Pumunta sa nilalaman

BINAGO NG BIBLIYA ANG KANILANG BUHAY

“Parang Nasa Akin Na ang Lahat”

“Parang Nasa Akin Na ang Lahat”
  • ISINILANG: 1962

  • BANSANG PINAGMULAN: Canada

  • Dating imoral ang pamumuhay

ANG AKING NAKARAAN

 Ipinanganak ako sa Montreal, ang pinakamalaking lunsod sa Quebec, isang probinsiya ng Canada. Pinalaki ako at ang tatlo kong kapatid ng aming mapagmahal na mga magulang sa magandang pamayanan ng Rosemont. Masaya at payapa ang aming buhay.

 Noong bata ako, interesado ako sa Bibliya. Naalaala ko noong 12 anyos ako, nag-enjoy talaga ako sa pagbabasa tungkol sa buhay ni Jesus sa Bagong Tipan. Naantig ako sa pag-ibig at habag niya kaya gusto ko siyang tularan. Pero nakalulungkot, nawala ang pagnanais na iyon nang lumaki ako at napabarkada sa masasamang kasama.

 Saxophonist ang tatay ko, at ipinamana niya sa akin, hindi lang ang saxophone niya, kundi pati na ang pag-ibig niya sa musika, na naging pinakamahalaga sa buhay ko. Napakahilig ko sa musika kaya nag-aral akong tumugtog ng gitara. Nang maglaon, bumuo kaming magkakaibigan ng isang rock band, at nag-perform sa maraming show. Napansin kami ng ilang sikát na producer sa music industry kaya inalok nila ako ng kontrata. Pumirma ako ng kontrata sa isang malaking record company. Talagang sumikat ang musika ko at regular itong pinatutugtog sa radyo sa Quebec.

 Parang nasa akin na ang lahat. Bata ako at sikát, at kumikita ako ng maraming pera para gawin ang bagay na gusto ko. Sa araw, nagpupunta ako sa gym, nagpapa-interview, pumipirma ng autograph, at lumalabas sa telebisyon. Sa gabi, tumutugtog ako sa mga show at nagpa-party. Para madaig ko ang stress dahil sa mga fans, nagsimula akong uminom, pero nang maglaon, gumagamit na ako ng droga. Imoral din ako at walang pagpipigil sa sarili.

 Naiinggit ang ilan sa lifestyle ko kasi mukhang masaya ako. Pero ang totoo, pakiramdam ko, wala akong halaga, lalo na kapag nag-iisa ako. Nadepres ako at balisang-balisa. Noong nasa tugatog ako ng tagumpay, dalawa sa mga producer ko ang namatay dahil sa AIDS. Nabigla ako! Kahit mahal ko ang musika, nasuklam ako sa ganoong buhay.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO

 Kahit matagumpay ako, alam ko na may mali sa mundo. Bakit laganap ang kawalang-katarungan? Nagtataka ako kung bakit hindi kumikilos ang Diyos. Ang totoo, madalas akong manalangin sa Diyos para sa kasagutan. Habang nakabakasyon sa pagtugtog, nagbasa uli ako ng Bibliya. Kahit hindi ko naiintindihan ang karamihan sa binabasa ko, naisip ko na malapit na ang katapusan ng mundo.

 Habang nagbabasa ng Bibliya, nalaman ko na minsan ay nag-ayuno si Jesus sa disyerto nang 40 araw. (Mateo 4:1, 2) Naisip ko na kung gagawin ko din iyon, baka magpakilala sa akin ang Diyos, kaya nagtakda ako ng petsa. Dalawang linggo bago ako mag-ayuno, dalawang Saksi ni Jehova ang kumatok sa pinto ko, at pinapasok ko sila na parang inaasahan ko ang pagdating nila. Tinitigan ko ang isa sa kanila, si Jacques, at tinanong, “Paano natin malalaman na nabubuhay na tayo sa mga huling araw ng mundong ito?” Bilang sagot, binuksan niya ang kaniyang Bibliya at binasa ang 2 Timoteo 3:1-5. Pinaulanan ko silang dalawa ng maraming tanong at humanga ako sa kanilang lohikal at magagandang sagot, na laging ayon sa Kasulatan. Matapos ang ilan pang pagdalaw, na-realize ko na hindi ko na kailangang mag-ayuno.

 Nagsimula na akong makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi. Nang maglaon, ginupit ko ang mahaba kong buhok at nagsimulang dumalo sa mga pulong sa lokal na Kingdom Hall. Dahil sa mainit na pagtanggap sa akin, lalo akong nakumbinsi na natagpuan ko na ang katotohanan.

 Siyempre, para maikapit ko ang mga natututuhan ko sa pag-aaral ng Bibliya, kailangan kong gumawa ng malalaking pagbabago, halimbawa, itigil ang paggamit ng droga pati na ang imoral na pamumuhay ko. Dahil makasarili ako, kailangan ko ring magbago at magpakita ng higit na pagmamalasakit sa iba. Bilang nagsosolong magulang, kailangan kong matutuhang ilaan ang emosyonal at espirituwal na pangangailangan ng dalawang anak ko. Kaya iniwan ko ang music career ko at nagtrabaho sa isang pabrika kahit maliit ang suweldo.

 Hindi madali ang mga pagbabagong ito. Habang inihihinto ko ang paggamit ng droga, nakaranas ako ng mga withdrawal symptom kung kaya may mga panahong gumamit ako uli. (Roma 7:19, 21-24) Talagang hamon sa akin na iwanan ang imoral kong buhay. Nakakapagod din ang bagong trabaho ko, at ang liit pa ng suweldo, kaya nasiraan ako ng loob. Inabot ako nang tatlong buwan para kitain ang dalawang-oras na kita ko bilang musician.

 Nakatulong sa akin ang pananalangin para magawa ang mga pagbabagong ito. Nakita ko na mahalaga rin ang regular na pagbabasa ng Bibliya. May mga teksto na talagang nagpatibay sa akin. Ang isa ay 2 Corinto 7:1, na nagpapasigla sa mga Kristiyano na “linisin [ang kanilang] sarili mula sa bawat karungisan ng laman at espiritu.” Napatibay rin ako ng Filipos 4:13 na puwedeng mabago ang masasamang kaugalian ko: “Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.” Sinagot ng Diyos na Jehova ang mga panalangin ko at tinulungan akong maintindihan at maikapit ang mga katotohanan sa Bibliya. Dahil diyan, inialay ko ang buhay ko sa kaniya. (1 Pedro 4:1, 2) Nabautismuhan ako bilang Saksi ni Jehova noong 1997.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG

 Kung ipinagpatuloy ko ang dati kong buhay, patay na sana ako. Pero masayang-masaya ang buhay ko ngayon! Pagpapala sa akin ang mahal kong asawa, si Elvie. Nag-e-enjoy kami sa pagtuturo ng Bibliya sa iba bilang buong-panahong mga ministro. Kaya masaya at kontento ang buhay namin. Talagang nagpapasalamat ako kay Jehova dahil inilapit niya ako sa kaniya.—Juan 6:​44.