Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TALAMBUHAY

Determinadong Maging Kawal ni Kristo

Determinadong Maging Kawal ni Kristo

Habang nagliliparan ang bala sa paligid ko, dahan-dahan kong itinaas ang isang puting panyo. Sinigawan ako ng mga sundalo at inutusang lumabas sa pinagtataguan ko. Maingat akong lumapit sa kanila, na hindi alam kung mabubuhay pa ako. Bakit ako napunta sa ganitong sitwasyon?

ISINILANG ako noong 1926, ang ikapito sa walong magkakapatid. Masisipag ang mga magulang namin, na nakatira sa Karítsa, isang maliit na nayon sa Greece.

Bago ang taóng iyon, nakausap ng mga magulang namin si John Papparizos, isang masigasig at madaldal na Estudyante ng Bibliya, gaya ng tawag noon sa mga Saksi ni Jehova. Dahil sa wastong pangangatuwiran ni John batay sa Kasulatan, nagsimula silang dumalo sa pagpupulong ng mga Estudyante ng Bibliya sa nayon namin. Nagkaroon si Inay ng matibay na pananampalataya sa Diyos na Jehova, at kahit hindi siya marunong bumasa at sumulat, ibinabahagi niya ang mga paniniwala niya sa bawat angkop na pagkakataon. Pero nakalulungkot, nagpokus si Itay sa di-kasakdalan ng iba at unti-unti siyang huminto sa pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong.

Iginagalang naming magkakapatid ang Bibliya pero nagpadala kami sa hilig ng mga kabataan. Noong 1939, habang sinasalanta ng Digmaang Pandaigdig II ang Europa, may pangyayaring gumulat sa nayon namin. Ang aming kapitbahay at pinsan na si Nicolas Psarras, isang bagong bautisadong Saksi, ay ipinatawag sa hukbo ng Greece para magsundalo. Lakas-loob na sinabi ni Kuya Nicolas, 20 anyos, sa mga awtoridad ng militar, “Hindi ako puwedeng lumaban dahil isa akong kawal ni Kristo.” Nilitis siya ng korte ng militar at sinentensiyahan nang 10-taóng pagkabilanggo. Hindi kami makapaniwala!

Mabuti na lang, noong 1941, nakapasok sa Greece ang Allied army at napalaya si Kuya Nicolas. Bumalik siya sa Karítsa, at doon, pinaulanan siya ng kuya kong si Ilias ng mga tanong tungkol sa Bibliya. Nakinig ako nang mabuti sa kanila. Pagkatapos, si Kuya Ilias, ako, at ang bunso naming kapatid na babaeng si Efmorfia ay nag-aral ng Bibliya, at regular na kaming dumadalo sa pagpupulong kasama ng mga Saksi. Nang sumunod na taon, nag-alay kaming tatlo kay Jehova at nagpabautismo. Nang maglaon, apat pa sa mga kapatid namin ang naging tapat na mga Saksi.

Noong 1942, ang Karítsa Congregation ay mayroon nang siyam na kabataang lalaki at babae na 15 hanggang 25 anyos. Alam naming paparating ang matitinding pagsubok. Para patibayin ang aming sarili, nagsasama-sama kami hangga’t posible para pag-aralan ang Bibliya, kumanta ng mga awiting pang-espirituwal, at manalangin. Dahil diyan, tumibay ang pananampalataya namin.

Si Demetrius kasama ng mga kaibigan niya sa Karítsa

GERA SIBIL

Nang papatapos na ang Digmaang Pandaigdig II, nagrebelde ang mga komunistang Griego laban sa gobyerno ng Greece, kung kaya sumiklab ang gera sibil. Nilibot ng mga Komunistang gerilya ang mga probinsiya, at pinilit ang mga taganayon na sumama sa kanila. Nang lusubin nila ang nayon namin, sapilitan nilang isinama ang tatlong kabataang Saksi—sina Antonio Tsoukaris, Kuya Ilias, at ako. Nagmakaawa kami at sinabing kami ay mga neutral na Kristiyano; pero sapilitan nila kaming pinaglakad papuntang Mount Olympus, na mga 12 oras mula sa nayon namin.

Di-nagtagal, inutusan kami ng isang opisyal ng komunista na sumama sa pangkat ng mga gerilya na lumulusob. Nang ipaliwanag namin na ang tunay na mga Kristiyano ay hindi humahawak ng armas laban sa kanilang kapuwa, nagalit siya at dinala kami sa isang heneral. Nang sabihin din namin iyon sa heneral, iniutos nito, “E, ’di magdala kayo ng mula at dalhin ninyo sa ospital ang mga nasugatan sa labanan.”

