Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kapag Nanonood ng Pornograpya ang Asawa Mo

Kapag Nanonood ng Pornograpya ang Asawa Mo
  • “Parang paulit-ulit akong pinagtataksilan ng mister ko.”

  • “Pakiramdam ko, ang pangit ko at walang silbi, at napapahiya ako.”

  • “Nalulungkot ako kasi wala akong mapagsabihan.”

  • “Wala na yatang pakialam si Jehova sa akin.”

Ipinapakita ng mga komentong iyan kung gaano kasakit para sa isang babae kapag nanonood ng pornograpya ang asawa niya. Nawawalan na siya ng tiwala sa kaniya, lalo na kung matagal niya na itong ginagawa nang palihim. Sabi nga ng isang babae: “Parang hindi ko na siya kilala. May iba pa kaya siyang itinatago sa akin?”

Ang artikulong ito ay para sa mga babae na may asawang nanonood ng pornograpya. a Tinatalakay dito ang mga prinsipyo sa Bibliya na magpapatibay sa kanila, titiyak sa kanila ng suporta ni Jehova, at tutulong sa kanila sa emosyonal at espirituwal na paraan. b

ANO ANG PUWEDE MONG GAWIN?

Hindi mo kontrolado ang lahat ng ginagawa ng asawa mo. Pero may magagawa ka para mabawasan ang stress mo at maging mas panatag ka.

Huwag sisihin ang sarili mo. May ilang babae na sinisisi ang sarili nila dahil nanonood ng pornograpya ang asawa nila. Iniisip ni Alice c na marami siyang pagkukulang. Sinabi niya, “Bakit sa ibang babae pa tumitingin ang asawa ko?” Iniisip naman ng ilan na lalong lumalala ang sitwasyon dahil sa reaksiyon nila. Sinabi ni Danielle, “Dahil sa galit ko, pakiramdam ko, sinisira ko ang pagsasama namin.”

Kung ganiyan ang nararamdaman mo, tandaan na hindi ikaw ang sinisisi ni Jehova sa ginagawa ng asawa mo. Sinasabi ng Santiago 1:14: “Ang bawat isa ay nasusubok kapag nadadala at naaakit ng sarili niyang pagnanasa.” (Roma 14:12; Fil. 2:12) Ang totoo, pinapahalagahan ni Jehova ang katapatan mo.​—2 Cro. 16:9.

Tandaan din na kapag nanonood ng pornograpya ang asawa mo, hindi ibig sabihin nito na may pagkukulang ka bilang babae. Sinasabi ng mga eksperto na dahil sa pornograpya, nagkakaroon ng pantasya ang mga lalaki na hindi masasapatan ng sinumang babae.

Iwasan ang sobrang pag-aalala. Sinabi ni Catherine na wala na siyang ibang naiisip kundi ang panonood ng pornograpya ng asawa niya. Sinabi naman ni Frances: “Kinakabahan na ako kapag hindi ko na nakikita ang mister ko. Buong araw akong nag-aalala.” Para sa ibang babae, naiilang sila kapag kasama nila ang mga kapatid na posibleng nakakaalam sa problema ng asawa nila. Lungkot na lungkot naman ang iba dahil pakiramdam nila, walang nakakaintindi sa sitwasyon nila.

Normal lang na maramdaman mo iyan. Pero kung sa mga negatibo ka magpopokus, lalo ka lang mag-aalala. Kaya magpokus sa kaugnayan mo kay Jehova para maging matatag ka.​—Awit 62:2; Efe. 6:10.

Makakatulong din kung babasahin mo at bubulay-bulayin ang mga ulat sa Bibliya tungkol sa mga babaeng nanalangin kay Jehova at nakatanggap ng pampatibay-loob. Hindi laging inaalis ni Jehova ang mga problema nila, pero binibigyan niya sila ng kapayapaan ng isip. Halimbawa, “napakabigat ng kalooban” ni Hana dahil sa sitwasyon niya. Pero “habang nananalangin siya nang matagal sa harap ni Jehova,” napanatag siya kahit hindi pa niya alam kung paano masosolusyunan ang problema niya.​—1 Sam. 1:10, 12, 18; 2 Cor. 1:3, 4.

Maganda kung parehong hihingi ng tulong sa mga elder ang mag-asawa

Magpatulong sa mga elder. Puwede silang maging gaya ng “silungan mula sa ihip ng hangin, isang kanlungan mula sa malakas na ulan.” (Isa. 32:2, tlb.) Baka may maimungkahi sila na isang sister na magpapatibay sa iyo at mapagsasabihan mo ng problema mo.​—Kaw. 17:17.

MATUTULUNGAN MO BA SIYA?

Matutulungan mo ba ang asawa mo na maihinto ang panonood ng pornograpya? Posible. Sinasabi ng Bibliya na “ang dalawa ay mas mabuti kaysa sa isa” kapag may pinaglalabanang problema. (Ecles. 4:9-12) Pinapatunayan ng mga pag-aaral na kapag nagtutulungan ang mag-asawa, madalas na napagtatagumpayan ng isa ang adiksiyon niya sa pornograpya at nakukuha niya ulit ang tiwala ng asawa niya.

Pero siyempre, nakadepende rin iyan kung determinado ang asawa mo na ihinto ang panonood ng pornograpya. Humingi na ba siya ng tulong kay Jehova at sa mga elder? (2 Cor. 4:7; Sant. 5:14, 15) May ginawa na ba siyang mga paraan para hindi matukso? Halimbawa, nilimitahan niya na ba ang paggamit ng gadget at iniiwasan ang nakakatuksong mga sitwasyon? (Kaw. 27:12) Handa ba niyang tanggapin ang tulong mo at sabihin sa iyo ang lahat? Kung oo, baka matulungan mo siya.

