Pumunta sa nilalaman

Pare-pareho Ba ang Lahat ng Relihiyon? Lahat Ba ay Patungo sa Diyos?

Pare-pareho Ba ang Lahat ng Relihiyon? Lahat Ba ay Patungo sa Diyos?

Ang sagot ng Bibliya

 Hindi. Hindi pare-pareho ang lahat ng relihiyon. Makikita sa Bibliya ang maraming halimbawa ng relihiyon na hindi nakalulugod sa Diyos. Nahahati ang mga ito sa dalawang kategorya.

Kategorya 1: Pagsamba sa huwad na mga diyos

 Sa Bibliya, ang pagsamba sa huwad na mga diyos ay inilalarawan sa mga terminong gaya ng “walang kabuluhan” at “hindi mapapakinabangan.” (Jeremias 10:3-5; 16:19, 20, Ang Biblia) Inutusan ng Diyos na Jehova a ang sinaunang bansang Israel: “Huwag kang magkakaroon ng iba pang mga diyos laban sa aking mukha.” (Exodo 20:3, 23; 23:24) Nang sumamba sa ibang diyos ang mga Israelita, “ang galit ni Jehova ay nagsimulang lumagablab.”—Bilang 25:3; Levitico 20:2; Hukom 2:13, 14.

 Hindi pa rin nagbabago ang saloobin ng Diyos laban sa pagsamba sa gayong “tinatawag na ‘mga diyos.’” (1 Corinto 8:5, 6; Galacia 4:8) Inutusan niya ang mga nagnanais sumamba sa kaniya na huwag nang makisama sa mga nagsasagawa ng huwad na relihiyon, na sinasabi: “Lumabas kayo mula sa kanila, at humiwalay kayo.” (2 Corinto 6:14-17) Kung ang lahat ng relihiyon ay pare-pareho at inaakay ang mga tao sa Diyos, bakit magbibigay pa ang Diyos ng gayong utos?

Kategorya 2: Pagsamba sa tunay na Diyos sa paraang hindi niya sinasang-ayunan

 May mga pagkakataong sinamba ng mga Israelita ang Diyos sa pamamagitan ng mga paniniwala, gawain, at kaugaliang nagmula sa pagsamba sa huwad na mga diyos. Pero hindi sinasang-ayunan ni Jehova ang ganitong pagtatangkang paghaluin ang tunay at huwad na pagsamba. (Exodo 32:8; Deuteronomio 12:2-4) Hinatulan ni Jesus ang mga lider ng relihiyon noong panahon niya dahil sa paraan nila ng pagsamba sa Diyos; nagkukunwari silang relihiyoso, pero ang totoo, winawalang-halaga nila ang “mas mabibigat na bagay ng Kautusan, samakatuwid nga, katarungan at awa at katapatan.”—Mateo 23:23.

 Ganiyan din sa ngayon. Tanging ang relihiyon na nakasalig sa katotohanan ang aakay sa mga tao sa Diyos. Ang katotohanang iyan ay masusumpungan sa Bibliya. (Juan 4:24; 17:17; 2 Timoteo 3:16, 17) May mga relihiyon na ang mga turo ay salungat sa sinasabi ng Bibliya, at inilalayo ng mga ito ang mga tao sa Diyos. Sa katunayan, maraming turo na iniisip ng mga tao na mula sa Bibliya—gaya ng Trinidad, imortal na kaluluwa, at walang-hanggang pagpapahirap—ang nagmula sa pagsamba sa huwad na mga diyos. Ang pagsamba na nagtataguyod ng gayong mga turo ay “walang kabuluhan,” dahil pinapalitan nito ang mga kahilingan ng Diyos ng mga relihiyosong tradisyon.—Marcos 7:7, 8.

 Kinasusuklaman ng Diyos ang relihiyon na mapagpaimbabaw. (Tito 1:16) Para matulungan ang mga tao na mas mapalapit sa Diyos, ang isang relihiyon ay dapat na may epekto sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao, at hindi lang puro ritwal o pormalidad. Halimbawa, sinasabi ng Bibliya: “Kung iniisip ninumang siya’y relihiyoso ngunit walang pagpipigil sa kanyang dila, dinadaya lamang niya ang sarili at walang kabuluhan ang kanyang relihiyon. Ang dalisay at walang kapintasang relihiyon na tinatanggap ng Dios at ating Ama ay ito: tulungan ang mga ulila at mga babaing balo sa kanilang kahirapan, at ingatan ang sarili na hindi mahawa sa kasamaan ng sanlibutang ito.” (Santiago 1:26, 27, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Sa King James Version, ginamit din ang pananalitang “dalisay na relihiyon” para sa malinis at walang-pagpapaimbabaw na pagsamba.

a Jehova ang pangalan ng tunay na Diyos gaya ng sinasabi sa Bibliya.