Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kayamanang Nakatago sa Loob ng Maraming Siglo

Kayamanang Nakatago sa Loob ng Maraming Siglo

Hindi makapaniwala ang iskolar sa kaniyang nakikita. Maingat at paulit-ulit niyang sinusuri ang sinaunang manuskrito. Dahil sa kaligrapiya at balarila nito, nakumbinsi siyang ang mga iyon ay bahagi ng pinakamatandang salin ng Bibliya sa wikang Georgiano!

ANG kayamanang iyan ay natuklasan noong huling bahagi ng Disyembre 1922—sinasaliksik noon ng eksperto sa wikang Georgiano na si Ivané Javakhishvili kung paano nabuo ang alpabetong Georgiano. Nakakita siya ng isang kopya ng Jerusalem Talmud. Habang sinusuri niya ito, napansin niyang sa ilalim ng tekstong Hebreo ay may ilang di-gaanong naburang tekstong Georgiano. *

Ang tekstong “nakatago” sa ilalim ng teksto ng Talmud ay kopya ng isang bahagi ng aklat ng Bibliya na Jeremias na mula pa noong ikalimang siglo C.E. Bago nito, ang pinakamatandang manuskrito ng Bibliyang Georgiano ay mula noong ikasiyam na siglo C.E. Di-nagtagal, may natuklasan na ring mga bahagi ng iba pang mga aklat ng Bibliya na mula noong ikalimang siglo C.E. o mas maaga pa nga kaysa rito. Akalain mo, may natuklasang mga manuskrito ng Bibliya na ginawa mga ilang daang taon lang mula noong panahon ni Jesus at ng mga apostol!

Sino ang nagsalin nito? Ito ba ay isinalin ng iisang tao o ng isang grupo ng mga debotong tagapagsalin? Wala pang natutuklasang rekord na sasagot sa mga tanong na iyan. Sinuman ang nagsalin nito, maliwanag na ang Bibliya, o ang ilang bahagi nito, ay naisalin na sa wikang Georgiano noon pa mang ikaapat na siglo at na ang Salita ng Diyos ay nababasa na ng mga Georgiano sa kanilang wika.

Ang ulat na nagpapakitang pamilyar na sa Kasulatan ang mga Georgiano ay masusumpungan sa aklat na The Martyrdom of St. Shushanik the Queen, na malamang na isinulat noong huling bahagi ng ikalimang siglo. Sa malagim na kuwentong ito tungkol sa reyna, sinipi at tinukoy ng awtor ang mga talata sa Mga Awit, mga Ebanghelyo, at iba pang bahagi ng Bibliya. Sinabi rin ng awtor na para paglubagin ang loob ng mga panginoon ng Persia, ang asawa ni Shushanik na si Varsken, gobernador ng Georgianong Kaharian ng Kartli, ay tumalikod sa “Kristiyanismo,” nagpakumberte sa Persianong Zoroastrianismo, at nag-utos sa kaniyang asawa na gayundin ang gawin. Ayon sa aklat, tumanggi si Shushanik at nakasumpong siya ng kaaliwan sa Kasulatan noong malapit na siyang patayin.

 Mula noong ikalimang siglo, maliwanag na hindi huminto ang pagsasalin at pagkopya ng Bibliyang Georgiano. Ang napakaraming manuskrito ng Bibliya sa wikang Georgiano ay katibayan ng pagpapagal ng mga debotong tagakopya at tagapagsalin. Siyasatin natin ang dalawang bahagi ng nakaaantig na kuwentong ito—ang pagsasalin at pag-iimprenta ng Bibliya.

PAGDAGSA NG MGA SALIN NG BIBLIYA

“Ako, si Giorgi, isang hamak na monghe, ang puspusan at buong-pagpapagal na nagsalin ng aklat na ito ng Mga Awit mula sa bagong wikang Griego tungo sa wikang Georgiano.” Iyan ang pananalita ng ika-11-siglong mongheng Georgiano na si Giorgi Mtatsmindeli. Bakit kailangan pang isalin noon ang Bibliya gayong ilang siglo nang may salin nito sa wikang Georgiano?

Pagsapit ng ika-11 siglo, iilan na lang ang natitira sa mga naunang sulat-kamay na manuskrito ng Bibliyang Georgiano. At dahil nagbago na rin sa paanuman ang wika, nahihirapan ang mga mambabasa na maintindihan ang mga naunang kopya. Bagaman may ilang tagapagsalin na nagsikap maibalik ang Bibliyang Georgiano, kapansin-pansin ang nagawa ni Giorgi. Ikinumpara niya ang mga bersiyong Georgiano sa mga manuskritong Griego at isinalin ang mga nawawalang bahagi, pati na ang ilang buong aklat. Sa araw, ginagawa niya ang kaniyang mga tungkulin bilang pinuno ng monasteryo. At sa gabi, isinasalin niya ang Bibliya.

