Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA PAKSA

Sinasagad Mo Ba ang Iyong Sarili?

Sinasagad Mo Ba ang Iyong Sarili?

Napaka-busy mo ba? Kung oo, hindi lang ikaw ang nakadarama ng ganiyan. “Parang kahit saan ka lumingon, busy ang mga tao,” ang sabi ng magasing The Economist.

SA ISANG surbey noong 2015 sa mga full-time na empleado sa walong bansa, marami ang nagsabi na nahihirapan silang pagsabayin ang kanilang trabaho at personal na buhay. Kasama sa mga dahilan ang dumaraming responsibilidad sa trabaho o sa tahanan, lumalaking gastusin, at mas mahabang oras ng trabaho. Halimbawa, sa United States, ang mga full-time na empleado ay nagtatrabaho nang humigit-kumulang 47 oras kada linggo. Halos 1 sa bawat 5 empleado ang nagsabing nagtatrabaho sila nang 60 oras o mas mahaba pa!

Sa isang surbey na ginawa naman sa 36 na bansa, mahigit sangkapat ng mga sinurbey ang nagsabing lagi silang nagmamadali kahit sa mga panahon ng paglilibang! Puwede ring maapektuhan ang mga bata kapag napakarami nilang aktibidad.

Kapag lagi nating pinagkakasya ang napakaraming gawain sa kaunting panahon, mai-stress tayo—magiging biktima tayo ng tinatawag na “time pressure,” o paghahabol sa oras. Pero posible bang maging mas balanse tayo? Paano nakaaapekto ang ating mga paniniwala, pagpapasiya, at mga tunguhin? Tingnan muna natin ang apat na dahilan kung bakit pilit na pinagkakasya ang napakaraming gawain sa napakakaunting panahon.

1 PAGNANAIS NA MAILAAN ANG PANGANGAILANGAN NG PAMILYA

“Nagtatrabaho ako nang pitong araw sa loob ng isang linggo,” ang sabi ng amang si Gary. “Gusto ko kasing laging maibigay sa mga anak ko ang pinakamaganda. Gusto ko, mayroon sila ng mga bagay na wala ako noong bata ako.” Kahit may magandang intensiyon ang mga magulang, kailangan nilang pag-isipan ang mga priyoridad nila. Ayon sa ilang pag-aaral, kapag nagiging mas mahalaga sa mga adulto at bata ang pera at mga ari-arian, posibleng hindi sila maging masyadong masaya at kontento sa buhay, at puwedeng maging mas masasakitin sila kumpara sa mga hindi materyalistiko.

Ang mga batang lumaki sa pamilyang mas mahalaga ang materyal na mga bagay ay hindi masyadong masaya

Sa kagustuhang magkaroon ng magandang kinabukasan ang mga anak, may mga magulang na nag-iiskedyul ng napakaraming gawain para sa mga ito at sa kanilang sarili. Maganda naman ang intensiyon ng mga magulang na ito, pero ayon sa aklat na Putting Family First, pinahihirapan lang nila ang kanilang sarili at ang mga anak nila.

2 PANINIWALA NA KAPAG ‘MAS MARAMI, MAS MAGANDA’

Kinukumbinsi tayo ng mga advertiser na kapag hindi tayo bumibili ng pinakabagong mga produkto, napagkakaitan natin ang ating sarili. Sinabi ng The Economist: “Ang pagdagsa ng mga produkto ay dahilan kung bakit naghahabol sa oras [ang mga mámimili], kasi nahihirapan silang pumili ng bibilhin o panonoorin o kakainin” sa kanilang limitadong panahon.

Noong 1930, sinabi ng isang kilalang ekonomista na makatutulong ang pagsulong ng teknolohiya para magkaroon ang mga empleado ng panahong maglibang. Maling-mali siya! “Imbes na makauwi nang maaga” mula sa trabaho, ang sabi ni Elizabeth Kolbert, isang manunulat ng magasing New Yorker, nakakakita ang mga tao ng “mga bagong bagay na kakailanganin nila”—na nangangailangan ng pera at panahon.

3 PAGSISIKAP NA MAABOT ANG INAASAHAN NG IBA SA KANILA

Nagpapakasubsob sa trabaho ang ilang empleado para hindi madismaya ang employer nila. Baka nape-pressure din ang ilan kapag nagtatrabaho nang mas mahabang oras ang iba kaysa sa kanila. At dahil mahirap humanap ng trabaho, handa ang mga tao na magtrabaho nang mas mahahabang oras o anumang oras.

Baka nakaka-pressure din sa mga magulang na gayahin ang napakaraming aktibidad ng ibang pamilya. Kung hindi sila makasabay, baka madama nilang “napagkakaitan” nila ang kanilang mga anak.

4 PAGHAHANGAD NG MAGANDANG REPUTASYON

Si Tim, na nakatira sa United States, ay nagsabi: “Mahal ko ang trabaho ko, at ibinubuhos ko ang buong lakas ko dito. Pakiramdam ko, may dapat akong patunayan.”

