Pumunta sa nilalaman

BINAGO NG BIBLIYA ANG KANILANG BUHAY

“Hinuhukay Ko ang Aking Libingan”

“Hinuhukay Ko ang Aking Libingan”
  • Isinilang: 1978

  • Bansang Pinagmulan: El Salvador

  • Dating Marahas na Miyembro ng Gang

ANG AKING NAKARAAN

 “Kung talagang gusto mong matuto tungkol sa Diyos, patuloy kang sumama sa mga Saksi ni Jehova.” Nakapagtatakang marinig ang komentong iyan. Nang panahong iyon, nakikipag-aral na ako sa mga Saksi ni Jehova. Pero para maunawaan n’yo ang reaksiyon ko, hayaan n’yong ikuwento ko ang aking buhay.

 Isinilang ako sa Quezaltepeque, isang bayan sa El Salvador. Ika-6 ako sa 15 anak. Sinikap ng mga magulang ko na palakihin akong tapat at masunurin sa batas. Paminsan-minsan din kaming tinuturuan ni Leonardo at ng iba pang Saksi ni Jehova tungkol sa Bibliya. Pero binale-wala ko ang mga itinuro sa akin at gumawa ng masasamang bagay. Sa edad na 14, nagsimula akong uminom ng alak at magdroga kasama ng mga barkada ko sa paaralan. Isa-isa silang huminto sa pag-aaral at sumali sa isang gang, at ganoon din ang ginawa ko. Nasa lansangan kami at sapilitang nanghihingi ng pera at nagnanakaw para itustos sa aming bisyo.

 Ang gang ang naging pamilya ko. Inisip kong dapat akong maging tapat sa kanila. Halimbawa, isang araw ay sinalakay ng isang barkada ko na lango sa droga ang kapitbahay ko. Sa labanan, natalo ng kapitbahay ko ang barkada ko at tumawag ito ng pulis. Sa galit ko, pinagpapalo ko ang kotse ng kapitbahay ko para pakawalan niya ang barkada ko. Nakiusap ang kapitbahay ko na itigil ko ang pagbasag sa mga bintana at pagsira sa kotse niya, pero hindi ako nakinig.

 Noong 18 anyos ako, nakipag-away ang gang ko sa mga pulis. Nang ihahagis ko ang bombang ginawa namin, sumabog ito sa kamay ko—ewan ko kung paano nangyari iyon. Nakita ko na lang ang durog kong kamay—pagkatapos, hinimatay ako. Nang magising ako sa ospital, naputol ang kanan kong kamay at hindi na makarinig ang aking kanang tainga at halos mabulag ang kanan kong mata.

 Pero sa kabila ng mga nangyari sa akin, pagkalabas ko ng ospital, bumalik ako uli sa barkada ko. Pagkatapos, naaresto ako ng mga pulis at ikinulong. Doon, lalong naging malapít kaming magkakabarkada. Buong araw kaming magkasama—mula almusal, paghitit namin ng marijuana, hanggang sa pagtulog.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO

 Habang nasa bilangguan, dinalaw ako ni Leonardo. Sa pag-uusap namin, itinuro niya ang tato sa kanang braso ko. “Alam mo ba ang ibig sabihin ng tatlong tuldok na iyan?” tanong niya. “Oo,” sabi ko, “sex, droga, at rock and roll.” Pero sinabi ni Leonardo: “Hindi. Ospital, kulungan, at kamatayan. Naospital ka, ngayon nakakulong ka. Alam mo na ang susunod na mangyayari.”

 Natigilan ako sa sinabi ni Leonardo. Tama siya. Hinuhukay ko ang aking libingan sa paraan ng pamumuhay ko. Niyaya ako ni Leonardo na makipag-aral sa kaniya ng Bibliya, na tinanggap ko naman. Binago ng natutuhan ko sa Bibliya ang buhay ko. Halimbawa, sinasabi ng Bibliya na “ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.” (1 Corinto 15:33) Kaya humanap ako ng bagong mga kaibigan. Kaya hindi na ako nagpupunta sa mga barkada ko kundi dumadalo na ako sa mga miting ng mga Saksi ni Jehova sa loob ng bilangguan. Doon ko nakilala si Andrés, isang preso na nabautismuhan bilang isa sa mga Saksi ni Jehova. Niyaya niya akong mag-almusal na kasama niya. Mula noon hindi na ako humihithit ng marijuana. Sa halip, tinatalakay namin ni Andrés ang isang talata sa Bibliya tuwing umaga.

