Pumunta sa nilalaman

Sino o Ano ang “Alpha at ang Omega”?

Sino o Ano ang “Alpha at ang Omega”?

Ang sagot ng Bibliya

 “Ang Alpha at ang Omega” ay ang Diyos na Jehova, ang Makapangyarihan-sa-lahat. Tatlong beses itong mababasa sa Bibliya.—Apocalipsis 1:8; 21:6; 22:13. a

Bakit tinatawag ng Diyos ang sarili niya na “ang Alpha at ang Omega”?

 Ang alpha at omega ang una at huling letra sa alpabetong Griego, ang wikang ginamit para isulat ang bahagi ng Bibliya na karaniwang tinatawag na Bagong Tipan. Kasama rito ang aklat ng Apocalipsis. Ginamit ang mga letrang ito para ipakita na si Jehova lang ang pasimula at ang wakas. (Apocalipsis 21:6) Siya ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat mula sa panahong walang pasimula, at hindi ito magbabago magpakailanman. Siya lang ang “mula pa sa panahong walang takda hanggang sa panahong walang takda.”—Awit 90:2.

Sino ang “una at ang huli”?

 Sa Bibliya, tumutukoy ito sa Diyos na Jehova at sa kaniyang Anak na si Jesus, pero sa magkaibang dahilan. Tingnan ang dalawang halimbawa.

  •   Sa Isaias 44:6, sinabi ni Jehova: “Ako ang una at ako ang huli, at bukod pa sa akin ay walang Diyos.” Idiniriin dito ni Jehova na siya ang tunay na Diyos magpakailanman; wala nang iba pa bukod sa kaniya. (Deuteronomio 4:35, 39) Sa kasong ito, magkasingkahulugan ang “una at ang huli” at ang “Alpha at ang Omega.”

  •   Lumitaw rin ang “Una [pro’tos, hindi alpha] at ang Huli [e’skha·tos, hindi omega]” sa Apocalipsis 1:17, 18 at 2:8. Makikita sa konteksto ng mga talatang ito na ang tinutukoy rito ay namatay at binuhay-muli. Kaya hindi ito puwedeng tumukoy sa Diyos dahil hindi naman siya namamatay. (Habakuk 1:12) Pero si Jesus ay namatay at muling binuhay. (Gawa 3:13-15) Siya ang unang tao na binuhay-muli bilang isang imortal na espiritu sa langit, kung saan siya maninirahan “magpakailan-kailanman.” (Apocalipsis 1:18; Colosas 1:18) Pagkatapos nito, si Jesus na ang nagsagawa at magsasagawa ng iba pang pagbuhay-muli. (Juan 6:40, 44) Kaya siya ang huli na direktang binuhay-muli ni Jehova. (Gawa 10:40) Kaya angkop lang na tawagin si Jesus na “ang Una at ang Huli.”

Ipinapakita ba ng Apocalipsis 22:13 na si Jesus ang “Alpha at ang Omega”?

 Hindi. Hindi ipinakilala kung sino ang nagsasalita sa Apocalipsis 22:13, at marami ring nagsasalita sa kabanatang ito. Ganito ang sabi ni Propesor William Barclay sa bahaging ito ng Apocalipsis: “Lumilitaw na hindi ito isinulat ayon sa pagkakasunod-sunod; . . . at karaniwan na, mahirap matukoy kung sino talaga ang nagsasalita.” (The Revelation of John, Tomo 2, Revised Edition, pahina 223) Kaya masasabi nating ang “Alpha at ang Omega” sa Apocalipsis 22:13 ang siya ring tinutukoy sa iba pang bahagi ng Apocalipsis—ang Diyos na Jehova.

a Sa Bibliyang King James Version, makikita rin ito sa Apocalipsis 1:11. Pero ang ikaapat na paglitaw na ito ay inalis sa karamihan ng bagong salin ng Bibliya, dahil hindi ito makikita sa pinakamatatandang manuskritong Griego at lumilitaw na idinagdag lang sa mas bagong mga kopya ng Kasulatan.