Pumunta sa nilalaman

PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA

Lucas 2:14—“Sa Lupa ay Kapayapaan sa mga Taong Kinalulugdan Niya”

Lucas 2:14—“Sa Lupa ay Kapayapaan sa mga Taong Kinalulugdan Niya”

 “Luwalhatiin nawa ang Diyos sa langit, at sa lupa ay magkaroon ng kapayapaan ang mga taong may pagsang-ayon niya.”—Lucas 2:14, Bagong Sanlibutang Salin.

 “Papuri sa Diyos sa kaitaasan, at sa lupa ay kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya!”—Lucas 2:14, Magandang Balita Biblia.

Ibig Sabihin ng Lucas 2:14

 Sinabi ng mga anghel ang papuring ito noong ipanganak si Jesus. Ipinapakita nito na tatanggap ng pagsang-ayon ng Diyos ang mga mananampalataya kay Jesus at makakaranas sila ng kapayapaan.

 “Luwalhatiin nawa ang Diyos sa langit.” Idinidiin ng sinabing ito ng mga anghel na karapat-dapat ang Diyos na tumanggap ng lahat ng kaluwalhatian. Sinasabi rin nito na magbibigay ng malaking papuri sa Diyos na Jehova a ang kapanganakan at ministeryo ni Jesus. Halimbawa, sa Diyos laging ibinibigay ni Jesus ang papuri kapag nagtuturo siya, gaya ng sinabi niya: “Ang itinuturo ko ay hindi galing sa akin kundi sa nagsugo sa akin.” (Juan 7:16-18) Nang gumawa siya ng mga himala, “pinuri [ng mga tao] ang Diyos.” (Lucas 5:18, 24-26; Juan 5:19) Noong namatay si Jesus, napapurihan din ang Diyos. Binuksan kasi nito ang daan para matupad ng Diyos ang layunin Niya na punuin ang lupa ng mga matuwid at mapayapang tao.—Genesis 1:28.

 “Sa lupa ay magkaroon ng kapayapaan.” Ang kapayapaang ito ay hindi lang nangangahulugan na walang digmaan. Nangangahulugan din ito ng kapayapaan, o pagkadama ng kapanatagan, na mararanasan lang ng mga sinang-ayunan ni Jehova. Naging posible ang mapayapang kaugnayang ito sa Diyos dahil kay Jesus. (Santiago 4:8) At bilang Hari ng Kaharian ng Diyos, ibabalik ni Jesus ang tunay na kapayapaan sa buong lupa.—Awit 37:11; Lucas 1:32, 33.

 “Mga taong may pagsang-ayon niya.” Tumutukoy ang pananalitang ito sa mga taong may pagsang-ayon ng Diyos, o pabor niya, dahil may tunay na pananampalataya sila sa kaniya at sa isa na isinugo niya, si Jesus. Hindi ito tumutukoy sa pagpapakita ng Diyos ng pagsang-ayon sa lahat ng tao anuman ang ugali o ginagawa nila. Hindi rin ito tumutukoy sa pagsang-ayon na ipinapakita ng mga tao. Sa ilang translation ng Bibliya, gaya ng King James Version, ginamit para sa pananalitang ito ang “kabutihang-loob sa mga tao.” Pero mas sinusuportahan ng mas luma at maaasahang mga manuskritong Griego ang translation ng Bagong Sanlibutang Salin at ng iba pang Bibliya ngayon na nagpapahiwatig ng ideya ng kapayapaan sa mga tao na sinasang-ayunan ng Diyos.—Tingnan ang “ Iba Pang Salin ng Lucas 2:14.”

Konteksto ng Lucas 2:14

 Mababasa sa Lucas kabanata 2 ang mga unang taon ng buhay ni Jesus bilang tao. Nang ipanganak siya, nagpakita ang isang anghel sa mga pastol na “naninirahan sa labas at nagbabantay sa gabi sa kanilang mga kawan.” b (Lucas 2:4-8) Isang “magandang balita na magdudulot ng malaking kagalakan” ang sinabi ng anghel sa mga pastol: “Ipinanganak ngayon sa lunsod ni David ang inyong tagapagligtas, ang Kristo na Panginoon.” (Lucas 2:9-11) Sinabi ng anghel sa mga pastol kung nasaan ang bagong-silang na sanggol. Pagkatapos, nakita nila ang napakaraming anghel na pumupuri sa Diyos. Pagkarating nila sa Betlehem, nakita nila sina Maria, Jose, at ang sanggol na si Jesus. (Lucas 2:12-16) Pagkatapos ikuwento ng mga pastol ang naranasan nila, bumalik sila sa mga kawan nila “habang niluluwalhati at pinupuri ang Diyos dahil sa lahat ng kanilang narinig at nakita.”—Lucas 2:17-20.

 Iba Pang Salin ng Lucas 2:14

 “Luwalhati sa Dios sa kaitaasan, at sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya.”—Lucas 2:14, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.

 “Papuri sa Diyos sa kaitaasan at sa lupa’y kapayapaan sa mga tao na kanyang mahal.”— Lucas 2:14, Biblia ng Sambayanang Pilipino.

 Panoorin ang maikling video na ito para makita ang nilalaman ng aklat ng Lucas.

a Jehova ang personal na pangalan ng Diyos. (Awit 83:18) Tingnan ang artikulong “Sino si Jehova?

b Dahil nasa labas ang mga pastol noong gabing mangyari ito, ipinapakita nito na hindi taglamig noong panahong iyon. Para sa higit pang impormasyon, basahin ang artikulong “Kailan Ipinanganak si Jesus?