Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

  TULONG PARA SA PAMILYA | PAG-AASAWA

Kung Paano Magiging Mabuting Tagapakinig

Kung Paano Magiging Mabuting Tagapakinig

ANG HAMON

“Hindi ka naman nakikinig eh!” ang sabi ng asawa mo. ‘Nakikinig naman ako ah,’ ang sabi mo sa sarili mo. Pero maliwanag na iba ang narinig mo sa sinabi niya. Dahil dito, nagtalo na naman kayo.

Puwede mong iwasan ang mga pagtatalong ito. Pero kailangan mo munang maintindihan kung bakit nakakalampas sa iyo ang mga detalye sa sinasabi ng asawa mo—kahit sa palagay mo ay nakikinig ka naman.

ANG DAHILAN

May iba kang iniisip, pagod ka, o pareho pa nga. Nagsisigawan ang mga bata, napakalakas ng TV, at may iniisip kang problema sa trabaho. Tapos, may sinabi ang misis mo tungkol sa mga bisita ninyo mamayang gabi. Tumango ka, pero talaga bang narinig mo ang sinabi niya? Malamang na hindi.

Inuunahan mo siya. Para bang nababasa mo ang iniisip ng iyong asawa. Akala mo, may ibang kahulugan ang sinabi niya, pero wala naman. Halimbawa, baka sabihin ng asawa mo: “Mukhang napapadalas ang pag-o-overtime mo nitong linggong ito, ah.” Dahil pakiramdam mo’y pinupuna ka niya, sumagot ka: “Kasalanan ko ba? Eh ikaw itong puro gastos!” “Teka, hindi naman kita sinisisi, ah!” ang sabi ng asawa mo, na gusto lang palang magyaya na mag-relax kayo ngayong weekend.

Naghahanap ka kaagad ng solusyon. “Kung minsan, gusto ko lang namang sabihin ang nadarama ko,” ang sabi ni Marcie, * “pero solusyon agad ang ibinibigay ni Mike. Hindi solusyon ang hanap ko. Gusto ko lang malaman niya ang damdamin ko.” Ang problema? Nag-iisip agad ng solusyon si Mike. Kaya naman, malamang na hindi niya mabigyang-pansin ang ilan o ang lahat ng sinasabi ni Marcie.

Anuman ang dahilan ng problema, paano ka magiging isang mas mabuting tagapakinig?

 ANG PUWEDE MONG GAWIN

Ibigay ang buong atensiyon mo. May mahalagang sasabihin ang asawa mo, pero handa ka bang makinig? Baka hindi. Baka may iba kang iniisip. Kung gayon, huwag magkunwaring nakikinig ka. Hangga’t maaari, itigil mo muna ang ginagawa mo at ibigay sa iyong asawa ang buong atensiyon mo, o kaya’y hilingin sa kaniya na pag-usapan ninyo iyon sa ibang pagkakataon.—Simulain sa Bibliya: Santiago 1:19.

Huwag siyang sabayan sa pagsasalita. Kapag ikaw ang dapat makinig, huwag kang sumabad o tumutol. Magkakaroon ka rin ng pagkakataong magsalita. Pero sa ngayon, makinig ka lang muna.—Simulain sa Bibliya: Kawikaan 18:13.

Magtanong. Kapag ginawa mo ito, mas maiintindihan mo ang sinasabi ng asawa mo. Ganito ang sabi ni Marcie, na nabanggit kanina: “Natutuwa ako kapag nagtatanong si Mike. Ibig sabihin, interesado siya sa sinasabi ko.”

Unawain ang gusto niyang sabihin, hindi lang ang mga salita. Obserbahan ang kaniyang kilos, galaw ng mata, at tono ng boses. Baka ang ibig sabihin ng “Okey lang” ay “Hindi okey”—depende sa pagkakasabi. Kapag sinabi niyang “Hindi mo man lang ako tinutulungan,” baka ang talagang ibig niyang sabihin ay “Parang hindi ako mahalaga sa ’yo.” Unawain ang kaniyang mensahe, kahit hindi niya ito sinasabi. Kung hindi, baka pagtalunan ninyo kung ano ang sinabi sa halip na tingnan kung ano talaga ang kahulugan ng sinabi.

Patuloy na makinig. Huwag mo siyang bale-walain o talikuran, kahit hindi mo gusto ang naririnig mo. Halimbawa, paano kung pinupuna ka ng asawa mo? “Makinig ka pa rin,” ang payo ni Gregory, mahigit 60 taon nang kasal. “Bigyang-pansin ang sinasabi ng asawa mo. Kailangan dito ang pagkamaygulang, pero sulit naman.”—Simulain sa Bibliya: Kawikaan 18:15.

Magpakita ng taimtim na interes sa iyong asawa. Ang matamang pakikinig ay isang paraan ng pagpapakita ng pag-ibig. Kapag talagang interesado ka sa sinasabi ng asawa mo, mas madali sa iyo na makinig nang hindi napipilitan. Sa gayon, masusunod mo ang payo ng Bibliya: “Ang bawat isa sa inyo’y dapat magmalasakit, hindi lamang sa sariling kapakanan kundi rin naman sa iba.”Filipos 2:4, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.

^ par. 9 Binago ang mga pangalan sa artikulong ito.