Pumunta sa nilalaman

Kailan Ipinanganak si Jesus?

Kailan Ipinanganak si Jesus?

Ang sagot ng Bibliya

 Hindi sinasabi ng Bibliya ang espesipikong petsa ng kapanganakan ni Jesu-Kristo, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na mga reperensiya:

  •   “Walang nakaaalam ng totoong petsa ng kapanganakan ni Kristo.”—New Catholic Encyclopedia.

  •   “Walang nakaaalam sa eksaktong petsa ng kapanganakan ni Kristo.”—Encyclopedia of Early Christianity.

 Bagaman hindi tuwirang sinasagot ng Bibliya ang tanong na ‘Kailan ipinanganak si Jesus?,’ inilalarawan nito ang dalawang pangyayari noong panahong isilang siya na nakakumbinsi sa marami na hindi siya ipinanganak noong Disyembre 25.

Hindi sa taglamig

  1.   Ang pagpaparehistro. Bago ipanganak si Jesus, ipinag-utos ni Cesar Augusto na “ang buong tinatahanang lupa ay magparehistro.” Ang lahat ay dapat magparehistro “sa kaniyang sariling lunsod,” at ang paglalakbay ay maaaring tumagal nang isang linggo o higit pa. (Lucas 2:1-3) Ang utos na iyon—na inilabas marahil para sa pangongolekta ng buwis at pangangalap ng sundalo—ay malamang na hindi katanggap-tanggap sa anumang bahagi ng taon. Kaya malamang na hindi ilalabas ni Augusto ang utos na iyon sa panahon ng matinding taglamig, dahil baka lalo itong ikagalit ng kaniyang mga nasasakupan.

  2.   Ang mga tupa. Ang mga pastol ay “naninirahan sa labas at patuloy na nagbabantay sa gabi sa kanilang mga kawan.” (Lucas 2:8) Sinasabi ng aklat na Daily Life in the Time of Jesus na ang mga kawan ay pinapastulan sa parang “isang linggo bago ang Paskuwa [pagtatapos ng Marso]” hanggang kalagitnaan ng Nobyembre. Pero “pinalilipas nila ang taglamig nang nakasilong; at mula rito pa lamang ay makikita na malamang na mali ang nakaugaliang petsa ng Pasko, sa taglamig, yamang ang Ebanghelyo ay nagsasabi na ang mga pastol ay nasa parang.”

Pasimula ng taglagas a

 Matatantiya natin kung kailan ipinanganak si Jesus kung magbibilang tayo pabalik mula sa petsa ng kaniyang kamatayan noong Paskuwa, Nisan 14, tagsibol ng taóng 33 C.E. (Juan 19:14-16) Mga 30 anyos noon si Jesus nang simulan niya ang kaniyang tatlo’t-kalahating-taóng ministeryo, kaya ipinanganak siya sa pasimula ng taglagas ng 2 B.C.E.—Lucas 3:23.

Bakit Disyembre 25 ang Pasko?

 Kung wala namang katibayan na Disyembre 25 ang petsa ng kapanganakan ni Jesu-Kristo, bakit sa petsang ito ipinagdiriwang ang Pasko? Sinasabi ng Encyclopædia Britannica na malamang na pinili ito ng mga lider ng simbahan para “makasabay ng paganong kapistahang Romano na gumugunita sa ‘araw ng kapanganakan ng di-malupig na araw’” tuwing winter solstice. Ayon sa The Encyclopedia Americana, naniniwala ang maraming iskolar na ginawa ito “para maging mas katanggap-tanggap ang Kristiyanismo sa nakumberteng mga pagano.”

a Sa rehiyon kung saan ipinanganak si Jesus, ang taglagas ay mula Setyembre hanggang Nobyembre.