Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TULARAN ANG KANILANG PANANAMPALATAYA | JOSE

“Hindi Ba ang mga Pakahulugan ay sa Diyos?”

“Hindi Ba ang mga Pakahulugan ay sa Diyos?”

TAGAKTAK ang pawis ni Jose habang naglalakad sa madilim na pasilyo mula sa pagtatrabaho sa labas. Sa tindi ng init sa Ehipto, parang pugon ang bilangguan. Kung minsan, para bang kabisadong-kabisado na niya ang bawat sulok at bawat bitak sa pader ng bilangguan. Dito na lang umiikot ang mundo niya ngayon. Totoo, lubha nga siyang iginagalang dito pero bilanggo pa rin siya.

Siguradong madalas niyang maalaala ang kaniyang buhay sa matataas na burol sa Hebron, kung saan niya pinapastulan ang kawan ng kaniyang ama. Mga 17 anyos siya nang may iutos ang ama niyang si Jacob na humantong sa pagkakawalay niya sa kaniyang pamilya. Sa ngayon, waring pangarap na lang ang gayong kalayaan. Inggit na inggit noon ang mga kuya ni Jose kaya tinangka nilang patayin siya at pagkatapos ay ipinagbili bilang alipin. Dinala siya sa Ehipto, kung saan naglingkod siya sa sambahayan ng isang opisyal na si Potipar. Pinagkakatiwalaan siya ni Potipar hanggang sa paratangan siya ng asawa nito ng panghahalay, kung kaya siya nabilanggo. *Genesis, kabanata 37, 39.

Si Jose ay 28 anyos na ngayon. Sa nakalipas na mga 10 taon, siya ay naging alipin at nabilanggo rin. Malayong-malayo ito sa buhay na pinangarap niya. Mapalalaya pa kaya siya? Makikita pa kaya niyang muli ang mahal niyang ama na ngayon ay matanda na o ang kaniyang bunsong kapatid na si Benjamin? Gaano katagal pa kaya siya sa kulungang ito?

Nadama mo na ba ang tulad ng nadama ni Jose? Kung minsan ang buhay ay malayong-malayo sa pinangarap nating buhay noong bata pa tayo. Oo, parang wala nang katapusan ang mahihirap na kalagayan at hindi natin malaman kung paano ito lulutasin o makakayanan. Tingnan kung ano ang matututuhan natin mula sa pananampalataya ni Jose.

“SI JEHOVA AY NANATILING SUMASA KAY JOSE”

Alam ni Jose na hindi siya kailanman nalimutan ng kaniyang Diyos na si Jehova, at tiyak na nakatulong ito sa kaniya na makapagbata. Kahit sa malayong bilangguang ito, gumagawa pa rin ng paraan si Jehova para pagpalain siya. Kaya mababasa natin: “Si Jehova ay nanatiling sumasa kay Jose at patuloy na naggagawad ng maibiging-kabaitan sa kaniya at nagkakaloob sa kaniya na makasumpong ng lingap sa paningin ng punong opisyal ng bahay-bilangguan.” (Genesis 39:21-23) Habang puspusan siyang nagtatrabaho, patuloy siyang nakapagbibigay sa kaniyang Diyos ng dahilan para pagpalain siya. Tiyak na napakalaking tulong kay Jose na malaman na laging sumasakaniya si Jehova!

Nilayon ba ni Jehova na mabulok sa bilangguan si Jose? Hindi alam ni Jose, pero tiyak na patuloy niya itong ipinanalangin sa Diyos. Gaya ng madalas mangyari, ang sagot ay dumating sa paraang hinding-hindi inaasahan. Isang araw, nagkaingay nang dumating ang dalawang bagong bilanggo—mga pinuno ng mga lingkod ni Paraon. Ang isa ay ang pinuno ng mga magtitinapay at ang isa naman ay ang pinuno ng mga katiwala ng kopa.—Genesis 40:1-3.

Ipinagkatiwala kay Jose ng pinuno ng tagapagbantay ang pangangalaga sa dating mga prominenteng lalaking ito. * Isang gabi, pareho silang nanaginip na parang totoong-totoo, pero hindi nila maintindihan. Nang makita sila ni Jose kinaumagahan, napansin niyang parang may problema sila. Kaya itinanong niya: “Ano ang dahilan ng pamamanglaw ng inyong mga mukha ngayon?” (Genesis 40:3-7) Marahil dahil mabait sa kanila si Jose, hindi sila nag-alangan na sabihin ang kanilang problema. Lingid sa kaalaman ni Jose, ang pag-uusap na iyon ang magpapabago sa kaniyang buhay. Kung hindi naging mabait sa kanila si Jose, malamang na hindi nangyari ang pag-uusap na iyon. Kaya maaari nating itanong sa ating sarili, ‘Nagmamalasakit ba ako sa ibang tao para ipakita ang pananampalataya ko sa Diyos?’