“Paano po kung mahuli kami ng mga sundalo ng gobyerno?” ang sabi namin. “Hindi kaya kalaban ang maging tingin nila sa amin?” “E, ’di maghatid na lang kayo ng tinapay sa unahan ng labanan,” ang sabi niya. “Pero paano po kung makita kami ng opisyal na may dalang mula at utusan niya kaming magdala ng mga sandata sa unahan ng labanan?” ang katuwiran namin. Nag-isip na mabuti ang heneral. Saka niya sinabi nang malakas: “Sige na nga, magbantay na lang kayo ng mga tupa! Doon kayo sa bundok at alagaan ninyo ang mga kawan.”

Kaya sa kasagsagan ng gera sibil, nadama naming tatlo na ipinahihintulot ng budhi namin ang pag-aalaga sa mga tupa. Pagkalipas ng isang taon, dahil si Kuya Ilias ang pinakamatandang anak na lalaki, pinauwi siya para alagaan ang nanay namin na biyuda na noon. Nagkasakit naman si Antonio, kaya pinalaya siya. Pero nanatili akong bihag.

Samantala, nasusukol na ng mga sundalo ng pamahalaan ang mga komunista. Ang grupong may hawak sa akin ay tumakas sa mga bundok papunta sa kalapít na bansa ng Albania. Malapit sa hangganan, bigla kaming nasukol ng mga sundalo. Natakot ang mga rebelde at tumakas. Nagtago ako sa isang natumbang puno, kung saan ako nahuli ng mga sundalo, gaya ng binanggit ko sa simula.

Nang sabihin ko sa mga sundalo na bihag ako ng mga komunista, dinala nila ako sa kampo ng militar malapit sa Véroia—ang sinaunang lunsod ng Berea sa Bibliya—para malaman kung ano ang gagawin sa akin. Doon, inutusan akong maghukay ng mga trinsera para sa mga sundalo. Nang tumanggi ako, iniutos ng commanding officer na ipatapon ako sa kinatatakutang piitang isla ng Makrónisos (Makronisi).

ANG KINATATAKUTANG ISLA

Ang tigang, tuyo, at bilad-sa-araw na isla ng Makrónisos ay nasa baybayin ng Attica at mga 50 kilometro ang layo mula sa Athens. Ang isla ay may habang 13 kilometro lang at 2.5 kilometro naman ang pinakamalapad na bahagi nito. Pero mula 1947 hanggang 1958, mahigit 100,000 ang nabilanggo rito, kabilang na ang aktibo at pinaghihinalaang mga komunista, dating mga resistance fighter, at napakaraming tapat na Saksi ni Jehova.

Nang dumating ako sa isla noong 1949, ang mga bilanggo ay inilalagay sa iba’t ibang kampo. Napunta ako sa kampo na di-gaanong mahigpit ang seguridad kasama ang daan-daang kalalakihan. Mga 40 sa amin ang natutulog sa sahig ng isang toldang lona na para lang sa 10 katao. Mabaho ang tubig na iniinom namin, at halos lentehas at talong lang ang kinakain namin. Naging pahirap sa amin ang alikabok at hangin. Pero kahit paano, hindi kami pinagtrabaho sa walang-humpay na paghahakot ng bato, isang sadistikong pagpapahirap na puminsala sa katawan at pag-iisip ng maraming bilanggo.

Kasama ng iba pang Saksing ipinatapon sa Makrónisos Island

Isang araw habang naglalakad ako sa dalampasigan, may nakilala akong ilang Saksi mula sa ibang kampo. Napakasaya namin! Para hindi mahuli, maingat kaming nagkikita-kita kapag may pagkakataon. Pasimple rin kaming nangangaral sa ibang bilanggo, na ang ilan ay naging mga Saksi ni Jehova. Nakatulong ang mga gawaing iyon at ang taos-pusong pananalangin para tumibay kami sa espirituwal.

NAPAHARAP SA MATINDING PAGSUBOK

Pagkalipas ng 10 buwan na “rehabilitasyon,” ipinasiya ng mga bumihag sa akin na panahon na para magsuot ako ng uniporme ng militar. Nang tumanggi ako, dinala nila ako sa kumandante ng kampo. Binigyan ko siya ng isang nasusulat na salaysay, na nagsasabing, “Ang gusto ko lang ay maging kawal ni Kristo.” Matapos akong pagbantaan, ipinadala ako ng kumandante sa opisyal na mas mababa sa kaniya, isang arsobispong Griego Ortodokso na nakabihis ng kaniyang kumpletong relihiyosong kasuotan. Nang lakas-loob kong sagutin ang mga tanong niya gamit ang Kasulatan, sumigaw siya: “Ilabas ninyo siya. Isa siyang panatiko!”