Malaki rin ang naitulong ng kakontemporaryo ni Giorgi na si Ephrem Mtsire. Gumawa siya ng isang akda na maituturing na giya para sa pagsasalin. Naglalaman ito ng mga saligang simulain, gaya ng pagsasalin mula sa orihinal na wika hangga’t maaari at pagsunod na mabuti sa tekstong isinasalin nang hindi nawawala ang pagiging natural. Pinasimulan din niya ang paggamit ng mga talababa at panggilid na reperensiya sa mga saling Georgiano. Gumawa si Ephrem ng bagong salin ng maraming aklat sa Bibliya. Ang mga ginawa nina Giorgi at Ephrem ay nagsilbing pundasyon para sa higit pang pagsasalin.

Nang sumunod na siglo, nauso sa Georgia ang paggawa ng mga aklat. Nagtayo ng mga akademya sa mga bayan ng Gelati at Ikalto. Marami sa mga iskolar ang naniniwala na ang Gelati Bible, na kasalukuyang nasa Georgian National Centre of Manuscripts, ay isang bagong salin ng Bibliya na ginawa ng isang iskolar ng Gelati o Ikalto.

Ano ang naging epekto ng pagsasaling ito ng Bibliya sa mga Georgiano? Noong ika-12 siglo, isinulat ng makatang Georgiano na si Shota Rustaveli ang Vepkhis-tqaosani (Knight in the Panther Skin), isang akda na nagkaroon ng napakalaking impluwensiya sa loob ng ilang siglo anupat tinawag itong ikalawang Bibliya ng mga Georgiano. Napansin ng makabagong-panahong iskolar na Georgianong si K. Kekelidze na sumipi man sa Bibliya o hindi ang makatang ito, “masasalamin sa ilan sa kaniyang  mga pananaw ang iba’t ibang talata sa Bibliya.” Bagaman masyadong idealistiko, ang tula ay madalas na tumutukoy sa mga temang gaya ng tunay na pagkakaibigan, pagkabukas-palad, paggalang sa mga babae, at walang pag-iimbot na pagmamahal sa mga estranghero. Sa loob ng maraming henerasyon, ang mga ito at ang iba pang mga aral sa Bibliya ay nagkaroon ng malaking impluwensiya sa mga Georgiano at itinuturing pa ring gabay sa kanilang moralidad.

PAG-IIMPRENTA NG BIBLIYA—ITINAGUYOD NG MGA MAHARLIKA

Sa pagtatapos ng ika-17 siglo, pinangarap ng maharlikang pamilya ng Georgia na maimprenta ang Bibliya. Dahil dito, nagpatayo si Haring Vakhtang VI ng imprentahan sa Tbilisi, ang kabiserang lunsod. Pero ang mga teksto ng Bibliya ay hindi pa handang imprentahin. Ang Bibliyang Georgiano ay masasabing nakatagong muli. Iilang di-kumpletong manuskrito lang ang natitira, at luma na ang wikang ginamit dito. Ang rebisyon at pagsasaayos ng mga teksto ng Bibliya ay ipinagkatiwala kay Sulkhan-Saba Orbeliani, isang ekspertong lingguwista.

Buong-katapatang sinimulan ni Orbeliani ang gawaing iyon. Dahil marami siyang alam na wika, kasali na ang Griego at Latin, nagawa niyang sumangguni sa iba’t ibang mapagkukunan ng impormasyon bukod pa sa mga manuskritong Georgiano. Pero hindi nagustuhan ng Simbahang Ortodokso ng Georgia ang paraan ni Orbeliani. Inakusahan siya nito ng pagtataksil sa simbahan at nakumbinsi ng klero ang hari na patigilin si Orbeliani. Ayon sa Georgianong mga impormasyon, sa isang konsilyo ng simbahan, pilit na ipinasunog ng klero kay Orbeliani ang Bibliya na ilang taon niyang pinaghirapan!

Kapansin-pansin, isang kopya ng Mtskheta (Mcxeta) Manuscript, na tinatawag ding Saba’s Bible, ang naingatan hanggang sa ngayon. Naglalaman ito ng sulat-kamay na mga komento ni Orbeliani. Pero nag-aalinlangan ang ilan kung ito nga ang Bibliya na ginawa ni Orbeliani. Ang apendise lang ang tinitiyak na isinulat niya.

Sa kabila ng mga hadlang, naging priyoridad pa rin ng ilan sa maharlikang pamilya ang pag-iimprenta ng Bibliya. Sa pagitan ng 1705 at 1711, naimprenta ang ilang bahagi ng Bibliya. Dahil sa pagsisikap ng Georgianong mga prinsipe na sina Bakari at Vakhushti, naimprenta na rin sa wakas ang kumpletong Bibliya noong 1743. Hindi na ito nakatago.

^ par. 3 Noong sinaunang panahon, kakaunti lang at mahal ang mga materyales na pinagsusulatan. Kaya nakaugalian nang kayurin ang dating mga teksto sa isang manuskrito para mapagsulatan ulit. Ang gayong mga manuskrito ay tinatawag na mga palimpsest, mula sa salitang Griego na nangangahulugang “kinayod muli.”