Pumunta sa nilalaman

PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA

Isaias 26:3—“Pinananatili Mo sa Kapayapaan ang mga May Pusong Matapat”

Isaias 26:3—“Pinananatili Mo sa Kapayapaan ang mga May Pusong Matapat”

 “Iingatan mo ang mga lubos na umaasa sa iyo; patuloy mo silang bibigyan ng kapayapaan, dahil sa iyo sila nagtitiwala.”—Isaias 26:3, Bagong Sanlibutang Salin.

 “Pinananatili mo sa kapayapaan ang mga may pusong matapat na sa iyo’y nananalig.”—Isaias 26:3, Biblia ng Sambayanang Pilipino.

Ibig Sabihin ng Isaias 26:3

 Gamit ang nakakapagpatibay na mga salitang ito, idiniin ng propetang si Isaias na poprotektahan ng Diyos ang mga lubos na nagtitiwala sa Kaniya. Tinutulungan niya silang magkaroon ng kapanatagan at kapayapaan.

 “Iingatan mo ang mga lubos na umaasa sa iyo.” Para sa mga laging nagtitiwala sa Diyos na Jehova a ang bahaging ito ng teksto. Kapag nagtitiwala ang isa sa Diyos, kailangan niyang laging umasa sa Kaniya. Halimbawa, hindi siya basta nagtitiwala sa sarili niya kapag gumagawa ng mahahalagang desisyon. Iniisip din niya kung ano ang pananaw ng Diyos sa lahat ng gagawin niya. (Kawikaan 3:5, 6) Magagawa niya ito kapag binabasa at pinag-iisipan niyang mabuti ang Salita ng Diyos, ang Bibliya. (Awit 1:2; 119:15) Kapag may mga problema, humihingi siya ng tulong kay Jehova sa panalangin. (Awit 37:5; 55:22) Kaya naipapakita niyang nagtitiwala siya sa Diyos. At bibigyan naman siya ni Jehova ng kapayapaan.

 “Patuloy mo silang bibigyan ng kapayapaan.” Sa orihinal na Hebreo, dalawang beses na lumitaw ang salitang “kapayapaan” bilang pagdiriin. Kaya para ipakita ang pagdiriing iyon, ginagamit din ang mga salitang ‘patuloy na kapayapaan,’ “perpektong kapayapaan,” o “lubos na kapayapaan.” Kaya ang mga lubos na nagtitiwala kay Jehova ay may kapayapaan—kapanatagan na hindi nakabase sa kasalukuyang sitwasyon. (Awit 112:7; 119:165) Magkakaroon lang tayo nito kapag may malapít na kaugnayan tayo kay Jehova at nagsisikap tayong gawin ang tama.—Kawikaan 3:32; Isaias 48:18.

 Patuloy tayong binibigyan ng Diyos ng kapayapaan. Pero hindi ibig sabihin nito na aalisin niya ang mga problema natin at hindi na tayo mag-aalala. (1 Samuel 1:6, 7; Job 6:1, 2; Awit 31:9) Pero sinisigurado naman niya na tutulungan niya tayo. (Isaias 41:10, 13) Sasagutin niya ang mga panalangin natin, at bibigyan tayo ng karunungan, lakas, at pampatibay. (Awit 94:19; Kawikaan 2:6; Isaias 40:29) Dahil dito, mananatili tayong kalmado kahit may mabibigat na problema.—Filipos 4:6, 7.

Konteksto ng Isaias 26:3

 Nabuhay si propeta Isaias noong ika-8 siglo B.C.E. Marami sa mga taga-Juda noon ang hindi naging tapat kay Jehova. Kaya hinayaan ng Diyos na masira ang lunsod ng Jerusalem noong 607 B.C.E.

 Pero mahigit isang daang taon bago ang pagwasak, isinulat ni Isaias ang hula—sa anyong awit ng papuri kay Jehova—na nakaulat sa kabanata 26. (Isaias 26:1-6) Mababasa rito na sa hinaharap, muling itatayo ang isang lunsod sa Juda, na malamang ang Jerusalem.

 Sinimulang itayong muli ang Jerusalem noong 537 B.C.E. Kapag naitayo na itong muli, magiging panatag ang tapat na mga Judiong babalik at masasabi nilang: “May matibay na lunsod kami.” (Isaias 26:1) Pero hindi naging matibay ang lunsod dahil sa mga pader nito. Dahil ito sa pagpapala at proteksiyon ni Jehova.—Isaias 26:2.

 Ganiyan din ngayon. Panatag ang mga lubos na nagtitiwala kay Jehova kasi siya ang “Bato,” o kanlungan nila.—Isaias 26:4

 Panoorin ang maikling video na ito para makita ang nilalaman ng aklat ng Isaias.

a Jehova ang personal na pangalan ng Diyos. (Awit 83:18) Tingnan ang artikulong “Sino si Jehova?