Paano? Tingnan ang isang halimbawa. Napangasawa ni Felicia si Ethan, na nagsimulang maadik sa pornograpya noong bata pa ito. Sa tulong ni Felicia, nasasabi agad ni Ethan sa kaniya sa tuwing natutukso itong manood ulit ng pornograpya. Sinabi ni Ethan: “Hindi ako naiilang na magsabi sa asawa ko. Tinutulungan niya ako para hindi ako matukso, at lagi niya akong kinukumusta tungkol dito. Tinutulungan din niya akong limitahan ang paggamit ko ng Internet.” Siyempre, masakit kay Felicia na gustong manood ng pornograpya ni Ethan. Pero sinabi ni Felicia: “Hindi naman makakatulong sa asawa ko kung paiiralin ko ang galit. Kaya kapag napag-usapan na namin ang problema niya, ang nararamdaman ko naman ang pinag-uusapan namin.”

Nakakatulong ang ganoong mga pag-uusap para patuloy na mapaglabanan ng isang lalaki ang panonood ng pornograpya at maibalik ang tiwala ng asawa niya. Kasi kung handang sabihin ng lalaki ang mga kahinaan niya, ginagawa, at pinupuntahan, mararamdaman ng asawa niya na wala na siyang itinatago.

Kung sa tingin mo, matutulungan mo ang asawa mo sa ganitong paraan, bakit hindi ninyo magkasamang basahin at pag-usapan ang artikulong ito? Dapat na tunguhin niyang maihinto ang panonood ng pornograpya at makuha ulit ang tiwala mo. Imbes na magalit sa iyo, dapat niyang maintindihan ang nararamdaman mo. Tunguhin mo naman na matulungan siya sa problema niya at mabigyan ng pagkakataon na maibalik ang tiwala mo sa kaniya. Pareho ninyong kailangang malaman kung bakit nakakaadik ang pornograpya at kung paano ito mapaglalabanan. d

Kung nag-aalala ka na baka mauwi lang sa away ang pag-uusap ninyo, puwede kayong magsama ng isang elder na parehong palagay ang loob ninyo. Tandaan na kahit napagtagumpayan na ng asawa mo ang adiksiyon sa pornograpya, kailangan pa rin ng panahon para maibalik ang tiwala mo sa kaniya. Huwag sumuko! Pahalagahan kahit ang maliliit na pagsulong sa pagsasama ninyo. Magiging matatag ulit ito kung pareho kayong matiyaga.​—Ecles. 7:8; 1 Cor. 13:4.

PAANO KUNG HINDI PA RIN NIYA ITO MAITIGIL?

Kung matukso ulit ang asawa mo na manood ng pornograpya, ibig bang sabihin, hindi siya nagsisisi o wala na siyang pag-asa? Hindi naman. Kung naadik na siya sa pornograpya, baka habambuhay niya na itong paglalabanan. Puwede pa rin siyang matukso ulit kahit ilang taon na siyang huminto. Para maiwasan iyan, kailangan niyang ituloy at dagdagan ang mga pagsisikap niya kahit parang napagtagumpayan na niya iyon. (Kaw. 28:14; Mat. 5:29; 1 Cor. 10:12) Kailangan niyang ‘baguhin ang takbo ng isip niya’ at ‘kapootan ang kasamaan’—kasama dito ang pornograpya at iba pang maruruming gawain gaya ng masturbasyon. (Efe. 4:23; Awit 97:10; Roma 12:9) Handa ba niyang gawin ang lahat ng ito? Kung oo, may pag-asa pa siya. e

Magpokus sa kaugnayan mo kay Jehova

Paano kung hindi naman pinaglalabanan ng asawa mo ang kahinaan niya? Normal lang na madismaya ka, magalit, at maramdamang pinagtataksilan ka. Pero ipaubaya mo iyon kay Jehova para mapanatag ang isip mo. (1 Ped. 5:7) Patuloy na mag-aral, manalangin, at magbulay-bulay para maging mas malapít ka kay Jehova. At siguradong lalapit din siya sa iyo. Sinasabi sa Isaias 57:15 na kasama siya ng “mga nagdurusa at mga mapagpakumbaba,” at tinutulungan niya silang maging masaya. Sikapin na maging mahusay na Kristiyano. Humingi ng tulong sa mga elder. At huwag mawalan ng pag-asa na magbabago ang asawa mo.​—Roma 2:4; 2 Ped. 3:9.

a Sa artikulong ito, mga asawang lalaki ang tinutukoy na nanonood ng pornograpya. Pero kung ang babae ang nanonood nito, makakatulong din sa mga asawang lalaki ang marami sa mga prinsipyo dito.

b Sa Bibliya, hindi saligan ang panonood ng pornograpya para sa diborsiyo.​—Mat. 19:9.

c Binago ang mga pangalan.

d May mga impormasyong makakatulong mula sa jw.org at sa mga publikasyon natin. Halimbawa, tingnan ang “Puwedeng Sirain ng Pornograpya ang Pagsasama Ninyong Mag-asawa” na nasa jw.org; “Malalabanan Mo ang Tukso!” na nasa Bantayan, Abril 1, 2014, p. 10-12; at “Pornograpya—Di-nakapipinsala o Nakalalason?” na nasa Bantayan, Agosto 1, 2013, p. 3-7.

e Dahil nakakaadik ang pornograpya, may ilang mag-asawa na kumokonsulta sa doktor, bukod pa sa paghingi ng tulong sa mga elder. Personal na desisyon ito.