Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Mundo na Walang Pagtatangi—Kailan?

Isang Mundo na Walang Pagtatangi—Kailan?

“MAY pangarap ako.” Limampung taon na ang nakalilipas, noong Agosto 28, 1963, binigkas ni Martin Luther King, Jr., lider ng mga karapatang-sibil sa Amerika, ang mga salitang iyan sa kaniyang bantog na talumpati. Gamit ang magandang pananalitang iyon, ipinahayag ni King ang kaniyang pangarap, o pag-asa, na balang-araw ay mawawala na ang pagtatangi. Bagaman sa mga taga-Estados Unidos niya sinabi ang pangarap na ito, inasam din ito ng mga tao sa maraming bansa.

Si Martin Luther King, Jr., nagtatalumpati tungkol sa mga karapatang sibil

Tatlong buwan pagkatapos ng talumpati ni King, noong Nobyembre 20, 1963, itinaguyod ng mahigit 100 bansa ang United Nations Declaration on the Elimination of All Forms of Racial Discrimination. Nang sumunod na mga dekada, may iba pang mga polisiya na itinaguyod. Kapuri-puri naman ang mga pagsisikap na iyan, pero ang tanong, Ano ang naging resulta?

Noong Marso 21, 2012, sinabi ng U.N. Secretary-General na si Ban Ki-moon: “Marami nang mahahalagang kasunduan at programa—at mayroon ding isang komprehensibong agenda na pambuong daigdig—para maiwasan at maalis ang rasismo, diskriminasyon sa lahi, xenophobia at iba pang katulad nito. Pero milyun-milyon pa rin sa buong mundo ang nagdurusa dahil sa rasismo.”

Kahit sa mga lupaing nakagawa na ng ilang pagsulong para masugpo ang pagtatangi ng lahi at iba pang uri ng pagtatangi, naitatanong pa rin: Naalis nga ba ng mga pagsulong na ito ang pagtatangi sa puso ng mga tao o napigilan lang nito ang mga tao na magpakita ng pagtatangi? Naniniwala ang ilan na ang mga pagsulong na ito ay nakatulong lang para maiwasan ang diskriminasyon pero hindi nito naalis ang pagtatangi. Bakit kaya? Dahil ang diskriminasyon ay isang paggawing nakikita at naparurusahan ng batas, samantalang ang pagtatangi ay may kaugnayan sa iniisip at nadarama ng isang tao na hindi kayang kontrolin ng batas.

Kaya para mawala ang pagtatangi, hindi sapat na basta maihinto lang ang mga paggawing nagpapakita ng diskriminasyon, kundi dapat ding mabago ang iniisip at nadarama ng isang tao sa iba. Magagawa ba talaga ito? Kung oo, paano? Tingnan natin ang ilang karanasan na tutulong sa atin na makitang posibleng magbago ang mga tao at may makatutulong sa kanila para magawa ito.

TINULUNGAN SILA NG BIBLIYA NA MAPAGLABANAN ANG PAGTATANGI

“Nabuksan na ngayon ang aking mga mata at malaya na ako sa pagtatangi.”—Linda

Linda: Ipinanganak ako sa South Africa. Ang tingin ko sa mga taga-South Africa na hindi puti ay mababa, walang pinag-aralan at di-mapagkakatiwalaan, at mga alila ng mga puti. Hindi ko namalayang binulag na ng pagtatangi ang isip ko. Pero nabago ang saloobin ko nang mag-aral ako ng Bibliya. Natutuhan ko na “ang Diyos ay hindi nagtatangi” at na mas mahalaga ang puso kaysa sa kulay ng ating balat o sa wika natin. (Gawa 10:34, 35; Kawikaan 17:3) Natulungan ako ng Filipos 2:3 na makita na kung ituturing kong mas nakatataas ang iba kaysa sa akin, mapaglalabanan ko ang pagtatangi. Sa pagsunod sa ganitong mga simulain ng Bibliya, nagkaroon ako ng interes sa iba anuman ang kulay nila. Nabuksan na ngayon ang aking mga mata at malaya na ako sa pagtatangi.

“Nakita ko kung ano ang pangmalas ng Diyos sa mga tao.”—Michael

Michael: Lumaki ako sa isang lugar na halos lahat ay mga puting Australiano, at nagkaroon ako ng matinding pagtatangi laban sa mga Asiano, lalo na  sa mga Tsino. Kapag nagmamaneho ako at nakakita ng isang mukhang Asiano, ibinababa ko ang salamin ng kotse ko at saka sisigaw ng, “Hoy Asiano, bumalik ka na sa inyo!” Nang mag-aral ako ng Bibliya, nakita ko kung ano ang pangmalas ng Diyos sa mga tao. Mahal niya sila anuman ang kanilang pinagmulan o hitsura. Naantig ako sa pag-ibig na iyon, at napalitan ng pag-ibig ang aking pagkamuhi. Kamangha-mangha ang malaking pagbabagong ito. Ngayon, nasisiyahan na akong makisalamuha sa mga tao anuman ang kanilang bansa o pinagmulan. Pinalawak nito ang aking pananaw at nagdulot ito sa akin ng malaking kagalakan.

