Pumunta sa nilalaman

Ano ang Kasalanang Walang Kapatawaran?

Ano ang Kasalanang Walang Kapatawaran?

Ang sagot ng Bibliya

 Ang kasalanang walang kapatawaran ay tumutukoy sa mga pagkilos at saloobin na humahadlang sa isang nagkasala na tumanggap ng kapatawaran ng Diyos. Paano nagkakaroon ng gayong disposisyon?

 Pinatatawad ng Diyos ang mga nagsisisi sa kanilang kasalanan, sumusunod sa mga pamantayan ng Diyos, at nananampalataya kay Jesu-Kristo. (Gawa 3:19, 20) Gayunman, ang isang tao ay maaaring namihasa na sa makasalanang landasin anupat hinding-hindi na magbabago ang kaniyang saloobin o paggawi. Inilalarawan ng Bibliya ang taong iyon bilang isa na may “pusong balakyot” na naging “mapagmatigas dahil sa mapanlinlang na kapangyarihan ng kasalanan.” (Hebreo 3:12, 13) Gaya ng luwad na isinalang sa hurno at hindi na puwedeng baguhin ang hubog, ang puso ng taong iyon ay palagi nang sumasalansang sa Diyos. (Isaias 45:9) Wala nang saligan para mapatawad siya, kaya ang kaniyang kasalanan ay wala nang kapatawaran.—Hebreo 10:26, 27.

 Ang ilang Judiong lider ng relihiyon noong panahon ni Jesus ay nakagawa ng kasalanang walang kapatawaran. Alam nila na ang banal na espiritu ng Diyos ang puwersang nasa likod ng mga himala ni Jesus. Pero dahil sa masamang hangarin, sinabi nila na galing kay Satanas na Diyablo ang kapangyarihan ni Jesus.—Marcos 3:22, 28-30.

Mga halimbawa ng kasalanan na maaaring patawarin

  •  Pamumusong dahil sa kawalang-alam. Si apostol Pablo ay dating mamumusong, ngunit nang maglaon ay sinabi niya: “Ako ay pinagpakitaan ng awa, sapagkat ako ay walang-alam at kumilos dahil sa kawalan ng pananampalataya.”—1 Timoteo 1:13.

  •  Pangangalunya. Binabanggit ng Bibliya ang ilan na dating nangalunya pero nagbago at pinatawad ng Diyos.—1 Corinto 6:9-11.

“Ako ba ay nakagawa ng kasalanang walang kapatawaran?”

 Kung talagang kinapopootan mo ang iyong nakaraang kasalanan at gusto mong magbago, kung gayon, hindi ka nakagawa ng kasalanang walang kapatawaran. Maaari kang patawarin ng Diyos kahit paulit-ulit kang mahulog sa gayunding kasalanan hangga’t hindi permanenteng tumitigas ang puso mo laban sa kaniya.—Isaias 1:18.

 Nadarama ng ilan na nakagawa sila ng kasalanang walang kapatawaran dahil patuloy silang sinusumbatan ng kanilang budhi. Pero itinuturo ng Bibliya na hindi natin laging mapagkakatiwalaan ang ating nadarama. (Jeremias 17:9) Hindi tayo binigyan ng Diyos ng awtoridad na hatulan ang sinuman—kahit ang ating sarili. (Roma 14:4, 12) Maaari niya tayong patawarin kahit na hinahatulan pa tayo ng ating puso.—1 Juan 3:19, 20.

Si Hudas Iscariote ba ay nakagawa ng kasalanang walang kapatawaran?

 Oo. Dahil sa kasakiman, nagnakaw siya ng perang iniabuloy para sa sagradong gawain. Nagkunwari pa nga siya na nababahala siya sa mga dukha gayong interesado lang siyang makakolekta ng mas maraming pera para nakawin. (Juan 12:4-8) Nang mamihasa na ang puso ni Hudas sa paggawa ng masama, ipinagkanulo niya si Jesus sa halagang 30 pirasong pilak. Alam ni Jesus na hindi talaga magsisisi si Hudas sa nagawa niya, kaya tinawag niya itong “anak ng pagkapuksa.” (Juan 17:12) Ibig sabihin, nang mamatay si Hudas, siya ay dumanas ng permanenteng pagkapuksa. Wala na siyang pag-asang buhaying muli.—Marcos 14:21.

 Si Hudas ay hindi nagpakita ng tunay na pagsisisi. Ipinagtapat niya ang kaniyang kasalanan, hindi sa Diyos, kundi sa mga lider ng relihiyon na kasabuwat niya.—Mateo 27:3-5; 2 Corinto 7:10.