Pumunta sa nilalaman

BINAGO NG BIBLIYA ANG KANILANG BUHAY

“Madaling Mag-init ang Ulo Ko”

“Madaling Mag-init ang Ulo Ko”
  • Isinilang: 1975

  • Bansang Pinagmulan: Mexico

  • Dating bilanggo na magagalitin at marahas

ANG AKING NAKARAAN

 Ipinanganak ako sa San Juan Chancalaito, isang maliit na bayan sa estado ng Chiapas, Mexico. Ang pamilya namin ay mga Chol, isang pangkat-etniko ng mga Maya. Ako ang ikalima sa 12 magkakapatid. Noong bata pa ako, kaming magkakapatid ay nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Nakalulungkot, hindi ko isinabuhay ang mga natutuhan ko sa Bibliya noong kabataan pa ako.

 Noong 13 anyos ako, gumagamit na ako ng droga at nagnanakaw. Lumayas ako sa amin at naging palaboy. Noong 16 anyos naman ako, nagtrabaho ako sa isang taniman ng marijuana. Nagtrabaho ako doon nang isang taon. Isang gabi, habang ibinibiyahe namin ang malalaking kargamento ng marijuana sakay ng isang bangka, inatake kami ng mga armadong lalaki mula sa kalabang kartel ng droga. Pinagbabaril nila kami pero tumalon ako sa ilog kaya nakatakas ako. Pagkatapos nito, tumakas ako patungong United States.

 Doon, ipinagpatuloy ko ang pagbebenta ng droga at nasuong ako sa marami pang gulo. Sa edad na 19, inaresto ako at nasentensiyahang makulong sa kasong pagnanakaw at tangkang pagpatay. Sa kulungan, sumali ako sa isang gang at nasangkot sa marami pang mararahas na gawain. Dahil diyan, inilipat ako ng mga awtoridad sa Lewisburg, Pennsylvania, sa isang bilangguang mataas ang seguridad.

 Sa Lewisburg, lalong lumala ang ugali ko. Dahil may mga tato na ako ng isang gang, madali akong nakasali sa gang na iyon sa bilangguang ito. Mas lalo akong naging marahas at napadalas ang pakikipag-away ko. Minsan, nasangkot ako sa away ng mga gang sa kulungan. Napakatindi ng away namin gamit ang mga baseball bat at barbel. Para maawat kami, gumamit ng tear gas ang mga guwardiya. Pagkatapos, inilagay ako ng mga awtoridad sa special management unit na para sa mapanganib na mga preso. Madaling mag-init ang ulo ko at walang-pakundangang magsalita. Madali lang para sa akin na mambugbog. Sa katunayan, nae-enjoy ko iyon. Hindi ako nakokonsensiya sa ginagawa ko.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO

 Sa special management unit, halos buong araw akong nasa selda, kaya bilang pampalipas-oras, nagbabasa ako ng Bibliya. Pagkatapos, binigyan ako ng isang guwardiya ng kopya ng aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa. a Habang binabasa ko ito, naalaala ko ang mga natutuhan ko sa mga Saksi noong bata pa ako. Saka ko nakita kung gaano kamiserable ang naging buhay ko dahil sa karahasan. Naisip ko rin ang pamilya ko. Dahil naging Saksi ni Jehova ang dalawang kapatid kong babae, naisip ko, ‘Mabubuhay sila magpakailanman.’ Kaya naitanong ko sa sarili, ‘Bakit ako hindi?’ Mula noon, desidido na akong magbago.

 Pero alam kong kailangan ko ng tulong para magbago. Kaya nanalangin muna ako sa Diyos na Jehova at nagmakaawang tulungan niya ako. Pagkatapos, sumulat ako sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa United States at humiling ng pag-aaral sa Bibliya. Isinaayos ng tanggapang pansangay na kontakin ako ng isang kongregasyong malapit sa akin. Nang panahong iyon, bawal akong dalawin ng mga hindi ko kamag-anak. Kaya isang Saksi mula sa kongregasyong iyon ang nagpapadala ng nakapagpapatibay na mga sulat at babasahin sa Bibliya, kaya tumindi ang pagnanais kong magbago.