 Napansin agad ng mga miyembro ng gang na nagbabago na ako. Kaya sinabi ng isa sa mga lider ng gang na kakausapin niya ako. Natakot ako. Hindi ko alam kung ano ang gagawin niya sa akin kapag nalaman niya ang mga balak ko, kasi halos imposibleng kumalas sa gang. Sabi niya: “Nakita naming hindi ka na dumadalo sa mga miting natin kundi nagpupunta ka sa miting ng mga Saksi ni Jehova. Ano ang plano mo?” Sinabi kong gusto kong ipagpatuloy ang pag-aaral ng Bibliya at baguhin ang buhay ko. Nakapagtataka, sinabi niya na igagalang ako ng gang kung talagang gusto kong maging Saksi ni Jehova. Pagkatapos sinabi niya: “Kung talagang gusto mong matuto tungkol sa Diyos, patuloy kang sumama sa mga Saksi ni Jehova. Inaasahan naming hihinto ka na sa paggawa ng masama. Binabati kita. Nasa tamang landas ka. Talagang matutulungan ka ng mga Saksi. Nakipag-aral ako sa kanila sa United States, at ilan sa mga kapamilya ko ay mga Saksi ni Jehova. Huwag kang matakot. Magpatuloy ka.” Natatakot pa rin ako, pero masayang-masaya ako. Pinasasalamatan ko ang Diyos na Jehova. Para akong ibong nakawala sa hawla, at naunawaan ko ang sinabi ni Jesus: “Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.”—Juan 8:32.

 Pero inalok ako ng ilan kong kaibigan ng droga. Inaamin ko na kung minsan napadala ako sa kanila. Pero nang maglaon, pagkatapos ng marubdob na mga panalangin, nadaig ko sa wakas ang aking bisyo.—Awit 51:10, 11.

 Pagkalaya ko sa bilangguan, naniniwala ang marami na babalik ako sa dati kong ugali, pero hindi. Sa halip, nagbalik ako sa bilangguan para ibahagi sa ibang preso ang natutuhan ko sa Bibliya. Sa wakas, nakumbinsi ko ang dati kong mga kaibigan na nagbago na ako. Pero hindi ang mga dati kong kaaway.

 Isang araw nang lumabas ako para mangaral, kami ng kapartner ko ay biglang pinaligiran ng armadong mga miyembro ng kaaway naming gang noon, na gusto akong patayin. Ipinaliwanag ng kapartner ko na hindi na ako miyembro ng gang. Nanatili lang akong kalmado. Pagkatapos akong bugbugin at babalaan na huwag nang papasok sa teritoryo nila, ibinaba ng mga lalaki ang sandata nila at pinaalis kami. Talagang binago ng Bibliya ang buhay ko. Dati, gumaganti ako. Ngayon, sinusunod ko ang payo ng Bibliya sa 1 Tesalonica 5:15: “Tiyakin ninyo na walang sinumang gaganti ng pinsala para sa pinsala sa kaninuman, kundi laging itaguyod kung ano ang mabuti sa isa’t isa at sa lahat ng iba pa.”

 Mula nang maging Saksi ni Jehova ako, sinikap kong maging tapat. Hindi ito madali. Pero sa tulong ng Diyos na Jehova, ng payo mula sa Bibliya, at ng suporta ng bago kong mga kaibigan, nagtagumpay ako. Hinding-hindi ko na babalikan ang dati kong mga ginagawa.—2 Pedro 2:22.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG

 Dati akong marahas at magagalitin. Kumbinsido ako na patay na sana ako kung ipinagpatuloy ko ang marahas kong buhay. Binago ako ng mga natutuhan ko sa Bibliya. Itinigil ko na ang mga bisyo ko. Natutuhan kong maging mapagpayapa sa dati kong mga kaaway. (Lucas 6:27) At may mga kaibigan ako ngayon na tumutulong sa akin na magkaroon ng magagandang katangian. (Kawikaan 13:20) Maligaya at may layunin na ang buhay ko, at naglilingkod ako sa Diyos na handang patawarin ang lahat ng masamang nagawa ko.—Isaias 1:18.

 Noong 2006, dumalo ako sa isang pantanging paaralan na nagsasanay sa Kristiyanong mga ebanghelisador na walang asawa. Makalipas ang ilang taon, nag-asawa ako. Magkasama naming pinalalaki ngayon ang aming anak na babae. Ginagamit ko ngayon ang aking panahon sa pagtuturo sa iba ng mga simulain ng Bibliya na nakatulong sa akin. Naglilingkod din ako bilang isang elder sa aming kongregasyon, at sinisikap kong tulungan ang mga kabataan na iwasan ang mga pagkakamaling nagawa ko noong kaedaran ko sila. Sa halip na hukayin ang aking libingan, nagtatayo ako ngayon para sa walang-hanggang kinabukasan na ipinapangako ng Diyos sa Bibliya.