Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TULONG PARA SA PAMILYA | PAG-AASAWA

Kapag Bumukod Na ang mga Anak

Kapag Bumukod Na ang mga Anak

ANG HAMON

Karaniwan nang may napapaharap na mga hamon sa mag-asawa kapag ang kanilang mga anak ay malalaki na at bumukod na ng bahay. Kapag silang dalawa na lang sa bahay, para silang estranghero sa isa’t isa. “Marami na akong pinayuhang mag-asawa na malayo ang loob sa isa’t isa,” ang isinulat ng ekspertong tagapayo sa pamilya na si M. Gary Neuman. “Ngayong bumukod na ang mga anak nila, halos wala nang mapag-usapan [ang mag-asawa].” *

Ganiyan ba kayong mag-asawa? Kung oo, puwede pa ninyong mapaganda ang inyong pagsasama. Pero pag-usapan muna natin kung ano ang ilang dahilan kung bakit lumayo ang loob ninyo sa isa’t isa.

ANG DAHILAN

Sa loob ng maraming taon, ang mga anak ang inuuna. Maraming magulang ang mas inuuna ang pangangailangan ng kanilang mga anak kaysa sa pagsasama nilang mag-asawa. Dahil dito, nasanay sila bilang tatay at nanay, at nakalimutan na nila ang kanilang papel sa isa’t isa bilang asawa—na kitang-kita kapag bumukod na ang mga anak nila. “Noong nasa bahay pa ang mga bata, kahit paano, may ginagawa kaming magkasama,” ang sabi ng isang misis na 59 anyos. Pero nang bumukod na ang mga anak nila, sinabi niya, “magkaiba na ang mundo namin.” Minsan, nasabi pa nga niya sa mister niya, “Magkaniya-kaniya na tayo ng buhay.”

Hindi handa ang ilang mag-asawa na tanggapin ang pagbabagong ito sa buhay nila. “Para sa maraming mag-asawa, halos parang mga bagong kasal sila,” ang sabi ng aklat na Empty Nesting. Pakiramdam ng maraming mag-asawa, wala silang masyadong mapagkasunduan, kaya nagkakaniya-kaniya na lang sila, at nagiging parang mag-roommate na lang imbes na mag-asawa.

Mabuti na lang, puwede itong maiwasan at masiyahan pa nga sa bagong yugtong ito ng kanilang buhay. Makatutulong sa bagay na ito ang Bibliya. Tingnan natin kung paano.

ANG PUWEDE MONG GAWIN

Tanggapin ang pagbabago. Tungkol sa malalaki nang anak, sinasabi ng Bibliya: “Iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina.” (Genesis 2:24) Bilang magulang, tunguhin ninyong sanayin ang inyong mga anak para maging handa sila kapag dumating na ang panahong iyon, at tulungan silang magkaroon ng mga kasanayang kakailanganin nila. Kung ito ang iisipin ninyo, ang pagbukod ng mga anak ay maipagmamalaki ninyo.—Simulain sa Bibliya: Marcos 10:7.

Siyempre, kayo pa rin ang magulang nila. Pero ngayon, tagapayo na kayo at hindi na superbisor. Sa ganitong paraan, mananatili kayong malapít sa inyong mga anak samantalang ibinibigay sa isa’t isa ang atensiyon ninyo. *Simulain sa Bibliya: Mateo 19:6.

Sabihin ang inyong mga ikinababahala. Ipakipag-usap sa iyong asawa kung paano nakaaapekto sa iyo ang pagbabagong ito, at maging handa ring makinig sa kaniya. Maging mapagpasensiya at maunawain. Baka kailangan ng panahon para maging malapít ang loob ninyo sa isa’t isa. Pero sulit ang pagsisikap ninyo.—Simulain sa Bibliya: 1 Corinto 13:4.

Magkasamang gumawa ng mga bagong bagay. Pag-usapan ang mga tunguhin o interes na gusto ninyong gawing magkasama. Nakapagpalaki na kayo ng mga anak, kaya marami na kayong karanasan. Magagamit ninyo iyan sa pagtulong sa iba.—Simulain sa Bibliya: Job 12:12.

Laging ipadama ang pagmamahal ninyo sa isa’t isa. Isipin ang mga katangiang nagustuhan ninyo sa isa’t isa. Alalahanin ang mga pinagsamahan ninyo at ang mga problemang pinagdaanan ninyo. Sa bandang huli, magiging masaya ang bagong yugtong ito ng inyong buhay. Ang totoo, kung magtutulungan kayo, mapagaganda pa ninyo ang inyong pagsasama at lalo pa kayong mapapamahal sa isa’t isa—ang dahilan kung bakit kayo naging mag-asawa.

^ par. 4 Mula sa aklat na Emotional Infidelity.

^ par. 12 Kung nagpapalaki pa lang kayo ng mga anak, tandaan na “isang laman” kayong mag-asawa. (Marcos 10:8) Lalo nang panatag ang mga anak kapag nakikita nilang matibay ang pagsasama ng kanilang mga magulang.