Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Climate Change at ang Kinabukasan Natin—Ano ang Sinasabi ng Bibliya?

Climate Change at ang Kinabukasan Natin—Ano ang Sinasabi ng Bibliya?

 “Sirang-sira na ang klima natin. Darating ang panahon na wala nang mabubuhay sa lupa.”​—The Guardian.

 Napapaharap tayo sa napakalaking problema na kagagawan ng tao. Naniniwala ang maraming siyentipiko na kagagawan ng tao ang global warming o pagtaas ng temperatura ng mundo. Dahil dito, nagkaroon ng pagbabago sa klima na nagdulot ng malalaking problema, gaya ng sumusunod:

  •   Mas madalas at matinding pagbabago sa klima, gaya ng mga heat wave, tagtuyot, at mga bagyo, na nagdudulot ng mas maraming pagbaha at mga wildfire.

  •   Natutunaw na mga yelo sa Artiko.

  •   Pagtaas ng sea level.

 Buong mundo ang apektado sa pagbabago ng klima. Matapos pag-aralan ang sitwasyon ng 193 bansa, sinabi ng New York Times: “Humihingi ng tulong ang planeta natin.” Dahil napakarami nang namamatay at naaapektuhan ng pagbabago sa klima, sinabi ng World Health Organization na ito ang “pinakamalaking banta sa kalusugan ng mga tao.”

 Pero hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa. Inihula ng Bibliya ang mga pangyayaring ito. Sinasabi rin ng Bibliya kung bakit tayo makakapagtiwala na kikilos ang Diyos at kung ano ang gagawin niya para protektahan ang kinabukasan natin.

Katuparan ba ng hula sa Bibliya ang pagbabago sa klima?

 Oo. Ang pagbabago sa klima dahil sa global warming ay katulad ng mga pangyayari na inihula sa Bibliya.

 Hula: ‘Ipapahamak ng Diyos ang mga nagpapahamak sa lupa.’—Apocalipsis 11:18.

 Inihula ng Bibliya na darating ang panahong halos masisira ang lupa dahil sa kagagawan ng tao. Dahil sa global warming, napakalaki na ng pinsalang nagawa ng tao sa lupa.

 Ipinapakita ng hulang ito kung bakit hindi tayo makakaasa na kayang solusyunan ng tao ang problemang ito. Pansinin na kikilos ang Diyos sa panahong “ipinapahamak ng tao ang lupa.” Totoo, gumagawa ng paraan ang ilan para solusyunan ang climate change. Pero anuman ang gawin nila, hindi pa rin nila kayang pahintuin ang mga tao na sirain ang lupa.

 Hula: “Makakakita ang mga tao ng nakakatakot na mga bagay.”​—Lucas 21:11.

 Inihula ng Bibliya na makakakita tayo ng “nakakatakot na mga bagay,” o mga pangyayari, sa panahon natin. Dahil sa climate change, napakaraming nangyaring nakakatakot na sakuna sa buong mundo. Sa ngayon, may mga taong nakakaranas ng eco-anxiety—ang matinding pagkatakot na tuluyan nang lalala ang mga problema sa kapaligiran at walang matitirang buhay.

 Hula: “Sa mga huling araw, magiging mapanganib at mahirap ang kalagayan. Dahil ang mga tao ay magiging makasarili, maibigin sa pera, . . . di-tapat, . . . ayaw makipagkasundo, . . . taksil, matigas ang ulo.”​—2 Timoteo 3:1-4.

 Inihula ng Bibliya ang magiging ugali ng mga tao, at nagkaroon ng climate change dahil sa mga ugaling ito. Mas mahalaga sa mga gobyerno at negosyante ang pag-unlad ng ekonomiya kaysa sa magiging kinabukasan ng mga tao. Kahit sinisikap nila na magtulong-tulong, hindi pa rin sila magkasundo kung paano sosolusyunan ang global warming.

 Ipinapakita ng hulang ito na hindi natin aasahan na magbabago ang lahat ng tao at kikilos sila para alagaan ang lupa. Sinasabi ng Bibliya na ang mga taong ito na makasarili ay “lalo pang sásamâ.”​—2 Timoteo 3:13.

Kung bakit tayo makakapagtiwalang kikilos ang Diyos

 Ipinapakita ng Bibliya na bilang ating Maylalang, mahalaga sa Diyos na Jehova a ang planetang Lupa at ang lahat ng nakatira dito. Tingnan ang tatlong teksto na nagpapakitang kikilos ang Diyos.

  1.  1. ‘Hindi nilalang ng Diyos ang lupa nang walang dahilan, kundi nilikha niya ito para tirhan.’—Isaias 45:18.

     Gagawin ng Diyos ang lahat ng layunin niya sa lupa. (Isaias 55:11) Hindi niya hahayaan na tuluyan itong masira o umabot sa puntong hindi na ito puwedeng tirhan.

  2.  2. “Ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at mag-uumapaw ang kanilang kaligayahan dahil sa lubos na kapayapaan. Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at titira sila roon magpakailanman.”​—Awit 37:11, 29.

     Ipinangako ng Diyos na titira ang mga tao nang payapa dito sa lupa magpakailanman.

  3.  3. “Ang masasama ay lilipulin mula sa lupa.”​—Kawikaan 2:22.

     Ipinangako ng Diyos na aalisin niya ang lahat ng patuloy na gumagawa ng masama, pati na ang mga sumisira sa lupa.

Kung ano ang gagawin ng Diyos para sa kinabukasan natin

 Paano tutuparin ng Diyos ang mga pangako niya tungkol sa lupa? Gagamitin niya ang isang gobyerno para sa buong mundo na tinatawag na Kaharian ng Diyos. (Mateo 6:10) Mamamahala ang Kahariang ito mula sa langit. Hindi ito makikipag-ugnayan sa mga gobyerno ng tao para solusyunan ang mga problema sa lupa at sa kapaligiran. Sa halip, papalitan ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng gobyerno ng tao.​—Daniel 2:44.

 Makikinabang ang lahat ng tao pati na ang kapaligiran sa mga gagawin ng Kaharian ng Diyos. (Awit 96:10-13) Tingnan kung ano ang gagawin ng Diyos na Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian.

  •   Aayusin ang kapaligiran

     Ang sabi ng Bibliya: “Ang ilang at ang tuyong lupain ay magsasaya, at ang tigang na kapatagan ay magagalak at mamumulaklak na gaya ng safron.”​—Isaias 35:1.

     Ibig sabihin: Aayusin ni Jehova ang planetang Lupa, kahit pa ang mga lugar na sinira na nang husto ng mga tao.

  •   Pipigilan ang masasamang lagay ng panahon

     Ang sabi ng Bibliya: “Pinahuhupa [ni Jehova] ang buhawi; kumakalma ang mga alon sa dagat.”​—Awit 107:29.

     Ibig sabihin: Kontrolado ni Jehova ang lahat ng elemento. Hindi na muling magkakaroon ng masasamang lagay ng panahon.

  •   Tuturuan ang mga tao kung paano aalagaan ang lupa

     Ang sabi ng Bibliya: “Bibigyan kita ng kaunawaan at ituturo ko sa iyo ang daan na dapat mong lakaran.”​—Awit 32:8.

     Ibig sabihin: Ipinagkatiwala ni Jehova sa mga tao ang pangangalaga sa lupa. (Genesis 1:28; 2:15) Tuturuan niya tayo kung paano ang tamang pangangalaga sa lupa at kung paano mamumuhay nang hindi nasisira ang kalikasan.

a Jehova ang personal na pangalan ng Diyos. (Awit 83:18) Tingnan ang artikulong “Sino si Jehova?