Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

3 Tulong Para Makayanan ang mga Problema

3 Tulong Para Makayanan ang mga Problema

May mga problema na hindi maiiwasan o masosolusyunan sa ngayon. Halimbawa, kung namatayan ka ng mahal sa buhay o mayroon kang nagtatagal na sakit, baka walang ibang paraan kundi ang tiisin ito. Matutulungan ka ba ng Bibliya sa napakahirap na mga sitwasyong iyon?

NAGTATAGAL NA SAKIT

Sinabi ni Rose: “May namana akong sakit na labis na nagpapahirap sa akin. Nawalan ng halaga ang buhay ko.” Nababahala siya dahil kung minsan, hindi siya makapagpokus sa pag-aaral ng Bibliya at sa iba pang bagay na may kaugnayan sa pagsamba sa Diyos. Pero malaki ang naitulong sa kaniya ng pananalita ni Jesus sa Mateo 19:26: “Sa Diyos ay posible ang lahat ng mga bagay.” Natutuhan ni Rose na may iba pang paraan ng pag-aaral. Dahil sa kirot, may panahong halos hindi siya makapagbasa, kaya nakikinig siya sa mga rekording ng Bibliya at ng mga literatura sa Bibliya. * “Kung wala ang mga iyon,” ang sabi niya, “hindi ko na alam kung paano ako mapapalapít sa Diyos.”

Dahil may mga bagay na hindi na nagagawa si Rose, nakadama siya ng lungkot. Nakatulong sa kaniya ang 2 Corinto 8:12: “Kung ang pagiging handa ay naroroon muna, ito ay lalo nang kaayaaya ayon sa taglay ng isang tao, hindi ayon sa hindi taglay ng isang tao.” Napaalalahanan si Rose ng tekstong ito na natutuwa ang Diyos sa lahat ng nagagawa niya sa kabila ng kaniyang limitasyon.

PANGUNGULILA

Naalala ni Delphine, na binanggit kanina: “Pagkamatay ng 18-anyos kong anak, nakadama ako ng sobrang kirot at pakiramdam ko, hindi ko na kayang mabuhay pa. Hindi na babalik sa dati ang lahat.” Pero malaki ang naitulong sa kaniya ng Awit 94:19. Sinabi ng salmista sa Diyos: “Nang ang aking mga nakababalisang kaisipan ay dumami sa loob ko, ang iyong mga pang-aaliw ay nagsimulang humaplos sa aking kaluluwa.” Sinabi niya, “Nananalangin ako kay Jehova na tulungan niya akong malaman kung paano mababawasan ang kirot.”

Naging abala siya sa gawaing pagboboluntaryo. Inihalintulad niya ang kaniyang sarili sa isang krayola—na kahit putol na ay puwede pa ring gamitin. Gaya ng krayolang iyon, nakita niyang puwede pa rin siyang makatulong sa iba. Naalala niya: “Nakita kong kapag ginagamit ko ang mga prinsipyo sa Bibliya at ang mga tekstong nagbibigay ng pag-asa sa Bible study ko, iyon ang paraan ni Jehova para mabawasan ang kirot na nararamdaman ko.” Gumawa siya ng listahan ng mga karakter sa Bibliya na dumanas ng matinding pangungulila. “Lahat sila ay palaging nananalangin,” ang sabi niya. Natutuhan din niya na “makakayanan mo lang ang problema kung magbabasa ka ng Bibliya.”

May naitulong pa kay Delphine ang pag-aaral ng Bibliya—ang magpokus sa hinaharap, hindi sa nakaraan. Nakatulong din sa kaniya ang pag-asang nasa Gawa 24:15: “Magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.” Paano siya nakatitiyak na bubuhaying muli ni Jehova ang anak niya? Ang sagot ni Delphine: “Alam kong mabubuhay ang anak ko sa hinaharap. Nakaiskedyul na ang ‘date’ namin, na para bang nasa kalendaryo na iyon ng aking Ama. Kung gaano katotoong ipinanganak ko siya at minahal, ganoon din katotoo sa akin na magkakasama kaming muli sa sarili naming hardin.”

^ par. 4 Maraming ganitong rekording ang available sa website na jw.org.

Makatutulong sa iyo ang Bibliya kahit sa napakahirap na mga sitwasyon