Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Emosyon

Emosyon

May binabanggit ang Bibliya tungkol sa emosyon na nakakabuti at nakakasama sa atin.

GALIT

PRINSIPYO SA BIBLIYA: “Ang taong hindi madaling magalit ay mas mabuti kaysa sa malakas na lalaki.”—Kawikaan 16:32.

ANG IBIG SABIHIN NITO: Makikinabang tayo kung matututuhan nating kontrolin ang ating emosyon. Makatuwiran namang magalit kung minsan, pero kung hindi ito kokontrolin, makapipinsala ito. Ayon sa mga mananaliksik, ang mga taong galít ay kadalasang nakapagsasalita o nakagagawa ng mga bagay na pinagsisisihan nila sa bandang huli.

ANG PUWEDE MONG GAWIN: Kontrolin ang galit mo bago ka pa kontrolin nito. Akala ng ilan, ang di-makontrol na galit ay tanda ng kalakasan, pero ang totoo, tanda ito ng kahinaan. “Ang taong hindi makapagpigil ng galit ay gaya ng nilusob na lunsod na walang pader,” ang sabi ng Bibliya. (Kawikaan 25:28) Para makontrol ang galit mo, alamin muna ang buong katotohanan bago mag-react. “Ang kaunawaan ng tao ang pumipigil sa kaniya na magalit agad.” (Kawikaan 19:11) Makabubuting pakinggan ang magkabilang panig para magkaroon tayo ng kaunawaan at hindi madala ng emosyon.

PAGIGING MAPAGPASALAMAT

PRINSIPYO SA BIBLIYA: “Ipakita ninyong mapagpasalamat kayo.”—Colosas 3:15.

ANG IBIG SABIHIN NITO: Sinasabing ang mga taong mapagpasalamat lang ang puwedeng maging maligaya. Kahit ang mga taong namatayan o nawalan ng mahahalagang bagay ay makapagpapatunay na totoo ito. Sinasabi nilang nakatulong sa kanila ang pagpopokus, hindi sa nawala, kundi sa kung ano ang mayroon sila na puwede nilang ipagpasalamat.

ANG PUWEDE MONG GAWIN: Araw-araw, mag-isip o magsulat ng mga bagay na puwede mong ipagpasalamat. Magpasalamat kahit sa maliliit na bagay, gaya ng magandang pagsikat ng araw, masayang pakikipagkuwentuhan sa mahal mo sa buhay, o pagkakaroon ng panibagong araw. Malaki ang maitutulong ng mga ito sa iyong emosyon—kung iisipin at ipagpapasalamat mo ang mga ito.

Makatutulong din kung iisipin mo ang mga bagay na dapat mong ipagpasalamat sa iyong mga kapamilya at kaibigan. Pagkatapos, sabihin ito sa kanila nang personal, o sa liham, e-mail, o text. Malamang na titibay ang inyong samahan at mararanasan mo ang kaligayahan ng pagbibigay.—Gawa 20:35.

IBA PANG PRINSIPYO SA BIBLIYA

Puwede kang mag-download ng mga audio recording ng Bibliya. Available ito sa mga 40 wika sa jw.org

HUWAG MAKIPAGTALO.

“Ang pagpapasimula ng away ay gaya ng pagpapakawala ng tubig; bago magsimula ang pagtatalo, umalis ka na.”—KAWIKAAN 17:14.

HUWAG MASYADONG MABAHALA TUNGKOL SA KINABUKASAN.

“Huwag kayong mag-alala tungkol sa susunod na araw, dahil ang kasunod na araw ay magkakaroon ng sarili nitong mga álalahanín. Sapat na ang mga problema sa bawat araw.”—MATEO 6:34.

MAG-ISIP AT HUWAG MAGPADALOS-DALOS.

“Babantayan ka ng iyong kakayahang mag-isip, at iingatan ka ng kaunawaan.”—KAWIKAAN 2:11.