Pumunta sa nilalaman

Ano ang Torah?

Ano ang Torah?

Ang sagot ng Bibliya

 Ang salitang Ingles na “Torah” ay galing sa salitang Hebreo na toh·rahʹ, na maaaring isalin na tagubilin, turo, o kautusan. a Ipinakikita ng sumusunod na mga halimbawa kung paano ginagamit sa Bibliya ang salitang Hebreo na ito.

  •   Ang toh·rahʹ ay kadalasang tumutukoy sa unang limang aklat ng Bibliya—Genesis, Exodo, Levitico, Bilang, at Deuteronomio. Ang mga ito ay tinatawag ding Pentateuch, mula sa salitang Griego na nangangahulugang “limahang tomo.” Ang Torah ay isinulat ni Moises, kaya tinatawag itong “aklat ng Kautusan ni Moises.” (Josue 8:31; Nehemias 8:1) Maliwanag na isang aklat lang ito sa simula pero nang maglaon ay hinati-hati para madaling mabuksan.

  •   Ang toh·rahʹ ay tumutukoy rin sa mga kautusan na ibinigay sa Israel tungkol sa isang partikular na paksa, gaya ng “kautusan [toh·rahʹ] tungkol sa handog ukol sa kasalanan,” “kautusan tungkol sa ketong,” at “kautusan tungkol sa Nazareo.”—Levitico 6:25; 14:57; Bilang 6:13.

  •   Ang toh·rahʹ kung minsan ay tumutukoy sa tagubilin at turo, maaaring mula sa mga magulang, mga taong marurunong, o sa Diyos mismo.—Kawikaan 1:8; 3:1; 13:14; Isaias 2:3.

Ano ang nasa Torah, o Pentateuch?

  •   Ang kasaysayan ng mga pakikitungo ng Diyos sa mga tao mula sa paglalang hanggang sa kamatayan ni Moises.—Genesis 1:27, 28; Deuteronomio 34:5.

  •   Mga tuntunin ng Kautusang Mosaiko. (Exodo 24:3) Ang Kautusang iyon ay binubuo ng mahigit 600 batas. Pangunahin sa mga ito ang Shema, o kapahayagan ng pananampalatayang Judio. Sinasabi sa isang bahagi ng Shema: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong lakas.” (Deuteronomio 6:4-9) Sinabi ni Jesus na ito “ang pinakadakila at unang utos.”—Mateo 22:36-38.

  •   Mga 1,800 paglitaw ng banal na pangalang Jehova. Sa halip na ipagbawal ang paggamit sa pangalan ng Diyos, iniuutos sa Torah na dapat itong bigkasin ng bayan ng Diyos.—Bilang 6:22-27; Deuteronomio 6:13; 10:8; 21:5.

Mga maling akala tungkol sa Torah

 Maling akala: Ang mga kautusan sa Torah ay walang hanggan at hindi kailanman pawawalang-bisa.

 Ang totoo: Binabanggit sa ilang salin ng Bibliya na ang espesipikong mga batas sa Torah—gaya ng kautusan tungkol sa Sabbath, pagkasaserdote, at Araw ng Pagbabayad-Sala—ay sa “buong panahon” o “walang hanggan.” (Exodo 31:16; 40:15; Levitico 16:33, 34, Ang Biblia) Pero ang salitang Hebreo na ginamit sa mga talatang ito ay maaari ding mangahulugang mananatili hanggang sa di-tiyak na panahon sa hinaharap at hindi laging nangangahulugan na magpakailanman. b Pagkatapos magkabisa ang tipan ng Kautusang Mosaiko nang mga 900 taon, inihula ng Diyos na papalitan niya ito ng “isang bagong tipan.” (Jeremias 31:31-33) Sa ‘pagsasabing “isang bagong tipan,” ginawa ng Diyos na lipas na ang naunang tipan.’ (Hebreo 8:7-13) Mga 2,000 taon na ang nakalilipas, pinalitan iyon salig sa kamatayan ni Jesu-Kristo.—Efeso 2:15.

 Maling akala: Ang berbal na tradisyon ng mga Judio at Talmud ay may awtoridad na kapantay ng nasusulat na Torah.

 Ang totoo: Walang sinasabi sa Kasulatan na binigyan ng Diyos si Moises ng berbal na kautusan kasama ng nasusulat na Torah. Sa halip, sinasabi ng Bibliya: “Sinabi ni Jehova kay Moises: ‘Isulat mo sa ganang iyo ang mga salitang ito.’” (Exodo 34:27) Ang berbal na kautusan, na nang maglaon ay isinulat at tinawag na Mishnah at nang bandang huli ay naging Talmud, ay binubuo ng mga tradisyong Judio na nagsimula sa mga Pariseo. Madalas na ang mga tradisyong ito ay salungat sa Torah. Kaya naman sinabi ni Jesus sa mga Pariseo: “Pinawalang-bisa ninyo ang salita ng Diyos dahil sa inyong tradisyon.”—Mateo 15:1-9.

 Maling akala: Hindi dapat ituro sa mga babae ang Torah.

 Ang totoo: Kasama sa Kautusang Mosaiko ang tuntunin na ang buong Kautusan ay dapat basahin sa buong bayan ng Israel, kasama na ang mga babae at bata. Bakit? “Upang makapakinig sila at upang matuto sila, upang matakot sila kay Jehova na [kanilang] Diyos at maingat na tuparin ang lahat ng mga salita ng kautusang ito.”—Deuteronomio 31:10-12. c

 Maling akala: May nakatagong mga mensahe sa Torah.

 Ang totoo: Sinabi ni Moises, na sumulat ng Torah, na ang mensahe nito ay malinaw at mauunawaan ng lahat, hindi nakatago sa lihim na kodigo. (Deuteronomio 30:11-14) Ang teoriya na may lihim na mga mensahe sa Torah ay nagmula sa Kabbalah, o tradisyonal na mistisismong Judio, na gumagamit ng pamamaraang “may-katusuhang kinatha” para bigyang-kahulugan ang Kasulatan. d2 Pedro 1:16.

a Tingnan ang Revised Edition ng The Strongest Strong’s Exhaustive Concordance of the Bible, entry 8451 sa seksiyong “Hebrew-Aramaic Dictionary-Index to the Old Testament.”

b Tingnan ang Theological Wordbook of the Old Testament, Tomo 2, pahina 672-​673.

c Salungat sa itinuturo mismo ng Torah, kadalasan nang ipinagbabawal ng legal na tradisyong Judio sa mga babae ang mag-aral ng Torah. Halimbawa, sinipi ng Mishnah ang sinabi ni Rabbi Eliezer ben Hyrcanus: “Sinumang nagtuturo sa kaniyang anak na babae ng Torah ay para na ring nagtuturo sa kaniya ng kahalayan.” (Sotah 3:4) Isinama sa Jerusalem Talmud ang kaniyang sinabi: “Mabuti pang masunog sa apoy ang pananalita ng Torah kaysa ibahagi ito sa mga babae.”—Sotah 3:​19a.

d Halimbawa, inilalarawan ng Encyclopaedia Judaica ang pananaw ng Kabbalah tungkol sa Torah: “Wala namang espesipikong tinutukoy ang Torah, bagaman totoo na nangangahulugan ito ng maraming iba’t ibang bagay sa maraming iba’t ibang antas.”—Ikalawang edisyon, Tomo 11, pahina 659.