Pumunta sa nilalaman

Bakit Napakaraming Iba’t Ibang Relihiyong Kristiyano?

Bakit Napakaraming Iba’t Ibang Relihiyong Kristiyano?

Ang sagot ng Bibliya

 Ginamit ng tao ang mga turo ni Jesu-Kristo para magtatag ng iba’t ibang relihiyong “Kristiyano.” Pero ipinakikita ng Bibliya na iisa lang ang tunay na anyo ng Kristiyanismo. Pansinin ang tatlo lamang sa mga dahilan kung bakit namin nasabi ito.

  1.   Sinabi ni Jesus na itinuro niya ang “katotohanan,” at tinawag ng unang mga Kristiyano ang kanilang relihiyon na “katotohanan.” (Juan 8:32; 2 Pedro 2:2; 2 Juan 4; 3 Juan 3) Ipinakikita ng mga pananalitang ito na ang mga nagtataguyod ng mga doktrinang salungat sa mga turo ni Jesus ay hindi nagsasagawa ng tunay na anyo ng Kristiyanismo.

  2.   Itinuturo ng Bibliya na lahat ng Kristiyano ay dapat “magsalita nang magkakasuwato.” (1 Corinto 1:10) Pero maraming relihiyong Kristiyano ang hindi nagkakasuwato pagdating sa mga pangunahing turo ni Kristo. Hindi puwedeng pare-parehong tama ang lahat ng relihiyong ito.—1 Pedro 2:21.

  3.   Inihula ni Jesus na marami ang mag-aangking Kristiyano pero hindi naman susunod sa kaniyang mga utos, at itatakwil niya ang mga ito. (Mateo 7:21-23; Lucas 6:46) May mga taong maililigaw ng mga lider ng relihiyon na pinasasamâ ang tunay na pagsamba para sa kanilang sariling kapakanan. (Mateo 7:15) Pipiliin naman ng iba ang huwad na Kristiyanismo dahil sinasabi nito sa kanila ang gusto nilang marinig sa halip na ang katotohanan mula sa Bibliya.—2 Timoteo 4:3, 4.

 Sa kaniyang ilustrasyon ng trigo at panirang-damo, inihula ni Jesus ang isang malaking rebelyon (apostasya) laban sa tunay na Kristiyanismo. (Mateo 13:24-30, 36-43) Sa loob ng mahabang panahon, hindi madaling makikita ang pagkakaiba ng mga tunay na Kristiyano sa mga huwad. Gaya ng inihula ni Jesus, lumaganap ang apostasya nang mamatay ang mga apostol. (Gawa 20:29, 30) Bagaman maaaring iba-iba ang turo ng mga apostata, ang iba’t ibang uri ng huwad na Kristiyanismo ay pawang “lumihis mula sa katotohanan.”—2 Timoteo 2:18.

 Inihula rin ni Jesus na sa bandang huli, malinaw na makikita ang pagkakaiba ng tunay at ng huwad na Kristiyanismo. Nangyayari ito sa ating panahon, sa “katapusan ng isang sistema ng mga bagay.”—Mateo 13:30, 39.