 Nagpasiya akong tumiwalag sa gang na kinabibilangan ko nang maraming taon. Nasa special management unit din ang lider ng gang na iyon, kaya nilapitan ko siya sa panahon ng paglilibang namin at sinabing gusto kong maging Saksi ni Jehova. Nagulat ako nang sabihin niya: “Kung seryoso ka diyan, sige. Hindi ako makikialam kung tungkol sa Diyos. Pero kung gusto mo lang kumalas sa gang, alam mo na ang mangyayari sa iyo.”

 Sa sumunod na dalawang taon, napansin ng staff sa bilangguan na nagbago ako, kaya mas naging makonsiderasyon sila sa akin. Halimbawa, hindi na nila ako nilalagyan ng posas kapag sinasamahan ako papalabas ng selda para maligo. Nilapitan pa nga ako ng isang guwardiya at sinabihang ipagpatuloy ko ang mga pagbabagong ginagawa ko. Sa katunayan, noong huling taon ng pagkakabilanggo ko, inilipat ako ng mga awtoridad sa isang kulungang hindi gaanong mahigpit ang seguridad, malapit sa mismong kulungan. Noong 2004, matapos mabilanggo nang 10 taon, pinalaya ako at pinabalik sa Mexico sakay ng isang prison bus.

 Di-nagtagal pagdating sa Mexico, nakakita ako ng isang Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova. Sa unang pagkakataon, dumalo ako ng pulong suot ang uniporme ko sa bilangguan—ang kaisa-isang disenteng damit na mayroon ako. Pero kahit ganoon ang hitsura ko, mainit akong tinanggap ng mga Saksi. Nang makita ko ang kabaitan nila, nadama kong kasama ko ang mga tunay na Kristiyano. (Juan 13:35) Sa pulong na iyon, isinaayos ng mga elder sa kongregasyon na may mag-Bible study sa akin. Pagkalipas ng isang taon, noong Setyembre 3, 2005, nabautismuhan ako bilang Saksi ni Jehova.

 Noong Enero 2007, nagsimula akong maglingkod bilang buong-panahong ministrong gumugugol ng 70 oras bawat buwan para magturo ng Bibliya sa iba. Noong 2011, nagtapos ako sa Bible School for Single Brothers (tinatawag ngayong School for Kingdom Evangelizers). Napakalaking tulong nito para magampanan ko ang mga pananagutan ko sa loob ng kongregasyon.

Masaya ako ngayon sa pagtuturo sa mga tao na maging mapagpayapa

 Noong 2013, pinakasalan ko si Pilar, ang mahal kong asawa. Pabiro niyang sinasabi sa akin na hindi siya makapaniwala sa mga kuwento ko tungkol sa aking nakaraan. Hindi na ako bumalik sa dati kong buhay. Naniniwala kaming mag-asawa na ang pagkatao ko ngayon ay nagpapatotoo sa kapangyarihan ng Bibliya na bumago ng buhay.—Roma 12:2.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG

 Nadama kong kapit sa akin ang mga salita ni Jesus sa Lucas 19:10. Doon, sinabi niya: “Dumating [ako] upang hanapin at iligtas ang nawala.” Hindi ko na nadaramang nawawala ako. Hindi na rin ako nananakit ng iba. Dahil sa Bibliya, mayroon akong marangal na layunin sa buhay, mapayapang kaugnayan sa iba, at higit sa lahat, isang mabuting kaugnayan sa aking Maylikha, si Jehova.

[FOOTNOTE]

a Ang aklat na ito ay inilathala ng mga Saksi ni Jehova pero hindi na inililimbag. Sa ngayon, ang pangunahing pantulong sa pag-aaral ng Bibliya na ginagamit nila ay ang aklat na Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?