Gaya ni Tim, iniisip ng marami na magkaugnay ang tingin nila sa kanilang sarili at ang takbo ng kanilang buhay. Ang resulta? “Kapag busy ang mga tao, mas maganda ang tingin sa kanila ng iba,” ang sabi ni Elizabeth Kolbert na nabanggit na. Sinabi pa niya: “Kapag mas busy ka, parang mas mahalaga ka.”

MATUTONG MAGING BALANSE

Sinasabi ng Bibliya na mahalaga ang kasipagan. (Kawikaan 13:4) Pero mahalaga rin ang pagiging balanse. “Mas mabuti ang sandakot na kapahingahan kaysa sa dalawang dakot ng pagpapagal at paghahabol sa hangin,” ang sabi ng Eclesiastes 4:6.

Makabubuti sa ating kalusugan ang balanseng pamumuhay. Pero talaga kayang posible na maghinay-hinay sa trabaho? Oo. Tingnan ang apat na mungkahing ito:

1 GAWING MALINAW ANG MGA PAMANTAYAN MO AT TUNGUHIN

Normal lang na gusto nating maging maalwan sa buhay. Pero gaano karaming pera ba ang talagang kailangan? Ano ba ang sukatan ng tagumpay? Makikita ba ito sa laki ng suweldo o sa mga pag-aari mo? Ang totoo, ang sobrang pahinga o paglilibang ay puwede ring makadagdag ng pressure.

Sinabi ni Tim, na nabanggit na: “Pinag-isipan naming mag-asawa ang buhay namin at nagdesisyon kaming pasimplehin iyon. Gumawa kami ng chart para makita ang kalagayan namin at ang bago naming mga tunguhin. Pinag-usapan namin ang mga epekto ng mga naging desisyon namin noon at kung ano ang magagawa namin para maabot ang aming mga tunguhin.”

2 HUWAG MAGPAIMPLUWENSIYA SA KAISIPANG KAILANGANG BUMILI PARA MAGING MASAYA

Pinapayuhan tayo ng Bibliya na kontrolin ang “pagnanasa ng mga mata.” (1 Juan 2:15-17) Puwedeng gatungan ng advertising ang pagnanasang iyon, na magtutulak sa tao na magtrabaho nang magtrabaho o mawili sa magagastos na libangan. Hindi mo naman talaga maiiwasan ang lahat ng advertisement, pero malilimitahan mo ang impluwensiya nito sa iyo. Puwede mo ring pag-isipan kung ano talaga ang kailangan mo.

Tandaan din na makaiimpluwensiya sa iyo ang mga kasama mo. Kung pangunahin sa kanila ang materyal na mga bagay o kung sinusukat nila ang tagumpay sa dami ng pag-aari, baka makabubuting humanap ka ng mga kaibigang mas maganda ang priyoridad. “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong,” ang sabi ng Bibliya.—Kawikaan 13:20.

3 MAGTAKDA NG LIMITASYON SA TRABAHO

Makipag-usap sa employer mo tungkol sa iyong trabaho at mga priyoridad. At huwag kang makonsensiya kapag wala ka sa trabaho. Sinabi ng aklat na Work to Live: “Ganito ang napatunayan ng mga nagtatakda ng limitasyon sa kanilang trabaho para may panahon sila sa pamilya o sa pagbabakasyon: Wala namang kakaibang nangyayari kapag wala ka sa trabaho.”

Si Gary, na binanggit na, ay maalwan sa buhay kaya nagdesisyon siyang magbawas ng oras sa trabaho. “Kinausap ko ang pamilya ko at sinabi kong baka puwede kaming magpasimple ng buhay,” ang sabi niya. “Pagkatapos, unti-unti naming ginawa iyon. Nakiusap din ako sa boss ko kung posibleng bawasan ang araw ng trabaho ko, at pumayag naman siya.”

4 GAWING PRIYORIDAD ANG ORAS NA PARA SA PAMILYA

Kailangang may panahon ang mag-asawa para sa isa’t isa, at kailangan ng mga anak na makasama ang kanilang mga magulang. Kaya iwasang sabayan ang mabilis na takbo ng buhay ng ibang pamilya. “Maglaan ng panahon para magrelaks,” ang sabi ni Gary, “at alisin ang mga gawaing hindi naman mahalaga.”

Kapag magkakasama ang pamilya, huwag hayaang maagaw ng telebisyon, cellphone, o iba pang gadyet ang atensiyon ninyo sa isa’t isa. Sikaping kumain nang sama-sama kahit isang beses lang sa isang araw, at samantalahin ang panahong iyon para mag-usap bilang pamilya. Kapag ginagawa ito ng mga magulang, mas magiging masaya at mas huhusay sa paaralan ang kanilang mga anak.

Samantalahin ang panahon ng pagkain para mag-usap bilang pamilya

Bilang konklusyon, tanungin ang sarili: ‘Ano ang gusto kong mangyari sa buhay ko? Ano ang gusto ko para sa pamilya ko?’ Kung gusto mong maging mas masaya at makabuluhan ang iyong buhay, magtakda ng mga priyoridad na kaayon ng karunungan sa Bibliya.