Pinakitunguhan ni Jose nang may dignidad at kabaitan ang kaniyang kapuwa mga bilanggo

Ipinaliwanag nilang dalawa na balisang-balisa sila dahil sa kanilang panaginip—at walang magpapaliwanag nito sa kanila. Napakalaking bagay sa mga Ehipsiyo ang mga panaginip at lubha silang umaasa sa mga makapagbibigay raw ng kahulugan sa mga ito. Hindi alam ng dalawa na ang kanilang panaginip ay mula sa Diyos ni Jose, si Jehova. Pero alam ito ni Jose. Kaya sinabi niya: “Hindi ba ang mga pakahulugan ay sa Diyos? Isaysay ninyo iyon [ang panaginip] sa akin, pakisuyo.” (Genesis 40:8) Mahalaga pa rin sa lahat ng taimtim na nag-aaral ng Bibliya ang pananalita ni Jose. Kung maipakikita lang sana ng mga relihiyosong tao ang gayong kapakumbabaan! Kailangan nating isaisantabi ang pride at magtiwala sa Diyos habang hinahanap natin ang tunay na kahulugan ng kaniyang salita.—1 Tesalonica 2:13; Santiago 4:6.

Unang nagkuwento ng panaginip ang katiwala ng kopa. Nakakita raw siya ng isang punong ubas na may tatlong maliliit na sanga na may kumpol ng mga ubas. Nahinog ang mga ubas, at piniga niya ito sa kopa ni Paraon. Sa tulong ni Jehova, nalaman agad ni Jose ang kahulugan ng panaginip. Sinabi niya na ang tatlong maliliit na sanga ay nangangahulugang tatlong araw; pagkalipas nito, ibabalik siya ni Paraon sa dati niyang posisyon. Nang makita ni Jose na nakahinga nang maluwag ang katiwala ng kopa, sinabi niya: “Pakisuyong magpakita ka ng maibiging-kabaitan sa akin at banggitin mo ako kay Paraon.” Ipinaliwanag ni Jose na dinukot siya mula sa kanilang tahanan at ikinulong nang walang dahilan.—Genesis 40:9-15.

Dahil sa mabuting balita na tinanggap ng katiwala ng kopa, napasigla ang magtitinapay na itanong din ang kahulugan ng kaniyang panaginip. Nakakita raw siya ng tatlong basket ng tinapay at mga ibon na kumakain sa isa sa mga basket na nasa ibabaw ng kaniyang ulo. Ang kahulugan ng panaginip na iyon ay ibinigay rin kay Jose. Pero hindi ito mabuting balita para sa magtitinapay. Sinabi ni Jose: “Ito ang pakahulugan niyaon: Ang tatlong basket ay tatlong araw. Tatlong araw mula ngayon ay iaangat ni Paraon ang iyong ulo mula sa iyo at tiyak na ibibitin ka sa isang tulos; at tiyak na kakainin ng mga ibon ang iyong laman mula sa iyo.” (Genesis 40:16-19) Tulad ng mga tapat na lingkod ng Diyos, matapang na ipinaalam ni Jose ang mensahe ng Diyos, mabuting balita man ito o mensahe ng paghatol.—Isaias 61:2.

Pagkalipas ng tatlong araw, nagkatotoo nga ang sinabi ni Jose. Nagdiwang ng kaarawan si Paraon—isang kaugalian na hindi ginagawa ng bayan ng Diyos noon—at inilapat ang hatol sa dalawa niyang lingkod. Binitay ang magtitinapay, gaya ng sinabi ni Jose, samantalang ang katiwala ng kopa ay ibinalik sa dati nitong posisyon. Pero nakalulungkot, nakalimutan si Jose ng lalaking ito.—Genesis 40:20-23.

“HINDI AKO ANG DAPAT ISAALANG-ALANG!”

