Pumunta sa nilalaman

PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA

Roma 5:8—“Namatay si Kristo Para sa Atin Noong Makasalanan Pa Tayo”

Roma 5:8—“Namatay si Kristo Para sa Atin Noong Makasalanan Pa Tayo”

 “Ipinakita sa atin ng Diyos ang kaniyang pag-ibig sa ganitong paraan: Namatay si Kristo para sa atin habang makasalanan pa tayo.”—Roma 5:8, Bagong Sanlibutang Salin.

 “Tingnan ninyo kung paano ipinakikita ng Diyos ang kanyang pagmamahal sa atin: namatay si Kristo para sa atin noong makasalanan pa tayo.”—Roma 5:8, Biblia ng Sambayanang Pilipino.

Ibig Sabihin ng Roma 5:8

 Ipinakita ng Diyos na Jehova a ang dakilang pag-ibig niya nang hayaan niyang mamatay ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, alang-alang sa makasalanang mga tao. (Juan 3:16) Dahil makasalanan tayo, may tendensiya tayong mag-isip at kumilos nang labag sa matuwid na mga pamantayan ng Diyos. (Colosas 1:21, 22) Pero gumawa ng paraan ang Diyos para maipagkasundo tayo sa kaniya “sa pamamagitan ng kamatayan ng kaniyang Anak.” (Roma 5:10) Kaya puwede na tayong magkaroon ng mabuting kaugnayan sa Diyos ngayon pa lang, at may pag-asa rin tayong mabuhay nang walang hanggan sa hinaharap.—Roma 5:11; 1 Juan 4:9, 10.

Konteksto ng Roma 5:8

 Isinulat ito ni apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Roma. Sa tinatawag ngayon na kabanata 5 ng liham niya sa mga taga-Roma, ipinaliwanag ni Pablo kung bakit makakapagsaya at makakapagtiwala ang mga Kristiyano sa kanilang pag-asa. (Roma 5:1, 2) Ang pag-asang ito ay “hindi mabibigo,” dahil batay ito sa dakilang pag-ibig ng Diyos na ipinakita niya nang ibigay niya ang kaniyang Anak, si Jesus, bilang hain para sa atin. (Roma 5:5, 6) Nakapanatiling masunurin si Jesus sa Diyos, isang bagay na hindi nagawa ng unang taong si Adan. (Roma 5:19) Ang pagsuway ni Adan ay nagbunga ng kasalanan at kamatayan sa mga inapo niya. (Roma 5:12) Ibang-iba naman si Jesus. Dahil sa pagiging masunurin at pagbibigay ng buhay niya, nagkaroon ng pag-asang mabuhay nang walang hanggan ang masunuring mga tao.—Roma 5:21.

a Jehova ang personal na pangalan ng Diyos gaya ng sinasabi sa Bibliya.—Awit 83:18.