Kinabukasan, inutusan uli ako ng mga sundalo na magsuot ng uniporme ng militar. Nang tumanggi ako, pinagsusuntok nila ako at pinagpapalo ng batutang kahoy. Pagkatapos, dinala nila ako sa klinika ng kampo para alamin kung nabalian ako ng mga buto, at saka ako kinaladkad pabalik sa tolda ko. Araw-araw nila itong ginagawa sa akin sa loob ng dalawang buwan.

Dahil ayaw kong makipagkompromiso, sinubukan naman nila ang isang bagong taktika. Itinali nila ang mga kamay ko sa aking likuran, at pinaghahampas ng lubid ang mga talampakan ko. Habang tinitiis ko ang matinding sakit, inalaala ko ang mga pananalita ni Jesus: “Maligaya kayo kapag dinudusta kayo ng mga tao at pinag-uusig kayo . . . Magsaya kayo at lumukso sa kagalakan, yamang malaki ang inyong gantimpala sa langit; sapagkat sa gayong paraan nila pinag-usig ang mga propetang nauna sa inyo.” (Mat. 5:11, 12) Akala ko hindi na matatapos ang pahirap na iyon. Saka ako nawalan ng malay.

Nagising ako sa isang malamig na selda—walang tinapay, tubig, o kumot. Pero kalmado ako at panatag. Gaya ng pangako ng Bibliya, ‘binabantayan ng kapayapaan ng Diyos ang aking puso at ang aking kaisipan.’ (Fil. 4:7) Kinabukasan, isang mabait na sundalo ang nagbigay sa akin ng tinapay, tubig, at damit na pangginaw. Isa pang sundalo ang nagbigay sa akin ng kaniyang rasyon na pagkain. Sa maraming pagkakataong tulad nito, nadama ko ang magiliw na pangangalaga ni Jehova.

Itinuring ako ng mga awtoridad bilang rebeldeng wala nang pag-asang magbago. Dinala ako sa Athens para humarap sa korte ng militar. Doon, sinentensiyahan ako ng tatlong-taóng pagkabilanggo sa Yíaros (Gyaros), isang isla na mga 50 kilometro sa silangan ng Makrónisos.

“MAPAGKAKATIWALAAN KAYO”

Ang Yíaros ay isang napakalaking bilangguan na may mahigit 5,000 politikal na bilanggo. Mayroon din ditong pitong Saksi ni Jehova na nakulong dahil sa Kristiyanong neutralidad. Kahit mahigpit na ipinagbabawal, kaming pito ay patagong nagtitipon para mag-aral ng Bibliya. Regular pa nga kaming nakatatanggap ng ipinuslit na mga kopya ng Ang Bantayan, na kinokopya namin para gamitin sa pag-aaral.

Isang araw habang nag-aaral kami nang patago, nahuli kami ng isang guwardiya at kinumpiska ang mga literatura namin. Ipinatawag kami sa opisina ng deputy warden, at inaasahan naming pahahabain ang aming sentensiya. Pero sinabi ng deputy warden: “Kilala namin kayo, at iginagalang namin ang paninindigan ninyo. Alam naming mapagkakatiwalaan kayo. Bumalik na kayo sa trabaho.” Binigyan niya pa nga ang ilan sa amin ng mas magagaan na trabaho. Laking pasasalamat namin! Kahit nakabilanggo, ang katapatan namin bilang Kristiyano ay nakapagbibigay ng kapurihan kay Jehova.

May magagandang resulta rin ang aming katatagan. Matapos obserbahan ang mabuting paggawi namin, isang bilanggo na propesor ng mathematics ang nagtanong tungkol sa mga paniniwala namin. Nang palayain kaming mga Saksi noong 1951, pinalaya rin siya. Nang maglaon, nabautismuhan siya bilang isang Saksi at naging buong-panahong ebanghelisador.

KAWAL PA RIN

Kasama ng misis kong si Janette

Nang palayain ako, bumalik ako sa aming pamilya sa Karítsa. Nang maglaon, kasama ng marami kong kababayan, lumipat ako sa Melbourne, Australia. Doon, nakilala ko at napangasawa si Janette, isang mahusay na sister. Nagkaroon kami ng apat na anak, isang lalaki at tatlong babae, na pinalaki namin sa Kristiyanong pamumuhay.

Ngayon, mahigit 90 anyos na ako, pero naglilingkod pa rin ako bilang isang elder. Dahil sa mga naging pinsala ko, sumasakit pa rin paminsan-minsan ang katawan at mga paa ko, lalo na pagkatapos mangaral. Pero determinado pa rin akong maging “kawal ni Kristo.”—2 Tim. 2:3.