Pumunta sa nilalaman

TULONG PARA SA PAMILYA | PAG-AASAWA

Huwag Iuwi ang Trabaho—Paano?

Huwag Iuwi ang Trabaho—Paano?

Dahil sa teknolohiya, puwede ka nang makontak kahit anong oras. Baka isipin tuloy ng boss mo, mga katrabaho, o kliyente na available kang magtrabaho anumang oras o araw. Kaya mas mahihirapan kang balansehin ang panahon mo sa trabaho, sa asawa mo, at sa iba pang mahahalagang gawain sa buhay mo.

 Ang dapat mong malaman

  • Dahil sa teknolohiya, baka mahirapan ka nang paghiwalayin ang panahon mo para sa trabaho at para sa asawa mo. Kaya naman bawat tawag, e-mail, o text na natatanggap mo tungkol sa trabaho, kahit hindi ka na nagtatrabaho, ay parang emergency na kailangan mong sagutin agad.

    “Parang imposible na ngayon na uuwi ka sa bahay, makakasama mo ang pamilya mo, at ’di ka na mag-iisip tungkol sa trabaho. Kasi maya’t maya may mag-i-e-mail at tatawag sa ’yo tungkol sa trabaho kaya mapapabayaan mo na ang asawa mo.”—Jeanette.

  • Para mabalanse ang atensiyon mo sa trabaho at sa pamilya mo, kailangang may gawin ka. Kung hindi ka gagawa ng plano, malamang na makuha ng trabaho mo ang panahon na para sa asawa mo.

    “Kadalasan na, ang panahon mo sa asawa mo ang unang naisasakripisyo, kasi baka isipin mo, ‘Maiintindihan naman niya ’ko. Papatawarin ako n’on. Babawi na lang ako sa kaniya.’”—Holly.

 Ang puwede mong gawin

  • Unahin ang asawa mo. Sinasabi ng Bibliya: “Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.” (Mateo 19:6) Kung hindi mo papayagan ang isang tao na “paghiwalayin” kayo ng asawa mo, bakit mo papayagan ang trabaho mo na gawin iyon?

    “Iniisip ng ilang kliyente na dahil binabayaran ka naman nila, puwede ka nilang tawagan kahit anong oras. Dahil mas mahalaga sa ’kin ang asawa ko, sinasabi ko sa kanila na hindi ako available sa mga day off ko, pero tatawagan ko sila kapag puwede na ’ko.”—Mark.

    Tanungin ang sarili, ‘Ipinapakita ba ng mga ginagawa ko na mas mahalaga sa akin ang asawa ko kaysa sa trabaho ko?’

  • Tanggihan ang trabaho kung kailangan. Sinasabi ng Bibliya: “Ang karunungan ay nasa mga kumikilala sa kanilang limitasyon.” (Kawikaan 11:2, talababa) Kapag alam mo ang limitasyon mo, baka maisip mo na mas mabuting tumanggi o magpatulong na lang sa iba.

    “Isa akong tubero. May mga kliyente ako na kailangan na kailangan ako agad, kaya kadalasan, nai-stress sila. Kung hindi ko iyon magagawa sa panahong kailangan nila, papatawagin ko na lang sila sa ibang tubero.”—Christopher.

    Tanungin ang sarili: ‘Kaya ko bang tanggihan ang trabaho para hindi ko mapabayaan ang asawa ko? Iyan din ba ang sasabihin ng asawa ko?’

  • Mag-iskedyul ng panahon kasama ang asawa mo. Sinasabi ng Bibliya: “May takdang panahon para sa lahat ng bagay.” (Eclesiastes 3:1) Kapag marami kang trabaho, mas lalo mong kailangang mag-iskedyul ng panahon kasama ang asawa mo.

    “Kadalasan, kapag sobrang busy namin, mag-iiskedyul kami ng panahon na para lang sa aming dalawa, gaya ng simpleng dinner o paglalakad sa beach.”—Deborah.

    Tanungin ang sarili: ‘Nag-iiskedyul ba ako ng panahon kung kailan maibibigay ko ang buong atensiyon ko sa asawa ko? Iyan din ba ang sasabihin ng asawa ko?’

  • Mag-disconnect. Sinasabi ng Bibliya: ‘Tiyakin ninyo kung ano ang mas mahahalagang bagay.’ (Filipos 1:10, talababa) May panahon bang puwede mong patayin ang mga gadyet mo para hindi ka ma-distract ng mga text o tawag galing sa trabaho?

    “Sinisikap kong huminto na sa pagtatrabaho sa isang espesipikong oras. Pagdating ng oras na ’yon, pinapatay ko ang mga notification sa cellphone ko.”—Jeremy.

    Tanungin ang sarili: ‘Pakiramdam ko ba, dapat na lagi akong makontak ng boss o kliyente ko? Iyan din ba ang sasabihin ng asawa ko?’

  • Maging makatuwiran. Sinasabi ng Bibliya: “Makita nawa ng lahat ang pagiging makatuwiran ninyo.” (Filipos 4:5) Ang totoo, may panahon talagang sumisingit ang trabaho sa oras mo para sa asawa mo. Halimbawa, baka kailangan sa trabaho ng asawa mo na lagi siyang matatawagan kahit tapos na ang trabaho. Iwasan mong maging mapaghanap, at maging makatuwiran sa asawa mo.

    “May maliit na negosyo ang asawa ko, at madalas na meron siyang kailangang-kailangang asikasuhin kahit tapos na ang oras ng trabaho. Minsan, naiinis ako. Pero marami pa rin naman siyang panahon para sa ’kin, kaya okey lang.”—Beverly.

    Tanungin ang sarili: ‘Iniintindi ko ba ang asawa ko kapag marami siyang trabaho? Hindi ba ako humihingi ng mas maraming panahon o atensiyon kaysa sa kaya niyang ibigay? Iyan din ba ang sasabihin ng asawa ko?’

 Ang dapat ninyong pag-usapan

Una, pag-isipan ng bawat isa sa inyo ang sumusunod na mga tanong. Pagkatapos, magkasama ninyong pag-usapan ang mga sagot ninyo.

  • Nagreklamo na ba ang asawa mo na pati sa bahay, nagtatrabaho ka? Kung oo, sa tingin mo ba, may dahilan ang reklamo niya?

  • Ano pa sa tingin mo ang magagawa mo para mabalanse ang panahon mo sa trabaho at sa iba pang gawain?

  • Naiisip mo ba na parang nahihirapan ang asawa mong hindi magtrabaho sa bahay? Kung oo, may naaalala ka bang espesipikong pangyayari?

  • Anong mga pagbabago, kung mayroon man, ang gusto mong gawin ng asawa mo para maging mas balanse siya sa trabaho?