Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

BINAGO NG BIBLIYA ANG KANILANG BUHAY

Pasamâ Nang Pasamâ ang Buhay Ko

Pasamâ Nang Pasamâ ang Buhay Ko
  • ISINILANG: 1952

  • BANSANG PINAGMULAN: ESTADOS UNIDOS

  • DATING MARAHAS

ANG AKING NAKARAAN:

Lumaki ako sa Los Angeles, California, E.U.A., sa mga pamayanang kilalá sa mga gang at droga. Anim kaming magkakapatid, at ako ang pangalawa.

Pinalaki kami ni Nanay sa relihiyong Evangelical. Pero noong tin-edyer ako, may dobleng pamumuhay ako. Tuwing Linggo, kumakanta ako sa koro ng simbahan. Pero sa ibang araw naman, laman ako ng mga party, nagdodroga, at namumuhay nang imoral.

Magagalitin ako at marahas. Gagawin ko ang lahat para lang manalo. Walang naitulong sa akin ang mga natututuhan ko sa simbahan. Lagi kong sinasabi, “Sa Panginoon ang paghihiganti—at ako ang kaniyang instrumento!” Habang nasa haiskul ako noong huling mga taon ng dekada ’60, naimpluwensiyahan ako ng Black Panthers, isang kilaláng militanteng politikal na grupo na ipinaglalaban ang mga karapatang sibil. Sumali ako sa organisasyon ng mga estudyante patungkol sa mga karapatang sibil. Ilang beses kaming nagprotesta, at sa bawat pagkakataon, pansamantalang isinasara ang paaralan.

Waring hindi nasapatan ng pagpoprotesta ang pagiging marahas ko. Kaya nasangkot ako sa mga krimeng udyok ng poot. Minsan, nanood kami ng mga kaibigan ko ng isang pelikula tungkol sa mga paghihirap na dinanas noon ng mga aliping Aprikano sa Estados Unidos. Sa sobrang galit dahil sa gayong kawalang-katarungan, binugbog namin ang mga kabataang puti na nasa loob ng sinehan. Pagkatapos, pumunta kami sa pamayanan ng mga puti para maghanap pa ng mabubugbog.

Bago pa ako mag-20 anyos, kami ng mga kapatid ko ay sangkot na sa mararahas na krimen. Nagkaproblema kami sa mga awtoridad. Miyembro ng isang kilaláng gang noon ang nakababata kong kapatid, at sumali rin ako sa kanila. Pasamâ nang pasamâ ang buhay ko.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO:

May kaibigan akong Saksi ni Jehova ang mga magulang. Inanyayahan nila ako sa kanilang mga pulong ng kongregasyon, at sumama naman ako. Sa umpisa pa lang, nakita ko nang ibang-iba ang mga Saksi. May Bibliya ang lahat at ginagamit nila ito sa pulong. Kahit mga kabataan ay may bahagi sa programa! Nagulat ako nang malaman kong may pangalan ang Diyos, Jehova, at ginagamit nila ito. (Awit 83:18) Iba’t iba ang kanilang nasyonalidad, pero kitang-kita na walang pagkakabaha-bahagi dahil sa lahi.

Noong una, ayaw kong mag-aral ng Bibliya sa mga Saksi, pero gusto kong dumalo sa kanilang mga pulong. Isang gabi, habang nasa pulong ako ng mga Saksi, nanood ng concert ang mga kaibigan ko. Doon, binugbog nila hanggang mamatay ang isang tin-edyer dahil ayaw nitong ibigay ang leather jacket niya. Kinabukasan, ipinagyabang nila ang ginawa nilang krimen. Tatawa-tawa pa nga sila habang nililitis sa korte. Karamihan sa kanila ay nasentensiyahan ng habang-buhay na pagkabilanggo. Mabuti na lang at hindi ako kasama nang gabing iyon. Kaya ipinasiya kong baguhin ang aking buhay at mag-aral ng Bibliya.