Dalawang taon na ang nagdaan. (Genesis 41:1) Isip-isipin na lang ang pagkadismaya ni Jose! Malamang na punong-puno siya ng pag-asa nang ipaunawa ni Jehova ang kahulugan ng panaginip ng katiwala ng kopa at ng magtitinapay. Tuwing gigising si Jose, malamang na umaasa siyang ito na ang araw na mapalalaya siya—pero lilipas ang maghapon na wala pa ring nagbago. Maaaring ang dalawang taóng iyon ang pinakamahirap na pinagdaanan ni Jose. Pero patuloy siyang nagtiwala sa kaniyang Diyos, si Jehova. Sa halip na masiraan ng loob at sumuko, determinado siyang magbata, at nalampasan niya ang pagsubok na iyon nang may higit na lakas.—Santiago 1:4.

Sa mahirap na panahong ito, sino sa atin ang hindi nangangailangang magbata? Para maharap natin ang mga pagsubok sa buhay, kailangan natin ng determinasyon, pagtitiis, at kapanatagan na tanging Diyos ang makapagbibigay. Tulad ng ginawa niya kay Jose, tutulungan din niya tayong hindi masiraan ng loob at magkaroon ng pag-asa.—Roma 12:12; 15:13.

Nakalimutan man si Jose ng katiwala ng kopa, hinding-hindi siya nakalimutan ni Jehova. Isang gabi, binigyan ni Jehova si Paraon ng dalawang di-malilimutang panaginip. Sa una, nakakita ang hari ng pitong baka na magaganda at matataba na umahon mula sa Ilog Nilo, kasunod ang pitong pangit at payat na baka. Nilamon ng mapapayat ang matatabang baka. Sa ikalawa, nakita niya ang isang tangkay na may sumisibol na pitong magagandang uhay ng butil. Pero may tumubong pito pang uhay na payat at tuyot at nilamon nito ang magagandang uhay. Kinaumagahan, nagising si Paraon na balisang-balisa dahil sa kaniyang panaginip, kaya tinawag niya ang lahat ng marurunong na tao at mahikong saserdote para bigyang-kahulugan ito. Lahat sila ay nabigo. (Genesis 41:1-8) Hindi natin alam kung iba-iba ang paliwanag nila o basta wala silang nasabi. Anuman ang nangyari, bigo pa rin si Paraon—pero mas naging determinado siyang malaman ang kahulugan nito.

Sa wakas, naalaala si Jose ng katiwala ng kopa! Nakonsensiya siya, at binanggit niya kay Paraon ang tungkol sa isang natatanging binata sa bilangguan na nakapagbigay ng tamang kahulugan sa panaginip niya at ng magtitinapay dalawang taon na ang nakararaan. Agad na ipinatawag ni Paraon si Jose mula sa bilangguan.—Genesis 41:9-13.

Isip-isipin ang nadama ni Jose nang dumating ang mga mensahero at sabihing ipinatatawag siya ni Paraon. Agad siyang nagbihis at nag-ahit—malamang na inahit niya ang lahat ng buhok sa kaniyang ulo dahil iyon ang kaugalian sa Ehipto. Tiyak na marubdob na nanalangin si Jose na pagpalain siya ni Jehova! Nasa harap na siya ngayon ni Paraon, sa loob ng marangyang korte sa palasyo. Mababasa natin: “Nang magkagayon ay sinabi ni Paraon kay Jose: ‘Nanaginip ako ng isang panaginip, ngunit walang tagapagbigay-kahulugan niyaon. At narinig kong sinasabi tungkol sa iyo na mapakikinggan mo ang isang panaginip at mabibigyang-kahulugan mo iyon.’” Muli nating makikita sa sagot ni Jose ang kapakumbabaan at pananampalataya niya sa kaniyang Diyos: “Hindi ako ang dapat isaalang-alang! Ang Diyos ang magpapatalastas ng ikabubuti ni Paraon.”—Genesis 41:14-16.

Mapagpakumbabang sinabi ni Jose kay Paraon: “Hindi ako ang dapat isaalang-alang!”

Mahal ni Jehova ang mga mapagpakumbaba at tapat, kaya ibinigay niya kay Jose ang sagot na hindi nalaman ng marurunong na tao at saserdote. Ipinaliwanag ni Jose na iisa lang ang kahulugan ng dalawang panaginip ni Paraon. Sa pag-ulit ng mensahe, ipinaalam ni Jehova na ito ay “matibay na naitatag”—tiyak na mangyayari ito. Ang matatabang baka at ang magagandang uhay ng butil ay nangangahulugang pitong taon ng kasaganaan sa Ehipto, samantalang ang mapapayat na baka at tuyot na uhay ng butil ay pitong taon ng taggutom na kasunod ng mga taon ng kasaganaan. Lalamunin ng taggutom na iyon ang kasaganaan ng lupain.—Genesis 41:25-32.

