Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TANONG 9

Dapat Ko Bang Paniwalaan ang Ebolusyon?

Dapat Ko Bang Paniwalaan ang Ebolusyon?

KUNG BAKIT ITO MAHALAGA

Kung totoo ang ebolusyon, walang layunin ang buhay. Kung totoo ang paglalang, makakakita tayo ng kasiya-siyang sagot sa mga tanong tungkol sa buhay at kinabukasan.

ANO ANG GAGAWIN MO?

Pag-isipan ang senaryong ito: Nalilito si Alex. Naniniwala siya sa Diyos at sa paglalang. Pero deretsahang sinabi ng biology teacher niya na totoo ang ebolusyon, at na salig ito sa maaasahang pagsasaliksik ng siyensiya. Ayaw ni Alex na magmukha siyang ignorante. ‘Tutal,’ ang sabi niya sa sarili, ‘kung napatunayan na ng mga scientist ang ebolusyon, sino naman ako para kuwestiyunin sila?’

Kung ikaw si Alex, tatanggapin mo ba ang ebolusyon dahil lang sa sinasabi ng mga aklat na totoo ito?

MAG-ISIP MUNA!

Kadalasan, agad na sinasabi ng magkabilang panig sa usaping ito kung ano ang pinaniniwalaan nila, pero hindi naman talaga nila alam kung bakit nila iyon pinaniniwalaan.

  • May mga taong naniniwala lang sa paglalang dahil iyon ang itinuturo sa kanila sa simbahan.

  • May mga taong naniniwala lang sa ebolusyon dahil iyon ang itinuturo sa kanila sa paaralan.

ANIM NA TANONG NA DAPAT PAG-ISIPAN

Ang sabi ng Bibliya: “Bawat bahay ay may nagtayo, ngunit siya na nagtayo ng lahat ng bagay ay ang Diyos.” (Hebreo 3:4) Makatuwiran bang paniwalaan iyan?

Kapag sinabi nating walang lumalang sa buhay, para na rin nating sinabing walang nagtayo sa bahay na ito

SINASABI NG IBA: Lahat ng bagay sa uniberso ay resulta ng big bang.

1. Sino o ano ang sanhi ng big bang?

2. Alin ang mas kapani-paniwala—ang lahat ay nagmula sa wala o ang lahat ng bagay ay may pinagmulan?

SINASABI NG IBA: Ang tao ay nag-evolve mula sa hayop.

3. Kung ang tao ay nag-evolve mula sa hayop—halimbawa, mula sa unggoy—bakit napakalaki ng agwat ng talino ng tao at ng unggoy?

4. Bakit napakahirap maintindihan kahit ang mga “pinakasimpleng” anyo ng buhay?

SINASABI NG IBA: Ang ebolusyon ay totoo.

5. Nasuri ba ng taong nagsasabi nito ang mga katibayan?

6. Gaano karami ang naniniwala sa ebolusyon dahil lang sa may nagsabi sa kanila na naniniwala rito ang lahat ng matatalinong tao?

“Kung naglalakad ka sa kagubatan at nakakita ka ng magandang bahay, iisipin mo ba: ‘Wow! Tiyak na tamang-tama ang pagbagsak ng mga puno para mabuo ang bahay na ito’? Siyempre hindi! Hindi makatuwiran ’yan. Kaya bakit tayo maniniwalang nagkataon lang ang lahat ng bagay sa uniberso?”—Julia.

“Halimbawang may nagsabi sa ’yo na may sumabog sa isang imprentahan at na ang tinta ay tumilamsik sa mga dingding at kisame at nakabuo ng isang kumpletong dictionary. Paniniwalaan mo ba ’yon?”—Gwen.

BAKIT DAPAT MANIWALA SA DIYOS?

Pinapayuhan ka ng Bibliya na gamitin ang iyong “kakayahan sa pangangatuwiran.” (Roma 12:1) Ibig sabihin, ang paniniwala mo sa Diyos ay hindi lang dahil sa

  • EMOSYON (Basta nararamdaman kong may makapangyarihang persona)

  • IMPLUWENSIYA NG IBA (Relihiyoso ang mga tao sa lugar namin)

  • PANGGIGIPIT (Pinalaki ako ng mga magulang ko na maniwala sa Diyos—wala akong choice)

Sa halip, dapat na mayroon kang matibay na dahilan kung bakit ka naniniwala sa Diyos.

“Kapag pinakikinggan ko ang paliwanag ng titser namin kung paano gumagana ang ating katawan, wala akong kaduda-duda na talagang may Diyos. Bawat parte ng katawan ay may papel na ginagampanan, hanggang sa kaliit-liitang detalye, at kadalasan nang hindi natin namamalayan kung paano nagagampanan ang mga papel na iyon. Talagang kamangha-mangha ang katawan ng tao!”—Teresa.

“Kapag nakakakita ako ng mataas na building, barko, o kotse, itinatanong ko sa sarili ko, ‘Sino kaya ang gumawa nito?’ Kailangan ang matatalinong tao para makagawa, halimbawa, ng kotse, dahil ang dami-daming piyesa na kailangan para umandar ito. Kaya kung ang mga kotse ay nangangailangan ng disenyador, gayon din ang mga tao.”—Richard.

“Habang pinag-aaralan ko ang siyensiya, lalo akong nahihirapang maniwala sa ebolusyon. . . . Para sa ’kin, mas mahirap maniwala sa ebolusyon kaysa maniwala sa isang Maylalang.”—Anthony.

PAG-ISIPAN

Sa kabila ng maraming taon ng pagsasaliksik, ang mga siyentipiko ay wala pa ring mapagkasunduang paliwanag tungkol sa ebolusyon. Kung ang mga siyentipiko—na itinuturing na mga eksperto—ay hindi nagkakasundo tungkol sa ebolusyon, mali bang kuwestiyunin mo ang teoriyang ito?