Dahil sa dami ng nakita kong pagtatangi sa lahi, namangha ako sa nakita ko sa mga Saksi. Halimbawa, nang pumunta sa ibang bansa ang isang Saksing puti, iniwan niya ang kaniyang mga anak sa pangangalaga ng isang pamilyang itim. Isang kabataang itim naman ang inampon ng isang pamilyang puti. Kumbinsido ako na akmang-akma sa mga Saksi ni Jehova ang sinabi ni Jesus sa Juan 13:35: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” Alam kong natagpuan ko na ang tunay na kapatiran.

Sa pag-aaral ko ng Bibliya, natanto ko na kailangan kong baguhin ang aking pag-iisip, hindi lang para maging mapagpayapa kundi dahil nakita ko rin na ito ang pinakamainam na paraan ng pamumuhay. (Roma 12:2) Unti-unti akong sumulong. Noong Enero 1974, nabautismuhan ako bilang isang Saksi ni Jehova.

Kinailangan kong baguhin ang aking pag-iisip, hindi lang para maging mapagpayapa kundi dahil nakita ko rin na ito ang pinakamainam na paraan ng pamumuhay

Pero kahit nabautismuhan na ako, kailangan ko pa ring kontrolin ang aking galit. Minsan, habang nangangaral sa bahay-bahay, hinabol ko ang nagnakaw ng radyo ng kotse ko. Nang malapit ko na siyang maabutan, binitiwan niya ang radyo at nagtatakbo. Nang ikuwento ko sa mga kasama ko kung paano ko nabawi ang radyo, tinanong ako ng isang elder sa grupo, “Stephen, ano’ng gagawin mo kung naabutan mo siya?” Pinag-isip ako ng tanong na iyon; ito ang nag-udyok sa akin na patuloy na pagsikapang maging mapagpayapa.

Noong Oktubre 1974, naglingkod ako bilang buong-panahong ministro, na gumugugol ng 100 oras kada buwan sa pagtuturo ng Bibliya sa mga tao. Nang maglaon, nakapagboluntaryo ako sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York. Bumalik ako sa Los Angeles noong 1978 para alagaan ang aking nanay na may sakit. Pagkaraan ng dalawang taon, pinakasalan ko ang mahal kong asawa, si Aarhonda. Malaking tulong siya sa akin sa pag-aalaga kay Nanay hanggang sa mamatay ito. Sa kalaunan, kami ni Aarhonda ay nag-aral sa Watchtower Bible School of Gilead at naatasan sa Panama, kung saan naglilingkod kami bilang mga misyonero hanggang ngayon.

Mula nang mabautismuhan ako, may mga sitwasyong nasubok ang pagiging mapagpayapa ko. Natuto akong lumayo na lang kapag ginagalit ako ng mga tao o kaya’y pakalmahin ang sitwasyon sa ibang paraan. Natutuwa ang marami, pati na ang asawa ko, sa paraan ng pagharap ko sa mga ganitong sitwasyon. Hindi rin nga ako makapaniwala! Pero alam kong hindi ko ito magagawa kung sa sarili ko lang. Naniniwala akong patunay ito na kayang baguhin ng Bibliya ang isang tao.—Hebreo 4:12.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG:

Dahil sa Bibliya, nagkaroon ng layunin ang buhay ko at natuto akong maging tunay na mapagpayapa. Hindi na ako nambubugbog ng mga tao; tinutulungan ko na sila ngayon sa espirituwal. Naging Bible study ko pa nga ang dati kong kaaway sa haiskul! Nang mabautismuhan siya, naging mag-roommate pa kami. Matalik pa rin kaming magkaibigan hanggang ngayon. Sa kabuuan, natulungan namin ng asawa ko ang mahigit 80 katao na mag-aral ng Bibliya at maging mga Saksi ni Jehova.

Labis akong nagpapasalamat kay Jehova dahil binigyan niya ako ng makabuluhan at maligayang buhay kasama ng tunay na mga kapatid.