Pumunta sa nilalaman

TULONG PARA SA PAMILYA

Kapag Hindi Kayo Magkasundo

Kapag Hindi Kayo Magkasundo

Para sa mga mag-asawa, malaking hamon kung magkaiba sila ng gustong gawin, kaugalian, at personalidad. Pero mayroon pang mas sensitibong mga usapin, gaya ng sumusunod:

  • Kung gaano kadalas makikisama sa mga kamag-anak

  • Kung paano magbabadyet ng pera

  • Kung mag-aanak o hindi

Ano ang gagawin mo kung magkaiba ang pananaw ninyong mag-asawa?

 Ang dapat mong malaman

Kahit magkasundo kayo, hindi laging iisa ang pananaw ninyo. Kahit magkasundong-magkasundo ang mag-asawa, may pagkakataong magkaiba pa rin ang opinyon nila, maging sa mga seryosong usapin.

“Sobrang close ng pamilya namin sa isa’t isa. Tuwing weekend, magkakasama kami ng lolo’t lola ko, tito at tita, at mga pinsan ko. Pero hindi ganoon ang pamilya ng asawa ko. Kaya magkaiba kami ng pananaw sa panahong dapat naming gugulin sa mga kapamilya o sa mga kamag-anak na nakatira sa malayo.”—Tamara.

“Lumaki kami sa pamilyang magkaiba ang pananaw sa pagbabadyet ng pera. Noong unang mga buwan naming mag-asawa, may panahong nagtatalo kami dahil dito. Ilang beses din kaming nag-usap bago kami nagkasundo.”—Tyler.

Iisang tanawin ang tinitingnan ng dalawang tao pero magkaiba ang nakikita nila. Totoo rin ito sa mga isyu na hindi pinagkakasunduan ng mag-asawa

Hindi lahat ng problema ay nadadaan sa pakikipagkompromiso. Halimbawa, paano kung magkasakit ang biyenan mo at kailangang alagaan? O paano kung gusto ng asawa mong magkaanak kayo pero ayaw mo naman? a

“Matagal na naming pinag-uusapan ang tungkol sa pagkakaroon ng anak. Lagi na niya itong bukambibig, kaya lalo pa kaming nagtatalo. Ayoko rin namang magpatalo.”—Alex.

Hindi kailangang masira ang pagsasama ninyo dahil sa magkaibang opinyon. Ayon sa ilang eksperto, kapag hindi kayo magkasundo ng asawa mo, gawin mo ang lahat para makuha mo ang gusto mo—kahit mauwi ito sa hiwalayan. Pero ang “solusyong” ito ay nakapokus lang sa damdamin mo at hindi sa kahalagahan ng panata mo sa Diyos na mamumuhay kang kasama ng asawa mo, anuman ang mangyari.

 Ang puwede mong gawin

Maging determinadong tuparin ang panata mo sa iyong asawa. Dahil diyan, mahaharap ninyo ang mga problema bilang magkakampi at hindi magkalaban.

Prinsipyo sa Bibliya: “Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.”—Mateo 19:6.

Kuwentahin ang gastusin. Halimbawa, gusto ng asawa mo na magkaanak kayo pero ayaw mo naman. May ilang dapat isaalang-alang, gaya ng:

  • Kung gaano katibay ang inyong pagsasama.

    Kaya ba ninyong harapin ang stress sa pagpapalaki ng anak?

  • Pananagutan bilang magulang.

    Higit pa ang kailangan kaysa sa paglalaan ng pagkain, damit, at tirahan.

  • Pinansiyal na kalagayan.

    Kaya ba ninyong balansehin ang trabaho, pamilya, at iba pang pananagutan?

Prinsipyo sa Bibliya: “Sino sa inyo na gustong magtayo ng bahay ang hindi muna uupo at kukuwentahin ang gastusin?”—Lucas 14:28.

Isaalang-alang ang lahat ng bagay. Puwede ninyong masolusyunan ang ilang bagay na hindi ninyo pinagkakasunduan. Halimbawa, kung ang isyu ay ang pagkakaroon ng anak, puwedeng tanungin ng ayaw magkaanak ang kaniyang sarili:

  • ‘Ibig bang sabihin, ayokong magkaanak ngayon o kahit kailan?’

  • ‘Ayaw ko ba kasi baka hindi ako maging mabuting magulang?’

  • ‘Takot ba akong mapabayaan ako ng asawa ko?’

Sa kabilang banda, puwede namang tanungin ng isa na gustong magkaanak ang kaniyang sarili:

  • ‘Handa na ba kaming maging magulang?’

  • ‘Kaya na ba namin ang mga gastusin sa pagpapalaki ng anak?’

Prinsipyo sa Bibliya: “Ang karunungan mula sa itaas ay . . . makatuwiran.”—Santiago 3:17.

Tanggapin ang magagandang punto sa pananaw ng iyong asawa. Kung minsan, iisang tanawin ang tinitingnan ng dalawang tao pero magkaiba ang nakikita nila. Sa katulad na paraan, baka iisang isyu ang pinag-uusapan ng mag-asawa pero magkaiba ang opinyon nila—halimbawa, sa pagbabadyet ng pera. Sa anumang sitwasyon na magkasalungat ang pananaw ninyo, pag-usapan muna ninyo kung saan kayo magkakasundo.

  • Ano ang pareho ninyong tunguhin?

  • Ano ang magagandang punto sa pananaw ng bawat isa?

  • Para sa inyong pagsasama, puwede ba kayong magparaya sa isa’t isa?

Prinsipyo sa Bibliya: “Patuloy na unahin ng bawat isa ang kapakanan ng ibang tao, hindi ang sarili niya.”—1 Corinto 10:24.

a Ang mga seryosong usapin ay dapat pag-usapan bago pa ang kasal. Pero puwedeng mangyari ang di-inaasahan, o baka magbago ang nadarama ng isa sa paglipas ng panahon.—Eclesiastes 9:11.