Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA PAKSA

Pangingibang-bansa—Mga Pangarap at Realidad

Pangingibang-bansa—Mga Pangarap at Realidad

Para sa Mas Magandang Buhay

DESPERADO si George. Hindi sapat ang nailalaan niyang pagkain sa kaniyang pamilya. Nagkakasakit din ang mga kapitbahay niya, at ang ilan ay parang mamamatay sa gutom. Pero mas maganda ang kalagayan sa kalapít na bansa. Kaya naisip niya, ‘Mangingibang-bansa ako, maghahanap ng trabaho doon, at saka ko pasusunurin ang pamilya ko para magkasama-sama kami.’

Nangangarap din si Patricia ng magandang buhay sa ibang bansa. Wala siyang trabaho at walang masyadong oportunidad sa kanilang bayan. Ipinasiya niyang maglakbay mula Nigeria hanggang Algeria, para makarating ng Spain, kahit hindi niya alam kung gaano kadelikadong maglakbay sa Disyerto ng Sahara. “Buntis ako,” ang sabi niya, “at gusto kong mabigyan ng magandang buhay ang anak ko.”

Gusto naman ni Rachel na pumunta ng Europa para guminhawa ang buhay niya. Nawalan siya ng trabaho sa Pilipinas, at ang sabi ng mga kamag-anak niya, madali raw makakuha ng trabaho sa ibang bansa bilang katulong sa bahay. Kaya nangutang siya para sa pamasahe sa eroplano at nagpaalam sa kaniyang asawa’t anak. Nangako siya, “Sandali lang akong mawawala, babalik din ako.”

Tinataya na mahigit 200 milyon katao, gaya nina George, Patricia, at Rachel, ang nangibang-bansa nitong nakalipas na mga dekada. Ang ilan ay umaalis sa kanilang bansa dahil sa digmaan, likas na sakuna, o pag-uusig, pero karamihan ay para magkaroon ng mas magandang buhay. Ano ang mga nagiging problema ng mga nangingibang-bansa? Nagiging mas maalwan ba talaga ang buhay nila? Kumusta ang mga anak kapag iniwan sila ng magulang? Isaalang-alang ang sagot sa mga tanong na ito.

Pagpunta at Paninirahan Doon

Ang unang hamon sa pangingibang-bansa ay kadalasan nang ang pagbibiyahe mismo. Si George, na binanggit sa naunang artikulo, ay naglakbay ng daan-daang kilometro nang halos walang makain. “Napakahirap ng inabot namin sa paglalakbay,” ang sabi niya. Maraming naglakbay ang hindi man lang nakarating sa destinasyon nila.

Gustung-gusto ni Patricia na makapunta ng Spain. Kaya nagbiyahe siya sakay ng isang trak na ang ruta ay sa Disyerto ng Sahara. “Inabot ng isang linggo ang biyahe namin mula Nigeria hanggang Algeria, at 25 kaming nagsiksikan sa trak. Sa biyahe, marami kaming nakitang bangkay, pati mga taong naglalakad sa disyerto anupat naghihintay na lang mamatay. Lumilitaw na walang-awa silang iniwan doon ng ilang drayber.”

Hindi tulad nina George at Patricia, nakapag-eroplano si Rachel patungong Europa, kung saan may naghihintay na trabaho sa kaniya. Pero hindi niya naisip na mami-miss niya nang husto ang kaniyang dalawang-taóng-gulang na anak na babae. “Sa tuwing makakakita ako ng isang nanay na nag-aalaga ng kaniyang baby, nadedepres ako,” ang sabi niya.

Nahirapang mag-adjust si George sa pinuntahan niyang bansa. Ilang buwan din ang lumipas bago siya nakapagpadala ng pera sa kaniyang pamilya. “Maraming gabi akong umiiyak dahil sa pangungulila at pagkasira ng loob,” ang sabi niya.

Pagkaraan ng ilang buwan sa Algeria, narating ni Patricia ang border ng Morocco. “Doon ko isinilang ang anak kong babae,” ang sabi niya. “Kinailangan kong magtago mula sa mga nangingidnap ng mga babaing nandarayuhan para gawing prostitute. Nang makaipon ako ng sapat na pera, nagbarko ako para makarating ng Spain kahit delikado ito. Medyo bulok na ang barkong sinakyan namin at hindi na kayang magsakay ng maraming pasahero. Pinapasok ito ng tubig kaya kailangan naming salukin ang tubig gamit ang aming sapatos! Nang makarating kami sa baybayin ng Spain, patáng-patâ na ako at hindi ko na kayang maglakad pa.”

Siyempre pa, hindi lang ang biyahe ang kailangang pag-isipan ng mga nagpaplanong mangibang-bansa. Dapat din nilang pag-isipan ang posibleng maging problema sa wika at kultura, pati ang gastos at hirap ng pag-aaplay para maging citizen o permanenteng residente roon. Kapag hindi nila ito nagawa, kadalasan nang nahihirapan silang makapag-aral, makakuha ng magandang trabaho, maayos na pabahay, o medikal na serbisyo. Maaari din silang mahirapang kumuha ng lisensiya sa pagmamaneho o magbukas ng account sa bangko. At ang masaklap nito, kadalasa’y sinasamantala ang mga ilegal na dayuhan​—maaaring pinagtatrabaho nang napakababa ang suweldo.

