Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tama at Mali: Ang Bibliya​—Mapagkakatiwalaang Basehan

Tama at Mali: Ang Bibliya​—Mapagkakatiwalaang Basehan

Kapag nakabase lang sa nararamdaman natin o sa opinyon ng iba ang mga desisyon natin, hindi tayo sigurado na maganda ang magiging resulta nito. Sinasabi ng Bibliya kung bakit ganoon. Pero hindi lang iyan. May mga payo rin ito na mapagkakatiwalaan at makakatulong sa atin na magkaroon ng masayang buhay.

KAILANGAN NATIN ANG PATNUBAY NG DIYOS

Sa Bibliya, sinasabi ng Diyos na Jehova a na kailangan ng mga tao ang tulong niya. Sinasabi rin niya na hindi nila kayang gabayan ang sarili nila. (Jeremias 10:23) Iyan ang dahilan kung bakit ipinasulat niya sa Bibliya ang basehan ng tama at mali. Mahal niya ang mga tao. Ayaw niyang makagawa tayo ng masasamang desisyon na makakasakit sa atin at magpapahirap sa buhay natin. (Deuteronomio 5:29; 1 Juan 4:8) Maibibigay niya ang pinakamagandang payo sa atin dahil sa karunungan niya bilang ating Maylalang. (Awit 100:3; 104:24) Pero hindi niya pinipilit ang mga tao na sumunod sa kaniya.

Ibinigay ni Jehova kina Adan at Eva ang lahat ng kailangan nila para maging masaya. (Genesis 1:​28, 29; 2:​8, 15) Nagbigay rin siya ng simpleng mga utos na inaasahan niyang masusunod nila. Pero binigyan niya sina Adan at Eva ng kalayaang pumili kung susundin nila ang mga iyon o hindi. (Genesis 2:​9, 16, 17) Imbes na sundin ang utos ng Diyos, pinili nilang sundin ang gusto nila. (Genesis 3:6) Ano ang naging resulta? Naging mas masaya ba ang tao dahil pinili nila ang akala nilang tama? Hindi. Kitang-kita na mula noon, imposibleng maging tunay na masaya at panatag ang tao kung hindi nila susundin ang mga pamantayan ng Diyos.​—Eclesiastes 8:9.

Makakatulong ang mga sinasabi ng Bibliya para makagawa tayo ng magagandang desisyon, saanman tayo nakatira o anuman ang kultura natin. (2 Timoteo 3:​16, 17; tingnan ang kahong “ Isang Aklat Para sa Lahat ng Tao.”) Alamin natin kung paano.

Alamin kung bakit tama lang na sabihing “salita ng Diyos” ang Bibliya.​—1 Tesalonica 2:13. Panoorin ang video na Sino ang Awtor ng Bibliya? na nasa jw.org.

SINASABI NG BIBLIYA KUNG ANO ANG GUSTO NG DIYOS NA GAWIN NATIN

Mababasa sa Bibliya kung paano nakitungo si Jehova sa mga tao. Malalaman natin dito kung ano ang tama at mali para sa Diyos, pati na kung ano ang makakabuti at makakasama sa atin. (Awit 19:​7, 11) Laging makakatulong ang mga payo rito para makagawa tayo ng matatalinong desisyon sa buhay.

Halimbawa, tingnan ang sinasabi sa Kawikaan 13:20: “Ang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, pero ang sumasama sa mga mangmang ay mapapahamak.” Marami ang nakinabang sa payong iyan mula noon hanggang sa ngayon. Maraming ganiyang payo sa Bibliya na makakatulong sa atin.​—Tingnan ang kahong “ Kapaki-pakinabang Pa Rin ang mga Payo ng Bibliya.”

Pero baka maisip mo, ‘Talaga kayang makakatulong sa akin ang mga payo ng Bibliya?’ Makikita sa susunod na artikulo ang ilang karanasan.

a Jehova ang personal na pangalan ng Diyos.​—Awit 83:18.