“Binago ko ang aking pananaw at nakipagpayapaan.”— Sandra

Sandra: Ang aking ina ay mula sa Umunede sa Delta State, Nigeria. Pero ang pamilya ng tatay ko ay mula sa Edo State at ang wika nila ay Esan. Dahil dito, si Inay ay dumanas ng matinding pagtatangi mula sa pamilya ni Itay hanggang sa mamatay si Inay. Kaya isinumpa kong hinding-hindi ako magkakaroon ng anumang kaugnayan sa lahat ng nagsasalita ng Esan at hinding-hindi ako mag-aasawa ng taga-Edo State. Pero nang mag-aral ako ng Bibliya, nagbago ang aking pananaw. Yamang sinasabi ng Bibliya na ang Diyos ay hindi nagtatangi at na kaayaaya sa kaniya ang lahat ng natatakot sa kaniya, sino ako para kamuhian ang mga tao dahil sa kanilang tribo o wika? Binago ko ang aking pananaw at nakipagpayapaan sa pamilya ng tatay ko. Dahil sa pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya, naging masaya ako at nagkaroon ng kapayapaan ng isip. Natulungan din ako nito na matutong makisama sa iba anuman ang kanilang pinagmulan, lahi, wika, o nasyonalidad. At ang lalaking pinakasalan ko? Siya ay taga-Edo State at nagsasalita ng Esan!

Bakit natulungan ng Bibliya ang mga taong ito at ang marami pang iba na mapaglabanan ang nakaugat nang pagkamuhi at pagtatangi? Dahil ang Bibliya ay Salita ng Diyos. May kapangyarihan itong baguhin ang pag-iisip at damdamin ng isang tao. Ipinakikita rin ng Bibliya kung ano pa ang kailangan para wakasan ang lahat ng pagtatangi.

 WAWAKASAN NG KAHARIAN NG DIYOS ANG LAHAT NG PAGTATANGI

Bagaman nakatutulong ang kaalaman sa Bibliya na makontrol at maalis ang matitinding emosyon, may dalawa pang bagay na dapat munang bigyang-pansin bago tuluyang mawala ang pagtatangi. Una, ang kasalanan at di-kasakdalan ng tao. Sinasabi ng Bibliya: “Walang taong hindi nagkakasala.” (1 Hari 8:46) Kaya kahit anong pagsisikap natin, nakikipagpunyagi pa rin tayo gaya ni apostol Pablo, na nagsabi: “Kapag nais kong gawin ang tama, yaong masama ay narito sa akin.” (Roma 7:21) Dahil dito, pumapasok pa rin paminsan-minsan sa ating di-sakdal na puso ang “mga nakapipinsalang pangangatuwiran” na puwedeng mauwi sa pagtatangi.—Marcos 7:21.

Ikalawa, nariyan ang impluwensiya ni Satanas na Diyablo. Inilalarawan siya ng Bibliya bilang “mamamatay-tao” at sinasabing siya ang “nagliligaw sa buong tinatahanang lupa.” (Juan 8:44; Apocalipsis 12:9) Iyan ang dahilan kung bakit napakalaganap ng pagtatangi at kung bakit parang wala nang magagawa ang mga tao para maalis ang pagkapanatiko, diskriminasyon, ubusan ng lahi, at iba pang uri ng pagtatangi dahil sa nasyonalidad, relihiyon, at lipunan.

Kaya bago tuluyang mawala ang pagtatangi, dapat munang alisin ang kasalanan ng tao, di-kasakdalan, at ang impluwensiya ni Satanas na Diyablo. Ipinakikita ng Bibliya na iyan ang gagawin ng Kaharian ng Diyos.

Tinuruan ni Jesu-Kristo ang kaniyang mga tagasunod na manalangin sa Diyos: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:10) Ang Kaharian ng Diyos ang mag-aalis sa lahat ng kawalang-katarungan—pati na sa lahat ng uri ng pagtatangi.

Kapag dumating na ang Kaharian ng Diyos at namahala na sa buong lupa, si Satanas ay ‘igagapos,’ o ikukulong, para “hindi na niya mailigaw pa ang mga bansa.” (Apocalipsis 20:2, 3) Pagkatapos, magkakaroon ng isang “bagong lupa,” o lipunan ng mga tao, kung saan “tatahan ang katuwiran.” *2 Pedro 3:13.

Ang mga mamumuhay sa matuwid na lipunang iyon ay magiging sakdal, anupat magiging malaya sa kasalanan. (Roma 8:21) Bilang mga sakop ng Kaharian ng Diyos, “hindi sila mananakit o maninira man.” Bakit? “Sapagkat ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman kay Jehova.” (Isaias 11:9) Sa panahong iyon, ang lahat ng tao ay matututo ng daan ng Diyos na Jehova at tutulad sa kaniyang maibiging personalidad. Mangangahulugan nga ito ng katapusan ng lahat ng pagtatangi, “sapagkat walang pagtatangi ang Diyos.”—Roma 2:11.

^ par. 17 Para sa higit pang impormasyon tungkol sa Kaharian ng Diyos at kung ano ang malapit na nitong gawin, tingnan ang kabanata 3, 8, at 9 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.