Alam ni Paraon na tama ang pakahulugan ni Jose sa kaniyang panaginip. Pero ano ang dapat gawin? Nagrekomenda si Jose ng isang plano. Kailangang humanap si Paraon ng isang lalaking “maingat at marunong” na mangangasiwa sa pag-iimbak ng butil sa panahon ng pitong taóng kasaganaan at sa pamamahagi nito sa mga nangangailangan sa panahon ng taggutom. (Genesis 41:33-36) Dahil sa karanasan at kakayahan ni Jose, tamang-tama siya para sa trabahong ito, pero hindi siya nagbuhat ng sariling bangko. Mapagpakumbaba si Jose kaya hindi siya naging pangahas; may pananampalataya rin siya kaya alam niyang hindi na iyon kailangan. Kung mayroon tayong tunay na pananampalataya kay Jehova, hindi natin kailangang maghangad ng posisyon o mag-angat ng ating sarili. Panatag nating maipauubaya sa kaniya ang mga bagay-bagay.

“MAY IBA PA BANG LALAKI NA MASUSUMPUNGANG TULAD NG ISANG ITO?”

Nakita ni Paraon at ng lahat ng kaniyang lingkod ang karunungan sa plano ni Jose. Kinilala rin ng hari na ang Diyos ni Jose ang nasa likod nito. Kaya sinabi niya sa kaniyang mga lingkod na nasa maharlikang korte: “May iba pa bang lalaki na masusumpungang tulad ng isang ito na kinaroroonan ng espiritu ng Diyos?” Sinabi naman niya kay Jose: “Yamang ipinaalam sa iyo ng Diyos ang lahat ng ito, walang sinuman ang maingat at marunong na gaya mo. Ikaw mismo ang mamamahala sa aking sambahayan, at ang buong bayan ko ay susunod sa iyo nang walang pasubali. May kinalaman lamang sa trono ako magiging mas dakila kaysa sa iyo.”—Genesis 41:38-41.

Tapat si Paraon sa kaniyang sinabi. Agad na dinamtan si Jose ng mainam na lino. Binigyan siya ni Paraon ng isang kuwintas na ginto, singsing na panlagda, maharlikang karo, at ng awtoridad para libutin ang buong lupain at ipatupad ang kaniyang plano. (Genesis 41:42-44) Sa loob ng isang araw, nalipat si Jose mula sa bilangguan tungo sa palasyo—mula sa isang hamak na bilanggo, isa na siya ngayong pinuno na pumapangalawa kay Paraon. Talagang pinagpala ang pananampalataya ni Jose sa Diyos na Jehova! Nakita ni Jehova ang lahat ng kawalang-katarungang dinanas ng kaniyang lingkod sa nakalipas na mga taon. Nilutas niya ang mga ito sa tamang panahon at paraan. Ang nasa isip ni Jehova ay hindi lang ang kapakanan ni Jose kundi ang kinabukasan din ng bansang Israel. Makikita natin kung paano ito ginawa ni Jehova sa mga susunod na artikulo ng seryeng ito.

Kung napapaharap ka sa mahirap na kalagayan, gaya ng kawalang-katarungan na para bang wala nang katapusan, huwag kang masiraan ng loob. Alalahanin mo si Jose. Pinanatili niya ang kaniyang kabaitan, kapakumbabaan, pagkamatiisin, at pananampalataya kung kaya nabigyan niya si Jehova ng dahilan para pagpalain siya sa bandang huli.

^ par. 4 Tingnan ang mga artikulong “Tularan ang Kanilang Pananampalataya” sa Ang Bantayan, isyu ng Agosto 1 at Nobyembre 1, 2014.

^ par. 10 May mahigit 90 uri ng tinapay na gustong-gusto ng sinaunang mga Ehipsiyo. Kaya prominente ang pinuno ng mga magtitinapay ni Paraon. Samantala, ang pinuno ng mga katiwala ng kopa ay may mga tauhan na tumitiyak na ang alak at serbesa ni Paraon ay de-kalidad at walang lason—kritikal ito dahil karaniwan noon ang sabuwatan at pataksil na pagpatay. Kaya kadalasan nang pinagkakatiwalaang tagapayo ng hari ang katiwala ng kopa.