Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano ang Gagawin ng Kaharian ng Diyos?

Ano ang Gagawin ng Kaharian ng Diyos?

Tinuruan ni Jesus ang mga alagad niya na ipanalanging dumating nawa ang Kaharian. Alam niya na hindi kalooban ng Diyos ang masasamang nangyayari dito sa lupa at na ang Kaharian ng Diyos ang tanging gobyerno na may kakayahang itama ito. Ano ang gagawin ng Kaharian ng Diyos?

ANG MGA NAGAWA NG KAHARIAN NG DIYOS

Sa nakaraang artikulo, tinalakay natin ang tanda na ibinigay ni Jesus. Ito ang nakikitang katibayan na naitatag na ang Kaharian ng Diyos sa langit at si Jesu-Kristo ang Hari nito.

Sinasabi ng Bibliya na noong maging Hari si Jesus, pinalayas niya si Satanas at ang mga demonyo mula sa langit. Nasa lupa na sila ngayon at hindi na makakaakyat sa langit. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit napakasama na ng mga kalagayan sa lupa simula pa noong 1914.​—Apocalipsis 12:7, 9.

Sa kabila ng lumalalang kalagayan sa lupa, may mga ginawa si Jesus, bilang Hari ng Kaharian ng Diyos, para tulungan ang mga tao sa buong mundo. Dahil sa pambuong-daigdig na pagtuturo sa Bibliya na inihula ni Jesus, marami ang natututo at namumuhay ayon sa mga prinsipyo sa Bibliya. (Isaias 2:2-4) Milyon-milyon na ang natutong magkaroon ng tamang pananaw sa trabaho, magkaroon ng masayang buhay pampamilya, at masiyahan sa materyal na mga bagay nang hindi nagpapaalipin dito. Naturuan sila kung paano makikinabang ngayon, at nagiging uri ng mga tao na gusto ng Diyos na maging sakop ng kaniyang Kaharian.

ANO PA ANG GAGAWIN NG KAHARIAN NG DIYOS?

Kahit namamahala na si Jesus sa langit, gobyerno pa rin ng tao ang namamahala rito sa lupa. Pero inutusan ng Diyos si Jesus: “Humayo ka sa mga kaaway mo at manakop ka.” (Awit 110:2) Malapit nang puksain ni Jesus ang lahat ng kaaway at magbigay ng kaginhawahan sa mga gustong sumunod sa Diyos.

Sa panahong ito, kikilos ang Kaharian ng Diyos para

  • Alisin ang huwad na relihiyon. Lahat ng relihiyong nagturo ng mga kasinungalingan tungkol sa Diyos at nagpahirap sa buhay ng mga tao ay aalisin. Inilarawan ng Bibliya ang huwad na relihiyon bilang babaeng bayaran. Ang pagkapuksa nito ay ikakagulat ng marami.​—Apocalipsis 17:15, 16.

  • Alisin ang gobyerno ng tao. Kikilos ang Kaharian ng Diyos para wakasan ang lahat ng gobyerno ng tao.​—Apocalipsis 19:15, 17, 18.

  • Alisin ang masasamang tao. Paano naman ang mga taong gustong-gustong gumawa ng masama at ayaw sumunod sa Diyos? “Ang masasama ay lilipulin mula sa lupa.”​—Kawikaan 2:22.

  • Alisin si Satanas at ang mga demonyo. ‘Hindi na maililigaw’ ni Satanas at ng mga demonyo ang mga bansa.​—Apocalipsis 20:3, 10.

Ano ang kahulugan ng lahat ng ito para sa mga nagpapasakop sa Kaharian ng Diyos?

ANG MGA GAGAWIN NG KAHARIAN NG DIYOS PARA SA MGA TAO

Bilang Hari sa langit, gagawa si Jesus ng mga bagay na hindi kayang gawin ng sinumang tagapamahalang tao. Tutulungan siya ng 144,000 na pinili mula sa mga tao para mamahalang kasama niya. (Apocalipsis 5:9, 10; 14:1, 3) Titiyakin niyang mangyayari sa lupa ang kalooban ng Diyos. Ano ang gagawin ng Kaharian ng Diyos para sa mga maninirahan sa lupa?

  • Aalisin ang sakit at kamatayan. “Walang nakatira doon ang magsasabi: ‘May sakit ako,’” at “mawawala na ang kamatayan.”​—Isaias 33:24; Apocalipsis 21:4.

  • Titiyakin na magkakaroon ng tunay na kapayapaan at katiwasayan. “Magkakaroon [ang lahat ng anak mo] ng saganang kapayapaan” at “uupo ang bawat isa sa kanila sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos, at walang sinumang tatakot sa kanila.”​—Isaias 54:13; Mikas 4:4.

  • Magbibigay ng makabuluhang trabaho. “Lubusan silang masisiyahan sa mga gawa ng kanilang mga kamay. Hindi sila magpapagod nang walang saysay.”​—Isaias 65:22, 23.

  • Sosolusyunan ang problema sa kapaligiran. “Ang ilang at ang tuyong lupain ay magsasaya, at ang tigang na kapatagan ay magagalak at mamumulaklak na gaya ng safron.”​—Isaias 35:1.

  • Tuturuan ang mga tao kung paano mabuhay magpakailanman. “Para magkaroon sila ng buhay na walang hanggan, kailangan nilang makilala ka, ang tanging tunay na Diyos, at ang isinugo mo, si Jesu-Kristo.”​—Juan 17:3.

Gusto ng Diyos na maranasan mo ang mga pagpapalang ito. (Isaias 48:18) Ituturo sa iyo ng susunod na artikulo kung ano ang puwede mong gawin ngayon para tumanggap ng napakagandang kinabukasang ito.