Pumunta sa nilalaman

TULONG PARA SA PAMILYA | PAGPAPALAKI NG MGA ANAK

Mga Bata at Social Media—Bahagi 1: Dapat Bang Gumamit ang Anak Ko ng Social Media?

Mga Bata at Social Media—Bahagi 1: Dapat Bang Gumamit ang Anak Ko ng Social Media?

 Ipinapakita ng isang survey na 97 percent ng mga teenager ang gumagamit ng social media. Gustong-gusto na rin bang gumamit ng anak mo ng social media? Kung oo, may ilang bagay kang dapat pag-isipan.

Sa artikulong ito

 Ang oras na ginagamit ng anak mo

 “Dinisenyo ang social media para agawin ang atensiyon mo, lagi kang mag-online, at mag-check ng mga update,” ang sabi ng website na HelpGuide.

 “Plano ko sandali lang, pero hindi ko namamalayang inaabot na pala ako nang ilang oras kakatingin ng mga post sa social media. Hindi ko na mabitaw-bitawan ang cellphone ko at wala na akong nagawang ibang bagay.”​—Lynne, 20.

 Tanungin ang sarili: Kaya na bang kontrolin ng anak ko ang sarili niya at sundin ang limitasyong ibibigay ko sa paggamit ng social media? Matured na ba ang anak ko at kaya na ba niyang limitahan ang paggamit niya ng social media?

 Prinsipyo sa Bibliya: “Bantayan ninyong mabuti kung kumikilos kayo na gaya ng marunong . . . gamitin ninyo sa pinakamabuting paraan ang oras ninyo.”​—Efeso 5:15, 16.

Kung hahayaan mo ang anak mo na gumamit ng social media nang hindi siya tinuturuan kung paano ito gagamitin nang tama, parang hinayaan mo siyang basta na lang sumakay sa kabayo kahit hindi pa siya marunong

 Ang tingin ng anak mo sa pakikipagkaibigan

 Kapag sinabing “social media,” ibig sabihin kumokonekta ang mga gumagamit nito sa mga kaibigan nila o sa mga kakilala nila. Pero kadalasan, mababaw na pagkakaibigan lang ang mga ito.

 “Napansin kong iniisip ng maraming kabataan na kapag mas marami silang like o follower, ibig sabihin n’on, mas marami ang nagmamahal sa kanila, kahit hindi naman talaga nila kakilala ang mga iyon.”​—Patricia, 17.

 Tanungin ang sarili: Matured na ba ang anak ko at naiintindihan na niyang hindi ganoon kahalaga na maging sikat online? Gaano na siya kahusay makipagkaibigan nang personal?

 Prinsipyo sa Bibliya: “Ang tunay na kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon at isang kapatid na maaasahan kapag may problema.”​—Kawikaan 17:17.

 Ang emosyonal na kalagayan ng anak mo

 Sinasabi ng mga researcher na ang sobrang paggamit ng social media ay puwedeng mauwi sa pagkalungkot, pag-aalala, o pagka-depress pa nga.

 “Kapag nakikita mo y’ong picture ng mga kaibigan mo na magkakasama—tapos wala ka—ayoko ng pakiramdam na iyon.”​—Serena, 19.

 Tanungin ang sarili: Matured na ba ang anak ko at kaya na niyang iwasan na magpokus sa sarili niya, makipagkompetensiya, o sobrang maapektuhan ng mga nakikita niyang ginagawa ng iba sa social media?

 Prinsipyo sa Bibliya: “Huwag tayong maging mapagmataas, huwag tayong makipagkompetensiya sa isa’t isa, at huwag nating kainggitan ang isa’t isa.”​—Galacia 5:26.

 Ang ugali ng anak mo kapag naka-online

 Dahil sa social media, puwedeng matuto ng cyberbullying, sexting, at panonood ng pornograpya ang anak mo. Hindi man niya ito ginagawa, puwede pa rin siyang ma-expose sa ganitong mga bagay.

 “Minsan, parang wala namang masama sa isang content ng social media pero bigla na lang itong nag-iiba. Nagkalat ang mga di-magagandang salita at mga musikang may masamang impluwensiya.”​—Linda, 23.

 Tanungin ang sarili: Matured na ba ang anak ko at alam na niya ang tamang paggamit ng Internet? Kaya na ba niyang kontrolin ang sarili niya at iwasan ang mga materyal na hindi dapat panoorin, basahin, o pakinggan?

 Prinsipyo sa Bibliya: “Huwag man lang mabanggit sa gitna ninyo ang seksuwal na imoralidad at lahat ng uri ng karumihan o kasakiman, . . . kahiya-hiyang paggawi, walang-saysay na usapan, at malaswang pagbibiro.”​—Efeso 5:3, 4.

 Kailangan bang may social media ka?

 Hindi kailangan ang social media para mabuhay o maging masaya. Pinili ng maraming kabataan na huwag nang mag-social media—pati na ang ilan na dating gumagamit nito pero nagpasiyang tumigil.

 “Nakita ko ang hindi magandang epekto kay Ate ng paggamit ng social media, kaya nagdesisyon akong itigil ang paggamit nito. Mula noon, mas masaya na ako at mas marami na akong nagagawa.”​—Nathan, 17.

 Tandaan: Bago mo payagan ang anak mo na gumamit ng social media, siguraduhing matured na siya at kaya na niyang limitahan ang oras na ginagamit niya, magkaroon ng mabubuting kaibigan, at iwasan ang di-magaganda o di-angkop na mga content.

 Prinsipyo sa Bibliya: “Pinag-iisipan ng marunong ang bawat hakbang niya.”​—Kawikaan 14:15.