Pumunta sa nilalaman

Posible Bang Malaman Kung Sino ang Sumulat ng Bibliya?

Posible Bang Malaman Kung Sino ang Sumulat ng Bibliya?

Ang sagot ng Bibliya

 Iniisip ng marami na imposibleng malaman kung sino talaga ang sumulat ng Bibliya. Pero karaniwan nang malinaw na makikita sa Bibliya kung sino ang sumulat nito. Ang ilang bahagi ng Bibliya ay nagsisimula sa pariralang “ang mga salita ni Nehemias,” “ang pangitain ni Isaias,” at “ang salita ni Jehova na dumating kay Joel.”—Nehemias 1:1; Isaias 1:1; Joel 1:1.

 Kinikilala ng karamihan sa mga manunulat ng Bibliya na sumulat sila sa pangalan ni Jehova, ang tanging tunay na Diyos, at na ginabayan niya sila. Mahigit 300 ulit na ipinahayag ng mga propetang sumulat ng Hebreong Kasulatan: “Ito ang sinabi ni Jehova.” (Amos 1:3; Mikas 2:3; Nahum 1:12) Tumanggap naman ang ibang manunulat ng mensahe ng Diyos sa pamamagitan ng mga anghel.—Zacarias 1:7, 9.

 Ang Bibliya ay isinulat ng mga 40 lalaki sa loob ng 1,600 taon. Ang ilan sa mga lalaking ito ay sumulat ng mahigit sa isang aklat sa Bibliya. Sa katunayan, ang Bibliya ay parang isang maliit na aklatan na may 66 na aklat. May 39 na aklat sa Hebreong Kasulatan, tinatawag ding Lumang Tipan, at 27 aklat naman sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, na karaniwang tinatawag na Bagong Tipan.