Kailangan ding isaalang-alang ang pera. Talaga bang ganoon kahalaga ang pera? Ganito ang matalinong payo ng Bibliya: “Huwag mong guluhin ang isip mo sa pagpapayaman; pag-aralan mong umiwas doon. Pagkat madaling mawala ang kayamanan, ito’y simbilis ng agila sa paglipad sa kalawakan.” (Kawikaan 23:4, 5, Magandang Balita Biblia) At tandaan na ang pinakamahahalagang bagay na kailangan natin ay hindi mabibili ng pera​—pagmamahal, kapanatagan, at pagkakaisa ng pamilya. Napakalungkot nga kapag hinayaan ng mga magulang na maging mas matimbang ang pera kaysa sa pag-ibig nila sa isa’t isa o sa “likas na pagmamahal” nila para sa kanilang mga anak!​—2 Timoteo 3:1-3.

Mayroon din tayong espirituwal na pangangailangan. (Mateo 5:3) Kaya ginagawa ng responsableng mga magulang ang lahat ng makakaya nila para gampanan ang kanilang bigay-Diyos na pananagutang turuan ang kanilang mga anak tungkol sa Diyos, sa kaniyang layunin, at sa kaniyang mga pamantayan.​—Efeso 6:4.

Isang Pamilyang Magkakasama—Mas Mahalaga Kaysa sa Pera

Iba’t iba ang kuwento ng mga nangingibang-bansa, pero ang epekto nito sa kanila ay halos nagkakatulad, gaya sa kaso nina George, Rachel, at Patricia, na nabanggit sa seryeng ito ng mga artikulo. Nahihirapan ang pamilya kapag nag-abroad ang asawa o ang magulang, at maaaring bumilang ng mga taon bago sila magkasama-sama uli. Sa kaso ng pamilya ni George, umabot iyon nang mahigit apat na taon.

Si Rachel ay umuwi sa Pilipinas para kunin ang kaniyang anak na nawalay sa kaniya nang halos limang taon. Nakarating naman si Patricia sa Spain kasama ang kaniyang baby. “Siya lang ang pamilya ko, kaya inaalagaan ko siyang mabuti,” ang sabi ni Patricia.

Marami sa mga nangingibang-bansa ang doon na nanirahan sa kabila ng kalungkutan, pagbagsak ng ekonomiya, at matagal na panahong pagkawalay sa pamilya. Ang laki ng isinakripisyo nila, kaya kapag hindi sila nagtagumpay, nahihirapan silang tanggapin iyon at nahihiya silang umuwi.

Si Allan, na taga-Pilipinas, ay hindi nahiyang umuwi. Nakakuha siya ng magandang trabaho sa Spain, pero pagkalipas ng 18 buwan, umuwi siya. “Miss na miss ko ang mag-ina ko,” ang sabi niya. “Ipinasiya kong hindi na uli ako mag-a-abroad kung hindi ko sila kasama. At ganoon nga ang ginawa namin nang maglaon. Ang pamilya ay mas mahalaga kaysa sa pera.”

May isa pang bagay na mas mahalaga kaysa sa pera, gaya ng nalaman ni Patricia. Nang magpunta siya ng Spain, dala-dala niya ang isang kopya ng “Bagong Tipan,” o Kristiyanong Griegong Kasulatan. “Para sa akin, suwerte ang aklat na ito,” ang sabi niya. “Tapos minsan, nakausap ko ang isang babae na isang Saksi ni Jehova. Dati, hindi ako interesadong makipag-usap sa kanila. Kaya marami akong itinanong sa kaniya para maipakitang mali ang pinaniniwalaan niya. Pero hindi ko akalaing maipaliliwanag niya ang kaniyang paniniwala at masasagot ang mga tanong ko gamit ang Bibliya.”

Natutuhan ni Patricia na ang tunay na kaligayahan at ang tiyak na pag-asa sa hinaharap ay nakadepende, hindi sa pera o kung saan ka nakatira, kundi sa kaalaman tungkol sa Diyos at sa mga layunin niya para sa atin. (Juan 17:3) Isa pa, natutuhan ni Patricia na ang tunay na Diyos ay may pangalan​—Jehova. (Awit 83:18) Nabasa rin niya sa Bibliya na malapit nang wakasan ng Diyos ang lahat ng kahirapan sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian sa mga kamay ni Jesu-Kristo. (Daniel 7:13, 14) “Ililigtas [ni Jesus] ang dukha na humihingi ng tulong, gayundin ang napipighati at ang sinumang walang katulong. Tutubusin niya ang kanilang kaluluwa mula sa paniniil at mula sa karahasan,” ang sabi sa Awit 72:12, 14.

Bakit hindi mo suriin ang Bibliya? Ang aklat na ito ng karunungan ng Diyos ay makatutulong sa iyo na magtakda ng tamang priyoridad, gumawa ng matatalinong pasiya, at maharap ang mga pagsubok nang may kagalakan at pag-asa.​—Kawikaan 2:6-9, 20, 21.