Roma 10:15) Dapat din nating iwasang mainggit. (Kawikaan 14:30) At gaya niya, dapat na mapagpakumbaba nating tanggapin ang disiplina ni Jehova. (Hebreo 12:5) Sa ganitong paraan, matutularan natin ang pananampalataya ni Miriam.

a Lumilitaw na sa kaso ni Zipora, ang salitang “Cusita” ay nangangahulugan na mula siya sa Arabia, gaya ng iba pang Midianita, at hindi sa Etiopia.

b Lumilitaw na namatay ang tatlong magkakapatid sa loob ng isang taon. Unang namatay si Miriam; pagkatapos, si Aaron; at huli, si Moises.