Pumunta sa nilalaman

PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA

Juan 3:16—“Sapagkat Gayon na Lamang ang Pag-ibig ng Diyos sa Sanlibutan”

Juan 3:16—“Sapagkat Gayon na Lamang ang Pag-ibig ng Diyos sa Sanlibutan”

 “Gayon na lang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan kaya ibinigay niya ang kaniyang kaisa-isang Anak para ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”—Juan 3:16, Bagong Sanlibutang Salin.

 “Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Dios sa sanlibutan, ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sinumang sa kanya’y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”—Juan 3:16, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.

Ibig Sabihin ng Juan 3:16

 Mahal tayo ng Diyos at gusto niya tayong mabuhay magpakailanman. Kaya naman, isinugo niya sa lupa ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Maraming nagawa si Jesus noong nasa lupa siya. Halimbawa, tinuruan niya ang mga tagasunod niya tungkol sa kaniyang Diyos at Ama. (1 Pedro 1:3) Ibinigay din niya ang kaniyang buhay para sa mga tao. Para magkaroon ng buhay na walang hanggan, dapat tayong manampalataya kay Jesus.

 Makikita kung gaano kamahal ng Diyos ang mga tao sa mga salitang “ibinigay niya ang kaniyang kaisa-isang Anak.” a Natatangi si Jesus sa mga anak ng Diyos. Bakit? Kasi si Jesus lang ang tuwirang nilalang ng Diyos. (Colosas 1:17) Siya ang “panganay sa lahat ng nilalang.” (Colosas 1:15) Ang lahat ng iba pang nilalang, kasama na ang mga anghel, ay nilalang sa pamamagitan ni Jesus. Pero ipinadala pa rin ng Diyos na Jehova b ang pinakamamahal niyang Anak “para maglingkod at ibigay ang buhay niya bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Mateo 20:28) Nagdusa si Jesus at namatay para mapalaya tayo mula sa kasalanan at kamatayan, na namana natin mula sa unang tao, si Adan.​—Roma 5:8, 12.

 Ang pananampalataya kay Jesus ay higit pa sa basta paniniwala lang sa kaniya o pagkilala sa ginawa niya para sa atin. Mapapatunayan nating talagang nananampalataya tayo sa Anak ng Diyos kung susundin at tutularan natin siya. (Mateo 7:24-27; 1 Pedro 2:21) Sinasabi ng Bibliya: “Ang nananampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan; ang sumusuway sa Anak ay hindi magkakaroon ng buhay na iyon.”—Juan 3:36.

Konteksto ng Juan 3:16

 Sinabi ni Jesus ang mga salitang ito noong kausap niya ang Judiong lider ng relihiyon na si Nicodemo. (Juan 3:1, 2) Sa pag-uusap na iyon, nagbigay si Jesus ng detalye tungkol sa Kaharian ng Diyos c at sa pagiging ‘ipinanganak muli.’ (Juan 3:3) Inihula niya rin kung paano siya mamamatay. “Kailangan ding itaas [ibayubay sa tulos] ang Anak ng tao para magkaroon ng buhay na walang hanggan ang bawat isa na naniniwala sa kaniya.” (Juan 3:14, 15) Pagkatapos, idiniin niya na ang pag-asang ito na buhay na walang hanggan ay dahil sa pagmamahal ng Diyos sa tao. Tinapos ni Jesus ang pag-uusap nila sa pagsasabing para magkaroon ng buhay, dapat tayong magpakita ng pananampalataya at gumawa ng mga bagay na magpapasaya sa Diyos.—Juan 3:17-21.

a Ang salitang Griego na isinaling “kaisa-isa” ay monogenes, na ang ibig sabihin ay “bugtong, . . . nag-iisa sa kaniyang uri, natatangi.”A Greek-English Lexicon of the New Testament and Other Early Christian Literature, p. 658.

b Jehova ang personal na pangalan ng Diyos.—Awit 83:18.

c Ang Kaharian ng Diyos, na tinatawag ding “Kaharian ng langit,” ay isang gobyerno sa langit. (Mateo 10:7; Apocalipsis 11:15) Pinili ng Diyos si Kristo para maging Hari ng Kahariang iyon. Tutuparin ng Kaharian ang layunin ng Diyos para sa lupa. (Daniel 2:44; Mateo 6:10) Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang artikulong “Ano ang Kaharian ng Diyos?